IKADALAWAMPU'T TATLONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 119, 137. 124
Ikaw ay tama at banal sa tapat mong kautusan, Panginoong aming mahal. Kami'y iyong pag-ukulan ng lugod mo't kasiyahan.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, kaming mga tinubos mo ngayon sa iyong kagandahang-loob upang sa pagsampalataya sa Anak mong si Kristo makamtan ang kalayaan at pamana sa piling mo sa pamamagitan niya kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 127)
UNANG PAGBASA
Ez 33, 7-9

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang sinasabi ng Panginoon: "Ikaw, Tao, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala. Kapag sinabi ko sa taong masama na siya'y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan. Ngunit kapag binabalaan mo ang masama gayunma'y hindi rin nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 94, 1-2. 6-7. 8-9

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Tayo ay lumapit sa 'ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan ang batong kublihan nati't kalakasan.
Tayo ay lumapit, sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin, ng mga awiting may tuwa at galak.

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Tayo ay lumapit, sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati'y lumalang.
Siya ang ating Diyos, tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
"Iyang inyong puso'y huwag patigasin,
tulad ng ginawa ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita ang aking ginawang sila'ng nakinabang."

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 13, 8-10

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, liban sa saguting tayo'y mag-ibigan; sapagkat ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan. Ang mga utos, gaya ng, "Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mag-iimbot," at ang alinmang utos na tulad ng mga ito ay nabubuo sa ganitong pangungusap, "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
2 Cor 5, 19

R/. Aleluya. Aleluya.
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya't napatawad tayo.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 18, 15-20

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagsasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napapanumbalik mo siya sa Ama. Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang Hentil o isang publikano. Sinasabi ko sa inyo: anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit. Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 128)
TAON K (Leksiyonaryo: 129)
UNANG PAGBASA
Kar 9, 13-18b

Pagbasa mula sa Aklat ng Karunungan

"Sinong tao ang makatatarok ng kaisipan ng Diyos? Sino ang makaaalam sa kalooban ng Panginoon? Kapos ang kaisipan ng tao at marupok ang aming mga panukala. Sapagkat ang aming kaluluwa ay binabatak na pababa ng aming katawang may kamatayan. Ang aming katawang lupa ay pabigat sa isipang punung-puno ng mga panukala. Nahihirapan kami para mahulaan man lamang ang nilalaman ng daigdig; nahihirapan din kami upang malaman kung ano ang mga bagay sa paligid namin. Sino, kung gayon, ang makauunawa sa mga bagay na makalangit? Walang makaalam ng inyong kalooban malibang bigyan mo siya ng iyong Karunungan, at lukuban ng inyong diwang banal mula sa kaitasaan. Sa ganitong paraan lamang maiwawasto mo ang mga tao sa matuwid na landas."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17

R/. Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.

R/. Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak,
kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.

R/. Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

Yamang itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon?

R/. Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

Kung umaga'y ipadama ang pag-ibig mo't paggiliw
at sa aming buong buhay may galak ang awit namin.
Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin.

R/. Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

IKALAWANG PAGBASA
Fil 9b-10. 12-17

Pagbasa mula sa Sulat kay Filemon

Pinakamamahal ko, akong si Pablo, sugo ni Kristo Hesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya, ang nakikiusap sa iyo tungkol kay Onesimo, na naakit ko sa pananampalataya samantalang ako'y naririto sa bilangguan. Pinababalik ko siya sa iyo, at para ko nang ipinadala sa iyo ang aking puso. Ibig ko sanang panatilihin siya sa aking piling, upang, sa halip mo, siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nabibilanggo dahil sa Mabuting Balita. Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang hindi maging sapilitan kundi kusa ang pagtulong mo sa akin. Marahil, nawalay sa iyo nang kaunting panahon si Onesimo upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon -- hindi na bilang alipin kundi isang minamahal na kapatid. Mahal siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo -- hindi lamang bilang isang alipin kundi isang kapatid pa sa Panginoon! Kaya't kung inaari mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Awit 118, 135

R/. Aleluya. Aleluya.
Poon, iyong pasikatin
kagandahan ng loobin
ng kabutihan mo sa 'min.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 14, 25-33

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sumama kay Hesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos siya'y kukutyain ng lahat ng makakakita nito. Sasabihin nila: 'Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos.' O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, ikaw ang gumagawa ng wagas na katapatan at kapayapaan. Ipagkaloob mong ang iyong kadakilaan ay aming handugan ng iyong minamarapat na aming maialay at nawa'y magkaisa kami sa pakikinabang sa banal na paghahaing ngayo'y ipinagdiriwang sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Awit 41, 2-3
Kami'y usang nauuhaw sa tubig na nasa bukal, ika'y pinananabikan, Diyos naming minamahal, tubig kang buhay ang alay.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, kaming pinapagsalo mo sa iyong salita at piging na banal ay iyong pinalalakas at iyong binubuhay. Pagindapatin mong kami'y makapakinabang sa buhay ng iyong Anak na para sa ami'y sarili niya ang alay bilang aming Tagapamagitan kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.