IKADALAWAMPU'T ANIM NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Dan 3, 32. 29. 30. 43. 42
Lahat ng iyong ginanap ay makatarungang lahat yamang kami'y sumalungat parusa'y 'yong inilapat. Hiling namin ay patawad.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, ang iyong pinakadakilang magagawa ay magpatawad at ang iyong laging ipinakikita ay pagkahabag. Padaluyin mo ang aming walang humpay ang kagandahang-loob mong sa ami'y inilaan upang sa pagkakamit namin sa pangako mong bigay kami'y gawin mong kasalo sa ipagkakaloob mo sa kalangitan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 136)
UNANG PAGBASA
Ez 18, 25-28

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang sinasabi ng Panginoon: "Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 24, 4kb-5. 6-7. 8-9

R/. Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa 'kin.

Ang kalooban mo'y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.

R/. Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa 'kin.

Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa'y nahayag.
Patawarin ako sa pagkakasala,
sa kamalian ko nang ako'y bata pa;
pagkat pag-ibig mo'y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!

R/. Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa 'kin.

Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari'y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.

R/. Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa 'kin.

IKALAWANG PAGBASA
Fil 2, 1-11 o 2, 1-5

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid: Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba'y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayon, lubusin ninyo ang aking kagalakan -- maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo huwag ipalagay na kayo'y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili.

Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus: Na bagamat siya'y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya'y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya'y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Anupa't ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos.

o

Mga kapatid: Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba'y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayun, lubusin ninyo ang aking kagalakan -- maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo huwag ipalagay na kayo'y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili.

Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 10, 27

R/. Aleluya. Aleluya.
Ang tinig ko'y pakikinggan
ng kabilang sa 'king kawan;
ako'y kanilang susundan.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 21, 28-32

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan: "Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, 'Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.' 'Ayoko po.' tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siya'y naparoon. Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayun din ang kanyang sinabi. 'Opo' tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?" "Ang nakatatanda po," sagot nila. Sinabi sa kanila ni Hesus, "Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae'y nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 137)
TAON K (Leksiyonaryo: 138)
UNANG PAGBASA
Am 6, 1a. 4-7

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Amos

Ito ang sinasabi ng Panginoong makapangyarihan: "Kahabag-habag kayong namumuhay na maginhawa sa Sion! Kahabag-habag kayo na nahihiga sa magagarang kama at nagpapahinga sa malalapad na himlayan, habang nagpapakabusog sa masasarap na pagkain. Lumilikha pa kayo ng mga awit sa saliw ng mga alpa, tulad ni David. Sa malalaking mangkok na kayo umiinom ng alak at mamahaling pabango ang ipinapahid ninyo sa katawan. Ngunit itinangis na ba ninyo ang darating na pagkawasak ng Israel? Hindi. Kaya nga, kayo ang unang ipatatapon. Matitigil na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 145, 7. 8-9a. 9bk-10

R/. Kalul'wa ko, 'yong purihin ang Panginoong butihin.

Ang maaasahang lagi'y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.

R/. Kalul'wa ko, 'yong purihin ang Panginoong butihin.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya'y nililingap.

R/. Kalul'wa ko, 'yong purihin ang Panginoong butihin.

Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila'y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo't ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.

R/. Kalul'wa ko, 'yong purihin ang Panginoong butihin.

Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!

R/. Kalul'wa ko, 'yong purihin ang Panginoong butihin.

IKALAWANG PAGBASA
1 Tim 6, 11-16

Pagbasa mula sa unang Sulat kay Timoteo

Ikaw na lingkod ng Diyos, sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. Gawin mo ang buo mong makakaya sa pakikibaka alang-alang sa pananampalataya at kakamtan mo ang buhay na walang hanggan, yamang diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harapan ng maraming saksi ang iyong pananampalataya. Sa ngalan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay, at sa ngalan ni Kristo Hesus na nagpatotoo sa harapan ni Poncio Pilato, iniuutos ko sa iyo: ang mga tagubiling ito'y panatilihin mong mabisa at walang kapintasan hanggang sa pagdating ng Panginoong Hesukristo. Sa takdang panahon, siya'y ihahayag ng mapagpalang Diyos, ang makapangyarihang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan, ang nananahan sa liwanag na di matitigan. Hindi siya nakita o makikita ninuman. Sa kanya ang karangalan at ang walang hanggang kapangyarihan. Amen.

Ibig kong ang mga lalaki sa lahat ng dako'y manalanging may malinis na kalooban, walang hinanakit o galit sa kapwa.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
2 Cor 8, 9

R/. Aleluya. Aleluya.
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo'y managana
sa bigay n'yang pagpapala.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 16, 19-31

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: "May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman, at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa Hades, tumingala ang mayaman at kanyang natanaw sa malayo si Abraham, kapiling ni Lazaro. At sumigaw siya, 'Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.' Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, 'Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro'y nagtiis ng kahirapan. Ngunit ngayo'y inaaliw siya rito, samantalang ikaw nama'y nagdurusa. Higit sa lahat, inilagay sa pagitan natin ang isang malaking bangin upang ang mga narini ay hindi makapariyan at ang mga nariyan ay hindi makaparini.' At sinabi ng mayaman, 'Kung gayun po, Amang Abraham, ipinamamanhik ko sa inyong papuntahin si Lazaro sa bahay ng aking ama, sapagkat ako'y may limang kapatid na lalaki. Paparoonin nga ninyo siya upang balaan sila at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.' Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, 'Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; pakinggan nila ang mga iyon.' 'Hindi po sapat ang mga iyon,' tugon niya, 'ngunit kung pumunta sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, tatalikdan nila ang kanilang mga kasalanan.' Sinabi sa kanya ni Abraham, 'Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.'"

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, loobin mong ikalugod ang aming paghahandog at ito nawa ay siyang magkaloob ng iyong pagpapalang sa ami'y umaagos sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Awit 119, 49-50
Ang pangako mo sa akin ngayo'y iyong gunitain. Pag-asa kong tatanggapin kahit aba sa iyong tingin ang pagsamo ko't dalangin.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, ang aming banal na pakikinabang ay magdulot nawa ng kagalingan sa aming katauhan upang kami'y makatambal sa kaluwalhatian ng aming nilalahukan sa tiniis na kamatayan na amin ngayong ipinahayag sa ginanap na pagdiriwang sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.