IKADALAWAMPU'T ISANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 86, 1-3
Sa aking abang dalangin, D'yos ko, ako'y iyong dinggin. Ang pagsamo ko't pagdaing ay mangyaring iyong dinggin. Kaligtasa'y aking hiling.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, ginagawa mong kami'y magkaisa ng kalooban. Ipagkaloob mong ang iyong mga utos ay aming mahalin, ang iyong mga pangako ay hangarin naming tanggapin, upang sa anumang pagbabago sa paligid namin manatiling matatag ang aming loobin sa tunay na kasiyahang matatagpuan sa iyong piling sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

TAON A (Leksiyonaryo: 121)
UNANG PAGBASA
Is 22, 19-23

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias

Sinabi ng Panginoon kay Sabnang katiwala sa palasyo: "Aalisin kita sa iyong katungkulan, at palalayasin sa iyong kinalalagyan. Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod, si Eliaquim na anak ni Helcias. Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan, ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan, siya ang magiging pinakaama ng Jerusalem at ng Juda. Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David; ang kanyang buksa'y walang makapagsasara at walang makapagbubukas ng ipininid niya. Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar at siya'y magiging marangal na luklukan para sa sambahayan ng kanyang ama."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 137, 1-2a. 2bk-3. 6 at 8bk

R/. Pag-ibig mo'y di kukupas, gawain mo'y magaganap.

Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyulo at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang 'yong ngalan.

R/. Pag-ibig mo'y di kukupas, gawain mo'y magaganap.

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

R/. Pag-ibig mo'y di kukupas, gawain mo'y magaganap.

Dakila man ang Poong D'yos, mahal din niya ang mahirap
kumubli ma'y kita niya yaong hambog at pasikat.
Ang dahilan nito. Poon, pag-ibig mo'y di kukupas.
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.

R/. Pag-ibig mo'y di kukupas, gawain mo'y magaganap.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 11, 33-36

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma

Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi malirip ang kanyang mga panukala at pamamaraan! Gaya ng nasusulat: "Sapagkat sino ang nakaalam sa pag-iisip ng Panginoon, o sino ang nakapagkaloob ng anuman sa Diyos para siya nama'y gantimpalaan?" Sapagkat mula sa kanya at sa pamamagitan niya at sa kanya ang lahat ng bagay. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mt 16, 18

R/. Aleluya. Aleluya.
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 16, 13-20

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?" At sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta." "Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?" tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, "Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay." Sinabi sa kanya ni Hesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit." At mahigpit niyang tinagubilinan ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya ang Kristo.

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 122)
TAON K (Leksiyonaryo: 123)
UNANG PAGBASA
Is 66, 18-21

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias

Ito ang sinasabi ng Panginoon: "Nalalaman ko ang iniisip nila at mga ginagawa. Darating ako upang tipunin ang lahat ng bansa, at mga taong iba't iba ang wika. Malalaman nila kung gaano ako kadakila. Malalaman din nilang ako ang nagpaparusa sa kanila. Ngunit magtitira ako ng ilan upang padala sa iba't ibang bansa. Susuguin ko sila sa Tarsis, sa Pul at sa Lydia, mga dakong sanay sa paggamit ng pana. Magsusugo rin ako sa Tubal at Iavan, at sa mga baybaying hindi pa ako nababalita sa aking kabantugan. Ipahahayag nila sa lahat ng bansa kung gaano ako kadakila. Bilang handog sa akin sa banal na bundok sa Jerusalem, ibabalik nila ang mga kababayan ninyo buhat sa pinagtapunan sa kanila. Sila'y darating na sakay ng mga kabayo, asno, kamelyo, karwahe at kariton, tulad na pagdadala ng mga handog na butil sa Templo, nakalagay sa malilinis na sisidlan. Ang ila sa kanila ay gagawin kong saserdote at ang ilan ay Levita."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 116, 1. 2

R/. Humayo't dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral.

Purihin ang Poon! Dapat na purihin ng lahat ng bansa,
Siya ay purihin ng lahat ng tao sa balat ng lupa.

R/. Humayo't dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral.

Pagkat ang pag-ibig na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.

R/. Humayo't dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral.

IKALAWANG PAGBASA
Heb 12, 5-7. 11-13

Pagbasa mula sa Sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, nalimutan na ba ninyo ang pangaral ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya – mga salitang nagpapalakas ng loob ninyo? "Anak, huwag kang magwalang-bahala kapag itinutuwid ka ng Panginoon, at huwag panghinaan ng loob kapag ikaw ay pinarurusahan niya. Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang mga iniibig niya, at pinapalo ang itinuturing niyang anak." Tiisin ninyo ang lahat bilang pagtutuwid ng isang ama, sapagkat ito'y nagpapakilalang kayo'y inaari ng Diyos na kanyang mga anak. Sinong anak ang hindi itinuwid ng kanyang ama? Habang tayo’y itinutuwid hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis. Ngunit pagkaraan niyon, lalasap tayo ng kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay.

Kaya't palakasin ninyo ang inyong lupaypay na katawan at tipunin ang nalalabi pang lakas! Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi tuluyang mapilay, kundi gumaling ang paang nalinsad.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 14, 6

R/. Aleluya. Aleluya.
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana't Buhay
patungo sa Amang mahal.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 13, 22-30

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nagpatuloy si Hesus sa kanyang paglalakbay. Siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan patungong Jerusalem. May isang nagtanong sa kanya, "Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?" Sinabi niya, "Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok. Kapag ang pinto'y isinara na ng puno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok. Sasabihin ninyo, 'Panginoon, papasukin po ninyo kami.' Sasagutin niya kayo, 'Hindi ko alam kung tagasaan kayo!' At sasabihin ninyo, 'Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin.' Sasabihin naman ng Panginoon, 'Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!' Tatangis kayo at magngangalit ang inyong ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, at kayo nama'y ipinagtabuyan sa labas! At darating ang mga tao buhat sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, at dudulog sa hapag sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, pinagkamit mo kami ng iyong pagkupkop pakundangan sa isang pampalagiang paghahandog kaya't sa iyong Sambayanan ay iyong ipagkaloob ang pagkakaisa at kapayapaang nagbubuklod bunga ng aming mga alay na iyong ikinalulugod sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Awit 104, 13-15
Ang halaman ay namunga at may pagkaing nakuha, ubas na dulot ay sigla, pawang bigay ng D'yos Ama upang tayo'y lumigaya.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, lubusin mo sa amin ang kagalingang bigay ng iyong pag-ibig na ngayo'y ipinagdiriwang at kami nawa'y magkaroon ng ganap na kaunlaran upang sa lahat ng aming pinagkakaabalahan ikaw ay aming mabigyang-kasiyahan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.