Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Jeremias
Panginoon, ako'y iyong hinihikayat, at sumunod naman ako. Higit kang malakas kaysa akin at ikaw ay nagwagi. Pinagtatawanan ako ng balana; maghapon silang nagtatawa dahil sa akin.
Tuwing ako'y magsasalita at sisigaw ng "Karahasan! Pagkasira!" Pinagtatawanan nila ako't inuuyam, sapagkat ipinahahayag ko ang iyong salita.
Ngunit kung sabihin kong, "Lilimutin ko ang Panginoon at di na sasambitin ang kanyang pangalan," para namang apoy na naglalagablab sa aking puso ang iyong mga salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto. Hindi ko na kayang pigilin ito, hirap na hirap na akong magpigil.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw yaong hangad;
Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
R/. Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal,
ikaw roo'y mamasdan ko, sa likas mong karangalan.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mahigit pa kaysa buhay.
Kaya ako'y magpupuri't ikaw ang pag-uukulan.
R/. Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat.
At ako ay dadalngin na kamay ko'y nakataas.
Itong aking kaluluwa'y kakaing may kasiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.
R/. Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
Pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit,
sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit.
Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nanghahawak,
pagkat ako kung hawak mo, kaligtasa'y natitiyak.
R/. Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y namamanhik sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos kung ano ang mabuti, nakalulugod sa kanya, at talagang ganap.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
D'yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa 'yo.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinimulang ipaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya'y muling mabubuhay. Niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan ng ganito: "Panginoon, huwag nawa ng itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo." Ngunit hinarap siya ni Hesus at sinabihan, "Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao."
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito'y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay? Sapagkat darating ang Anak ng Tao na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama at kasama ang kanyang mga anghel. Sa panahong yao'y gagantihin niya ang bawat tao ayon sa kanyang ginawa."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ni Sirak
Anak ko, maging mapagkumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin, at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos. Habang ikaw'y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba; sa gayo'y kalulugdan ka ng Panginoon. Huwag mong hangaring maunawaan ang mga bagay na lampas sa iyong kakayahan, huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman. Nililimi ng matinong tao ang mga talinghaga; nawiwili silang makinig pagkat nais silang matuto. Kung ang tubig ay nakamamatay ng apoy, ang paglilimos ay nakapapawi ng kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Poon, biyaya mo'y 'bigay sa mahirap naming buhay.
Ang lahat ay nagagalak, natutuwa ang matuwid;
sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.
Awitan ang Panginoon, purihin ang kanyang ngalan.
Ang pangalan niyang banal, magalak na papurihan.
R/. Poon, biyaya mo'y 'bigay sa mahirap naming buhay.
Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod.
R/. Poon, biyaya mo'y 'bigay sa mahirap naming buhay.
Dahil sa 'yo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa biyaya ay pinuspos.
R/. Poon, biyaya mo'y 'bigay sa mahirap naming buhay.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, hindi kayo lumapit, gawa ng paglapit ng mga Israelita, sa isang bundok na nakikita sa Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, balot ng pusikit na kadiliman, may malakas na hangin, may tunog ng trumpeta, at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na ito'y marinig ng mga tao, isinamo nilang tumigil iyon ng pagsasalita sa kanila. Ang nilapitan ninyo'y ang Bundok ng Sion at ang lungsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di-mabilang na anghel. Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon ng mga ibinilang na panganay, na nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong banal na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos. Lumapit kayo kay Hesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Sabi ni Hesus na mahal:
Dalhin n'yo ang aking pasan;
Kaamuan ko'y tularan.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo; at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.
Napansin ni Hesus na ang pinipili ng mga inanyayahan ay ang mga upuang nakalaan sa mga piling panauhin. Kaya't sinabi niya ang talinghagang ito: "Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inanyayahang lalong tanyag kaysa iyo. At lalapit ang nag-anyaya sa inyong dalawa at sasabihin sa iyo, 'Maaari bang ibigay ninyo ang upuang iyan sa taong ito?' Sa gayo'y mapapahiya ka at doon malalagay sa pinakaabang upuan. Ang mabuti, kapag naanyayahan ka, doon ka maupo sa pinakaabang upuan, sapagkat paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin, 'Kaibigan, dini ka sa kabisera.' Sa gayun, nabigyan ka ng malaking karangalan sa harapan ng mga panauhin. Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas." Sinabi naman ni Hesus sa nag-anyaya sa kanya: "Kapag naghahanda ka, huwag ang mga kaibigan mo, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, sapagkat aanyayahan ka rin nila, at sa gayo'y nagantihan ka. Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo'y magiging mapalad ka. Gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.