IKADALAWAMPU'T PITONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Est 13, 9. 10-11
Dahil sa 'yong kalooban na hindi malalabanan sanlibuta'y umiiral. Langit, lupa'y 'yong kinapal Diyos ka ng sanlibutan.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, ang iyong dakilang pagkamaawain ay nangingibabaw sa aming ginagawang kabutihan at idinadaing na mga kahilingan. Ang kagandahang-loob mo sa amin ay gawin mong mag-umapaw upang ang kasalanang ipinangangambang ihingi ng kapatawaran ng budhi naming takot na ikaw ay lapitan ay iyong patawarin nang lubusan at ang ipinag-aalangan naming hilingin sa pagdarasal ay iyong pagbigyang aming makamtan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 139)
UNANG PAGBASA
Is 5, 1-7

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias

Ako ay aawit sa sinta kong mahal tungkol sa nangyari sa kanyang ubasan: Mayroong ubasan ang sinta kong mutya sa libis ng bundok na lupa'y mataba; hinukayan niya't inalisan ng bato at saka tinamnan ang nasabing dako; mga piling puno ng mabuting ubas itinanim niya sa nasabing lugar; sa gitna'y nagtayo ng isang bantayan at nagpahukay pa ng sadyang pisaan. Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kayang tanim ay magsimpamunga. Ngunit ano ito? Pagdating ng araw ang kanyang napitas ay ubas na ligaw.

Kaya't kayo ngayon, taga-Jerusalem, at gayun din kayo, mga taga-Juda, kayo ang humatol sa aming dalawa: Ako, at ang aking ubasan. Ano pa ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan? Bakit nang ako'y mamitas, sa itinanim kong mabubuting ubas, ang nakuha ko ay ubas na ligaw? Kaya't ito ngayon ang gagawin ko sa aking ubasan: Papatayin ko ang mga halamang nakapaligid dito. Wawasakin ko ang bakod nito. Hahayaan kong ito'y mapasok at sirain ng mga ilap na hayop. Pababayaan ko itong lumubog sa sukal, mabalot ng tinik at dawag; di ko babawasin ang sanga't dahong labis, di ko pagyayamanin ang mga puno nito; At pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan. Ang ubasang ito'y ang bayang Israel, at ang Panginoon naman ang siyang nagtanim; ang mga Judiong kanyang inaruga ang mga puno ng ubas. At kanyang hinintay na ito'y gumawa ng mabuti ngunit naging mamamatay-tao, inaasahang magpapairal ng katarungan ngunit panay pang-aapi ang ginawa.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 79, 9 at 12. 13-14. 15-16. 19-20

R/. Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel.

Mula sa Egipto,
ikaw ang naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao mo'y palayasin.
Hanggang sa ibayo,
sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa ilog.

R/. Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel.

Bakit mo sinira?
Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
Mga baboy damong
nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop pawang nasa parang.

R/. Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel.

Ika'y manumbalik,
O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana,
ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!

R/. Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel.

At kung magkagayon,
magbabalik kami't di na magtataksil sa 'yo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
Kami ay ibalik,
Panginoong Diyos, at ipadama mo ang 'yong pagmamahal,
iligtas mo kami at sa iyong sinag kami ay tanglawan.

R/. Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel.

IKALAWANG PAGBASA
Fil 4, 6-9

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid, huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Kristo Hesus.

Sa wakas, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayun, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 15, 16

R/. Aleluya. Aleluya.
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabubuting tao.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 21, 33-43

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan: "Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at ito'y binakuran niya. Gumawa siya roon ng pisaan ng ubas at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, kanyang iniwan sa mga kasama ang ubasan, at siya'y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. Pinapunta uli ng may-ari ang mas maraming alipin, ngunit gayun din ang ginawa ng mga kasama sa mga ito. Sa kahuli-huliha'y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. 'Igagalang nila ang aking anak,' wika niya sa sarili. Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila'y nag-usap-usap: 'Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin. Kaya't siya'y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay. Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamang iyon?" Sumagot sila, "Lilipunin niya ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas." Tinanong sila ni Hesus, "Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan? 'Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan. Ginawa ito ng Panginoon, at ito'y kahanga-hanga!' Kaya nga sinasabi ko sa inyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Diyos kundi ang bansang maglilingkod sa kanya nang tapat."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 140)
TAON K (Leksiyonaryo: 141)
UNANG PAGBASA
Hb 1, 2-3; 2, 2-4

