DAKILANG KAPISTAHAN NG KABANAL-BANALANG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO

Antipona sa Pagpasok
Awit 81, 16
Pinakamabuting trigo ipinakaing totoo ng Diyos sa mga tao, sarap na kanilang gusto tamis ng pulot sa bato.

Panalangin Pagkatipunan
Diyos na totoo at tao namang totoo, Panginoon naming Hesukristo, ang Huling Hapunan ay inilagak mo para kami'y magkasalu-salo sa alaala ng iyong pagpapakasakit ukol sa mga tao. Ipagkaloob mo ang aming kahilingang ang iyong Katawan at Dugo ay aming idangal sa pagdiriwang upang ang dulot mong kaligtasan ay lubos naming mapakinabangan kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 167)
UNANG PAGBASA
Dt 8, 2-3. 14b-16a

Pagbasa mula sa Aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa mga tao: "Alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang matuto kayong magpakumbaba. Sinubok niya kayo kung susundin ninyo siya. Tinuruan nga kayong magpakumbaba; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipakilala sa inyo na ang tao'y hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa salita rin naman ng Panginoon.

"Huwag ninyong kalilimutan ang Panginoon na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin ng bansang Egipto. Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakatatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. Kayo'y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing di ninyo kilala."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 147, 12-13. 14-15. 19-20

R/. Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
o:
R/. Aleluya.

Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.

R/. Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
o:
R/. Aleluya.

Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.

R/. Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
o:
R/. Aleluya.

Kay Jacob n'ya ibinibigay ang balita at pabilin,
ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin ang Panginoon!

R/. Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
o:
R/. Aleluya.

IKALAWANG PAGBASA
1 Cor 10, 16-17

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid: Hindi ba't ang pag-inom natin sa kalis ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Kristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinaghahati-hati ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? Kaya nga, yamang isa lamang ang tinapay, tayo'y iisang katawan bagamat marami, sapagkat nakikibahagi tayo sa iisang tinapay.

Ang Salita ng Diyos.

SEQUENTIA
Lauda Sion

Purihin mo, Lungsod ng D'yos,
    ang Pastol na Manunubos,
    ang Panginoong si Hesus.
Sa abot ng kakayanan
    ng lahat ng kanyang hirang,
    siya'y dapat papurihan.
Ang sarili niya'y handog
    upang lahat ay matubos
    at mapalakas nang lubos.
Kasalo'y mga alagad
    ng Panginoong Mesiyas
    na hai'y buhay sa lahat.
Siya'y dapat na handugan
    ng papuri at parangal
    ng lahat ng kanyang hirang.
Ngayo'y ating gunitain
    ang Huling Hapunang bilin
    ng Panginoon sa atin.
Dito naganap ang tipan
    na bago at walang hanggan
    sa kaligtasan ng tanan.
Ang kasunduang matanda
    humantong sa pasinaya
    ng hain n'yang inihanda.
Tanang ginanap ni Hesus
    ay habilin niyang utos
    na ipagdiwang nang lubos.
Ang handog niyang pagkain
    at alay niyang inumi'y
    laman niya't dugong hain.
Kanyang turong iniaral
    na ang alak at tinapay
    ay dugo niya't katawan.
Manalig tayong matapat
    kahit hindi namamalas
    ang pagbabagong naganap.
Pagkain ay pinalitan
    ni Kristo ng kanyang laman
    upang tayo'y makinabang.
Napalitan ang inumin
    sa dugo na inihain
    ni Hesus para sa atin.
Ating pinagsasaluha'y
    si Hesus na Poong mahal,
    walang bawas, walang kulang.
Kahit marami o isa
    ang tumatanggap sa kanya'y
    laging sapat, laging kasya.
Ang may sala'y lapastangan
    ngunit ang butihi'y banal
    pagdulog sa pakinabang.
Masuwayi'y magdurusa,
    mabubuhay ang magtika
    nang si Kristo'y matanggap n'ya.
Hinati-hating tinapay
    para sa nakikinabang
    ay laman ni Kristong buhay
    na sa ati'y kanyang alay.
Sa lahat ng tumatanggap
    paghahati'y ginaganap
    ngunit buo, walang bawas
    ang Katawan ng Mesiyas.

Dito magsisimula ang pinaikling paraan ng Sequentia.

Pagkaing mula sa langit
    ngayo'y hain sa daigdig.
    Handog na kaibig-ibig
    kailanma'y di masasaid.
Paghahai'y inilahad
    nang ialay si Isaac,
    ang korderong nagliligtas,
    ang manna ng nagsilikas.
Pastol naming mapagmahal,
    kami'y iyong kaawaan,
    gawing dapat makinabang
    sa pagkaing iyong alay
    hanggang langit ay makamtan.
Magagawa mo ang lahat
    upang tanan ay maligtas,
    akayin mo sa 'yong hapag
    lahat kaming 'yong alagad
    sa buhay mong walang wakas.

ALELUYA
Jn 6, 51

R/. Aleluya. Aleluya.
Pagkaing dulot ay buhay
Si Hesus na Poong mahal,
Buhay natin s'ya kailanman.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Jn 6, 51-58

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman."

Dahil dito'y nagtalu-talo ang mga Judio. "Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?" tanong nila. Kaya't sinabi ni Hesus, "Tandaan ninyo: malibang kanin inyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayun din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito'y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 168)
TAON K (Leksiyonaryo: 169)
UNANG PAGBASA
Gn 14, 18-20

Pagbasa mula sa Aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, dinalhan ni Melquisedec, hari ng Salem at saserdote ng Kataas-taasang Diyos si Abram ng tinapay at alak, at pinagpala ng ganito: "Pagpalain ka nawa, Abram, ng Diyos na Kataas-taasan na lumikha ng langit at lupa. Purihin ang Kataas-taasang Diyos na nagbigay sa iyo ng tagumpay!" At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikapu ng lahat ng kanyang nasamsam.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 109, 1. 2. 3. 4

R/. Ika'y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.

