IKADALAWAMPU'T WALONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 130, 3-4
Kapag iyong tinandaan lahat ng aming pagsuway, kami kaya ay tatagal? Kaya't ika'y mapagbigay at maawaing Maykapal.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, ang iyo nawang kagandahang-loob ay manguna at sumubaybay sa aming pamumuhay ngayon at araw-araw upang kami'y itaguyod sa paninindigang gumawa ng kabutihan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 142)
UNANG PAGBASA
Ez 18, 25-28

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang sinasabi ng Panginoon: "Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 24, 4kb-5. 6-7. 8-9

R/. Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa 'kin.

Ang kalooban mo'y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.

R/. Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa 'kin.

Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa'y nahayag.
Patawarin ako sa pagkakasala,
sa kamalian ko nang ako'y bata pa;
pagkat pag-ibig mo'y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!

R/. Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa 'kin.

Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari'y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.

R/. Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa 'kin.

IKALAWANG PAGBASA
Fil 2, 1-11 o 2, 1-5

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid: Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba'y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayon, lubusin ninyo ang aking kagalakan -- maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo huwag ipalagay na kayo'y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili.

Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus: Na bagamat siya'y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya'y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya'y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Anupa't ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos.

o

Mga kapatid: Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba'y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayun, lubusin ninyo ang aking kagalakan maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo huwag ipalagay na kayo'y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili.

Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 10, 27

R/. Aleluya. Aleluya.
Ang tinig ko'y pakikinggan
ng kabilang sa 'king kawan;
ako'y kanilang susundan.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 21, 28-32

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan: "Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, 'Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.' 'Ayoko po.' tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siya'y naparoon. Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayun din ang kanyang sinabi. 'Opo' tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?" "Ang nakatatanda po," sagot nila. Sinabi sa kanila ni Hesus, "Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae'y nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 143)
TAON K (Leksiyonaryo: 144)
UNANG PAGBASA
2 Hari 5, 14-17

Pagbasa mula sa ikalawang Aklat ng Mga Hari

Noong mga araw na iyon, si Naaman ay lumusong sa Ilog Jordan at lumubog ng pitong ulit. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanauli sa dati ang kanyang katawan at kuminis mula sa ketong ang kanyang balat, tulad ng balat ng sanggol.

Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay nagbalik kay Eliseo. Sinabi niya, "Ngayo'y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel. Narito, pagdamutan ninyo itong maliit kong nakayanan."

Ngunit sinabi ni Eliseo, "Buhay ang Panginoong Diyos na aking pinaglilingkuran. Hindi ako tumatanggap kahit ano." Pinilit siya ni Naaman ngunit nagpakatanggi-tanggi siya. Dahil dito, sinabi ni Naaman, "Kung ayaw ninyo itong tanggapin, maari po ba namang kargahan ko ng lupa rito ang dalawa kong kabayo? Mula ngayon, hindi na ako maghahandog sa ibang diyos maliban sa Panginoon."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

R/. Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n'ya ay kahanga-hanggang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

R/. Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag.

Ang tagumpay niyang ito'y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

R/. Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig niya ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

R/. Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag.

IKALAWANG PAGBASA
2 Tim 2, 8-13

Pagbasa mula sa ikalawang Sulat kay Timoteo

Pinakamamahal ko, alalahanin mo si Hesukristo, ang nagmula sa angkan ni David at ang muling nabuhay. Ito ang Mabuting Balitang ipinangangaral ko, ang dahilan ng aking pagdurusa hanggang sa magapos na tulad ng isang salarin. Ngunit hindi maigagapos ang salita ng Diyos. Pinagtitiisan ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magtamo rin sila ng kaligtasang mula kay Kristo Hesus, at ng walang hanggang kaluwalhatian. Narito ang kasabihang mapananaligan: "Kapag tayo'y namatay na kalakip ni Hesukristo, walang salang mabubuhay na kasama niya tayo; kung tayo man ay magtiis ng hirap sa mundong ito, maghahari naman tayong kapiling ng ating Kristo; kapag siya'y itinakwil sa harapan ng mga tao pagdating ng takdang araw, itatakwil niya tayo. Kung tayo ma'y hindi tapat, si Kristo ay tapat pa rin sapagkat ang sa kanya ay hindi niya itatakwil."

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
1 Tes 5, 18

R/. Aleluya. Aleluya.
Ang D'yos Ama'y naghahangad
lagi tayong magpasalamat
kaisa ng kanyang Anak.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 17, 11-19

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sa paglalakbay ni Hesus patungong Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, siya'y sinalubong ng sampung ketongin. Tumigil sila sa malayu-layo at humiyaw ng: "Hesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!" Nang makita sila ay sinabi niya, "Humayo kayo at pakita sa mga saserdote." At samantalang sila'y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y Samaritano. "Hindi ba sampu ang gumaling?" tanong ni Hesus. "Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?" Sinabi ni Hesus sa kanya, "Tumindig ka't humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, tanggapin mo ang aming mga panalangin na sumasaliw sa aming paghahain upang sa ginaganap naming pagdiriwang kami'y makatawid sa kaluwalhatian sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Awit 34, 10
Kahit mga mayayaman ay nagugutom din naman, ngunit pinapakinabang ng Panginoon ang tanang sa kanya'y naglalapitan.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, ngayong kami'y iyong pinapakinabang sa Katawa't Dugong banal iniluluhog namin sa dakila mong kabutihan sa tanan na kami'y gawin mong kasalo sa iyong buhay sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.