IKATATLUMPONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 105, 3-4
Magdiwang sa Poon natin. Siya ay ating sambahin. Siya ay ating hanapin nang tayo ay palakasin ng mukha niyang maningning.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig namin ay iyong dagdagan at gawin mong mahalin namin ang iyong mga kautusan upang sa mga pangako mo kami'y maging dapat makinabang sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 148)
UNANG PAGBASA
Ex 22, 20-26

Pagbasa mula sa Aklat ng Exodo

Ito ang sinasabi ng Panginoon: "Huwag ninyong aapihin ang mga taga-ibang bayan; alalahanin ninyong nangibang-bayan din kayo sa Egipto. Huwag din ninyong aapihin ang mga babaing balo at ang mga ulila. Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, diringgin ko sila. Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo'y mababalo rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.

"Kapag nangungutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga usurero. Kapag may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan; wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya'y dumaing sa akin, diringgin ko siya sapagkat ako'y mahabagin."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 17, 2-3a 3bk-4. 47 at 51ab

R/. Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.

O Panginoon kong aking kalakasan,
minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo'y batong hindi matitibag,
Matibay kong muog at Tagapagligtas.

R/. Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.

D'yos ko ang sa akin ay s'yang nag-iingat,
Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Sa 'yo, Panginoon, ako'y tumatawag
sa mga kaaway ako'y 'yong iligtas.

R/. Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.

Panginoo'y buhay, s'ya'y Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat.
Sa piniling hari, dakilang tagumpay,
ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang.

R/. Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.

IKALAWANG PAGBASA
1 Tes 1, 5k-10

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mga kapatid, nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling -- ito'y ginawa namin para sa inyong kabutihan. Tinularan ninyo kami, at ang Panginoon. Tinanggap ninyo ang Mabuting Balita, at dahil dito'y nagdanas kayo ng katakut-takot na hirap. Gayunman, taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo. Kaya't naging huwaran kayo ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya. Sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako. Anupat hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Sila na ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsabing tinalikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyusan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos, at maghintay sa kanyang Anak na si Hesus. Siya ang muling binuhay na magbabalik mula sa langit at magliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 14, 23

R/. Aleluya. Aleluya.
Ang sa aki'y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama't ako'y mananahan.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 22, 34-40

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Seduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: "Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?" Sumagot si Hesus, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 149)
TAON K (Leksiyonaryo: 150)
UNANG PAGBASA
Sir 35, 12-14. 16-18 (35, 15b-17. 20-22a)

Pagbasa mula sa Aklat ni Sirak

Ang Panginoon ay Diyos ng katarungan, wala siyang itinatanging sinuman. Hindi siya kumikiling kaninuman laban sa mahirap, sa halip, agad niyang dinirinig ang naaapi. Lagi niyang dinirinig ang daing ng ulila, at ang pagsusumamo ng balong nagsasaysay ng nangyari sa kanya. Kinalulugdan ng Diyos ang naglilingkod sa kanya nang buong puso, ang panalangin nito'y agad nakaaabot sa langit. Ang dalangin ng mapagpakumbaba ay lumalampas sa mga ulap at hindi tumitigil hanggang di dumarating sa kinauukulan, hindi humihinto hanggang di pinapansin ng Kataas-taasan, at iginagawa ang katarungan sa nasa Katuwiran.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 33, 2-3. 17-18. 19 at 23

R/. Dukhang sa D'yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Panginoo'y aking laging pupurihin
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa
kayong naaapi, makinig, matuwa!

R/. Dukhang sa D'yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Nililipol niya yaong masasama
hanggang sa mapawi sa isip ng madla.
Agad dinirinig daing ng matuwid
inililigtas sila sa mga panganib.

R/. Dukhang sa D'yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Tumutulong siya sa nasisiphayo
ang walang pag-asa'y hindi binibigo
Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
sa napakukupkop, siyang lumilingap.

R/. Dukhang sa D'yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

IKALAWANG PAGBASA
2 Tim 4, 6-8. 16-18

Pagbasa mula sa ikalawang Sulat kay Timoteo

Pinakamamahal ko, ako’y iaalay na; dumating na ang oras ng pagpanaw ko sa buhay na ito: puspusan akong lumaban sa paligsahan. Natapos ko na ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kakamtan ko na ang korona ng pagtatagumpay. At sa Araw na yaon, ang Panginoon na siyang makatarungang hukom, ang magpuputong sa akin ng korona, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa muli niyang pagparito.

Walang sumama sa akin nang una akong humarap sa hukuman. Pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. Ngunit pinatnubayan ako ng Panginoon at bingyan ng lakas upang maipahayag sa mga Hentil ang salita; naligtas ako sa tiyak na kapahamakan. Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman. Amen.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
2 Cor 5, 19

R/. Aleluya. Aleluya.
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya't napatawad tayo.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 18, 9-14

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus ang talinghagang ito sa mga taong ang tingin sa sarili'y matuwid at humahamak naman sa iba. "May dalawang lalaking pumanhik sa templo upang manalangin: ang isa'y Pariseo at ang isa nama'y publikano. Tumindig ang Pariseo at pabulong na nanalangin ng ganito: 'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat hindi ako katulad ng iba -- mga magnanakaw, mga magdaraya, mga mangangalunya -- o kaya'y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinikita.' Samantala, ang publikano'y nakatayo sa malayo, hindi man lamang maktingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: 'O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!' Sinasabi ko sa inyo: ang lalaking ito'y umuwing kinalulugdan ng Diyos, ngunit hindi ang isa. Sapagkat ang sinumang nagpapakataas at ibababa, at ang nagpapakababa at itataas."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, tunghayan mo ang mga alay na aming inihahain sa iyong kadakilaan upang ang paglilingkod na amin ginagampanan ay humantong sa iyong lalong ikadarangal sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Awit 20, 5
Magiging kaligayahang aming pakikinabangan ang iyong pagtatagumpay. Panginoon, ang 'yong ngalan ay aming papurihan.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, maging lubos nawa ang aming pakikinabang sa tinanggap namin sa piging mong banal upang ang aming ginaganap nang lantaran ay siyang aming makamtang tunay sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.