Sinabi ng Poon, sa Hari ko't Panginoon,
"Maupo ka sa kanan ko,
hanggang ang kaaway mo
ay lubos na mapasuko,
pagkat iyong matatalo."

R/. Ika'y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.

Magmula sa dakong Sion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
"At lahat ng kaaway mo'y
sakupin at pagharian," gayun ang kanyang utos.

R/. Ika'y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.

Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.

R/. Ika'y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.

Panginoo'y may pangako na ito'y tiyak mangyayari,
ganito ang kanyang saysay:
"Katulad ni Melquisedec,
gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan."

R/. Ika'y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.

IKALAWANG PAGBASA
1 Cor 11, 23-26

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid: Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, "Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalala sa akin." Gayon din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, "Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo sa pag-alala sa akin." Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.

Ang Salita ng Diyos.

SEQUENTIA
Lauda Sion

Purihin mo, Lungsod ng D'yos,
    ang Pastol na Manunubos,
    ang Panginoong si Hesus.
Sa abot ng kakayanan
    ng lahat ng kanyang hirang,
    siya'y dapat papurihan.
Ang sarili niya'y handog
    upang lahat ay matubos
    at mapalakas nang lubos.
Kasalo'y mga alagad
    ng Panginoong Mesiyas
    na hai'y buhay sa lahat.
Siya'y dapat na handugan
    ng papuri at parangal
    ng lahat ng kanyang hirang.
Ngayo'y ating gunitain
    ang Huling Hapunang bilin
    ng Panginoon sa atin.
Dito naganap ang tipan
    na bago at walang hanggan
    sa kaligtasan ng tanan.
Ang kasunduang matanda
    humantong sa pasinaya
    ng hain n'yang inihanda.
Tanang ginanap ni Hesus
    ay habilin niyang utos
    na ipagdiwang nang lubos.
Ang handog niyang pagkain
    at alay niyang inumi'y
    laman niya't dugong hain.
Kanyang turong iniaral
    na ang alak at tinapay
    ay dugo niya't katawan.
Manalig tayong matapat
    kahit hindi namamalas
    ang pagbabagong naganap.
Pagkain ay pinalitan
    ni Kristo ng kanyang laman
    upang tayo'y makinabang.
Napalitan ang inumin
    sa dugo na inihain
    ni Hesus para sa atin.
Ating pinagsasaluha'y
    si Hesus na Poong mahal,
    walang bawas, walang kulang.
Kahit marami o isa
    ang tumatanggap sa kanya'y
    laging sapat, laging kasya.
Ang may sala'y lapastangan
    ngunit ang butihi'y banal
    pagdulog sa pakinabang.
Masuwayi'y magdurusa,
    mabubuhay ang magtika
    nang si Kristo'y matanggap n'ya.
Hinati-hating tinapay
    para sa nakikinabang
    ay laman ni Kristong buhay
    na sa ati'y kanyang alay.
Sa lahat ng tumatanggap
    paghahati'y ginaganap
    ngunit buo, walang bawas
    ang Katawan ng Mesiyas.

Dito magsisimula ang pinaikling paraan ng Sequentia.

Pagkaing mula sa langit
    ngayo'y hain sa daigdig.
    Handog na kaibig-ibig
    kailanma'y di masasaid.
Paghahai'y inilahad
    nang ialay si Isaac,
    ang korderong nagliligtas,
    ang manna ng nagsilikas.
Pastol naming mapagmahal,
    kami'y iyong kaawaan,
    gawing dapat makinabang
    sa pagkaing iyong alay
    hanggang langit ay makamtan.
Magagawa mo ang lahat
    upang tanan ay maligtas,
    akayin mo sa 'yong hapag
    lahat kaming 'yong alagad
    sa buhay mong walang wakas.

ALELUYA
Jn 6, 51

R/. Aleluya. Aleluya.
Pagkaing dulot ay buhay
Si Hesus na Poong mahal,
Buhay natin s'ya kailanman.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 9, 11b-17

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nagsalita si Hesus sa mga tao tungkol sa paghahari ng Diyos; pinagaling niya ang mga may karamdaman. Nang dumidilim na'y nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi sa kanya, "Paalisin na po ninyo ang mga tao nang makaparoon sila sa mga nayon sa kabukiran sa paligid upang humanap ng makakain at matutuluyan. Nasa isang ilang na lugar po tayo." Ngunit sinabi niya, "Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain." Sumagot sila, "Wala po tayo kundi limang tinapay at dalawang isda, kaya kailangang bumili kami ng pagkain para sa mga taong ito." May limanlibong lalaki ang naroon. Ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Paupuin ninyo sila nang pulu-pulutong na tiglilimampu." Gayun nga ang ginawa nila -- pinaupo ang lahat. Kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga ito, at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Nakakain ang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis; at nakapuno sila ng labindalawang bakol.

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, bigyan mo ngayon ang iyong sambayanan ng mga kaloob na pagkakaisa at kapayapaan na ipinahihiwatig ng mga alay namin sa paghahaing ipinagdiriwang sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Jn 6: 57
"Ang nagsasalo sa buhay ng sariling aking alay sa akin ay mananahan, ako ay makakapisan," ani Hesukristong mahal.

Panalangin Pagkakomunyon
Panginoong Hesukristo, hinihiling naming kami'y gawin mong makasalo nang lubusan sa bunga ng banal na pakikinabang sa iyong buhay na idinudulot sa piging ng paghahain ng iyong Katawa't Dugong banal kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.