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Habacuc

Panginoon, hanggang kailan ako daraing sa iyo, at di mo diringgin? Hanggang kailan mo babayaang mamayani ang karahasan? Bakit ang ipinakikita mo sa akin ay pawang kasamaan at kahirapan? Sa magkabi-kabila'y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang hidwaan at pagtatalo. At ito ang tugon ng Panginoon: "Isulat mo ang pangitain; isulat mong malinaw sa mga tapyas ng bato, upang madaling mabasa at ibalita sa lahat. Sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon upang maganap ang pangitain; mabilis na dumarating ang wakas hindi ito maliliban. Ngunit tiyak na magaganap, kung ito ma'y nagtatagal. Masdan mo, ang hambog ay mabibigo sa kanyang kapalaluan, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa kanyang katapatan."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 94, 1-2. 6-7. 8-9

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Tayo ay lumapit sa 'ting Panginoon,
siya ay awitan, ating papurihan
ang batong kublihan nati't kalakasan.
Tayo ay lumapit, sa kanyang harapan
na may pasalamat, Siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Tayo ay lumapit, sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati'y lumalang.
Siya ang ating Diyos, tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
"Iyang inyong puso'y huwag patigasin,
tulad ng ginawa ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita aking aking ginawang sila'ng nakinabang."

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

IKALAWANG PAGBASA
2 Tim 1, 6-8. 13-14

Pagbasa mula sa ikalawang Sulat kay Timoteo

Pinakamamahal ko, ipinaaalaala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinibigay sa atin ng Diyos kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili. Kaya't huwag mong ikahihiya ang pagpapatotoo tungkol sa Panginoon o ang aking pagkabilanggo dahil sa kanya. Sa halip, makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita.

Gawin mong batayan ang mga aral na itinuro ko sa iyo yamang ang mga ito'y pawang katotohanan. Manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus. Sa tulong ng Espiritu Santong nananahan sa atin, ingatan mo ang lahat ng ipinagkatiwala sa iyo.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
1 Ped 1, 25

R/. Aleluya. Aleluya.
Bisita sa inyo ngayo'y
salita ng Panginoong
iiral habang panahon.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 17, 5-10

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ng mga apostol sa Panginoon, "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos." Tumugon ang Panginoon, "Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, 'Mabunot ka, at matanim sa dagat' at tatalima ito sa inyo.

"Ipalagay nating kayo'y may aliping nag-aararo, o nagpapastol kaya ng tupa. Pagkagaling niya sa bukid, sasabihin ba ninyo sa kanya, 'Halika at nang makakain ka na'? Hindi. Sa halip ay ganito ang sinasabi ninyo: 'Ipaghanda mo ako ng hapunan; magbihis ka, at silbihan mo ako habang ako'y kumakain. Kumain ka pagkakain ko.' Pinasasalamatan ba ang alipin dahil sa ginawa niya ang iniutos sa kanya? Gayun din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sasabihin ninyo, 'Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.'"

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, tanggapin mo ang paghahain ng mga alay na iyong inihabilin at sa pagdiriwang ng dapat naming ganapin ang kabanalan ng iyong pagliligtas nawa'y sumaamin sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Pan 3, 25
Ang Panginoo'y dakila sa kabutihan n'yang kusa para sa nagtitiwala sa kanyang habag at awa na kanyang dulot sa madla.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, ipagkaloob mong sa pagsasalo namin sa pagkai't inuming banal kami ay maging Katawan ni Kristo na aming pinakinabangan sa pamamagitan niya kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.