Pagbasa mula sa Aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, tumapyas si Moises ng dalawang bato at dinala kinaumagahan sa Bundok ng Sinai.
Ang Panginoon ay bumaba sa ulap, lumagay sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Panginoon. Ang Panginoon ay nagdaan sa harapan ni Moises. Sinabi niya, "Akong Panginoon ay mapagmahal at maawain. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat." Nanikluhod si Moises at sumamba sa Panginoon. Sinabi niya, "Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
Pinupuri ka namin, Panginoon;
Diyos ng aming mga ninuno;
karapat-dapat kang ipagdangal at dakilain magpakailanman.
Purihin ang iyong banal at maluwalhating pangalan,
nararapat purihin at ipagdangal magpakailanman.
R/. Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan;
lubhang karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
R/. Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka na nakaluklok sa maringal mong trono.
Karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
R/. Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
Mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin,
nakikita mo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay.
Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman.
R/. Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka sa buong sangkalangitan;
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
R/. Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa ikalawang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid: Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayun, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan. Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Kristo. Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kapatid sa simbahan.
Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Hesukristo, ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikipag-isa ng Espiritu Santo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Dakila ang Amang mahal,
Anak, Espiritung Banal,
noon, ngayon, kailan pa man.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan
Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ng Mga Kawikaan
Ito ang sinabi ng Karunungan ng Diyos: "Sa lahat ng nilikha ng Poon, ako ang siyang una, noong una pang panahon ako ay nilikha na. Matagal nang panahon nang anyuan niya ako, bago pa nilikha at naanyo itong mundo. Wala pa ang mga dagat nang ako'y lumitaw, wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw. Wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok, nang ako ay isilang dito sa sansinukob. Ako muna ang nilikha bago ang lupa at bukid, nauna pa sa alabok, at sa lupang daigdig.
Nang likhain ang mga langit, ako ay naroon na, maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga. Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay, at nang kanyang palitawin ang bukal sa kalaliman. Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat, nang patibayin nitong mundo ay ilagay at itatag, ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain, ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw. Ako ay nagdiwang nang daigdig ay matapos, dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Maningning ang iyong ngalan, Poon, sa sangkalupaan.
Ang likha mong langit, kung aking pagmasdan,
pati mga tala, bituin at buwan;
ano nga ang tao upang 'yong alalahanin?
Ay ano nga siya na sukat mong kalingain?
R/. Maningning ang iyong ngalan, Poon, sa sangkalupaan.
Nilikha mo siya, na halos kapantay
ng iyong luningning at kadakilaan!
Pinamahala mo sa buong daigdig,
sa lahat ng bagay malakiāt maliit.
R/. Maningning ang iyong ngalan, Poon, sa sangkalupaan.
Mga baka't tupa, hayop na mabangis
at lahat ng ibong nasa himpapawid,
at maging sa isda, sa 'lalim ng tubig.
R/. Maningning ang iyong ngalan, Poon, sa sangkalupaan.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid: Yamang napawalang-sala na tayo dahil sa pananalig sa ating Panginoong Hesukristo, sa pamamagitan niya'y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos. Sa pamamagitan nga niya'y tinatamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at lubos tayong nagagalak sa ating pag-asa na makakasama sa kanyang kaluwalhatian. Bukod dito, nagagalak tayo sa ating mga pagbabata sapagkat alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagbubunga ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob na sa atin.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Dakila ang Amang mahal,
Anak, Espiritung Banal,
noon, ngayon, kailan pa man.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan. Sapagkat magsasalita siya hindi sa ganang kanyang sarili; sasabihin niya sa inyo ang kanyang narinig, at ipapahayag ang mga bagay na darating. Pararangalan niya ako sapagkat sa aking magmumula ang ipapahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay akin; kaya ko sinabing sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.