IKADALAWAMPUNG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 84, 9-10
Hari namin ay basbasan 'pagka't siya'y 'yong hinirang. Kahit isang araw lamang kapag nasa iyong bahay daig ang sanlibong araw.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, lingid sa aming paningin ang mga inihanda mo para sa mga nagmamahal sa iyo. Padaluyin mo sa amin ang agos ng iyong pag-ibig upang sa pagmamahal namin sa iyo nang higit makamtan namin ang iyong mga pangakong di malirip na hindi pa sumasagi sa isip namin o panaginip.

Iniluluhog namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

TAON A (Leksiyonaryo: 118)
UNANG PAGBASA
Is 56, 1. 6-7

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias

Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan: "Ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin. Ang pagliligtas ko'y di na magluluwat, ito ay darating, ito'y mahahayag sa inyong paningin."

Ito naman ang sabi ng Panginoon sa mga dating dayuhan na ngayo'y kabilang sa kanyang bayan, buong pusong naglilingkod sa kanya, nangingilin sa Araw ng Pamamahinga; at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan: "Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok. Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo. Tatanggapin ko ang inyong mga handog, at ang Templo ko'y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 66, 2-3. 5. 6 at 8

R/. Nawa'y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,
kami Panginoo'y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.

R/. Nawa'y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.

R/. Nawa'y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami'y iyong pinagpala,
nawa'y igalang ka ng lahat ng bansa.

R/. Nawa'y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 11, 13-15. 29-32

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Yamang ako'y apostol ninyo, pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo'y maligtas ang ilan sa kanila. Kung naging daan ng pakikipagkasundo ng sanlibutan sa Diyos ang pakakatakwil sa kanila, ang muling pagtanggap sa kanila'y para na ring pagbibigay buhay sa patay.

Ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. Dati, masuwayin kayo sa Diyos, ngunit ngayo'y kinahahabagan sa panahon ng pagsuway ng mga Judio. Gayun din naman sila'y naging masuwayin ngayong kayo'y kinahahabagan upang sila'y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 4, 23

R/. Aleluya. Aleluya.
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos;
sakit ay kanyang ginamot.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 15, 21-28

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, si Hesus ay nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Lumapit sa kanya ang isang Cananeang naninirahan doon at malakas na sinabi, "Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan." Ngunit gaputok ma'y di tumugon si Hesus. At lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kaniya, "Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya'y nag-iingay at susunud-sunod sa atin." Sumagot si Hesus, "Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo." Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, "Tulungan po ninyo ako, Panginoon." Sumagot si Hesus, "Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta." "Tunay nga po, Panginoon," tugon ng babae, "Ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon." Kaya't sinabi sa kanya ni Hesus, "Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo." At noon di'y gumaling ang kanyang anak.

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 119)
TAON K (Leksiyonaryo: 120)
UNANG PAGBASA
Jer 38, 4-6. 8-10

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Jeremias

Noong mga araw na iyon, sinabi ng mga pinuno sa hari, "Kamahalan, dapat ipapatay si Jeremias. Sa kasasalita niya ay matatakot tuloy ang mga kawal pati ang mga mamamayan. Hindi nakatutulong sa bayan ang taong iyan; manapa'y ibig niyang mapahamak tayong lahat." Kaya't sinabi ni Haring Sedequias, "Kung gayon, gawin ninyo sa kanya ang ibig ninyo; hindi ko kayo mapipigil." Dinakip nila si Jeremias at dinala sa may balon ni Prinsipe Malquias, sa himpilan ng mga bantay. Matapos talian ng lubid, inihugos nila si Jeremias sa balon. Hindi tubig kundi burak ang laman ng balon, kaya lumubog siya sa putik.

Pumunta roon si Ebed-melec at sinabi sa hari, "Kamahalan, masama ang ginawa ng mga pinuno; inihulog nila sa balon si Jeremias. Maaaring mamatay siya sa gutom pagkat wala nang pagkain sa lungsod." Iniutos ng hari na magsama si Ebed-melec ng tatlong lalaki at pagtutulungtulungan nilang iahon sa balon si Jeremias at baka mamatay.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 39, 2. 3. 4. 18

R/. Ang pagtulong mo sa amin, Panginoon, ngayo'y gawin.

Ako ay naghintay sa 'king Panginoon,
at dininig niya ang aking pagtaghoy.

R/. Ang pagtulong mo sa amin, Panginoon, ngayo'y gawin.

Sa balong malalim na lubhang maputik
iniahon niya at doo'y inalis,
ligtas na dinala sa malaking bato,
at naging panatag, taglay na buhay ko.

R/. Ang pagtulong mo sa amin, Panginoon, ngayo'y gawin.

Tinuruan niya ako pagkatapos
ng bagong awiting pampuri sa Diyos.
Ang bawat makasaksi ay matatakot,
at sa Poong D'yos magtitiwalang lubos.

R/. Ang pagtulong mo sa amin, Panginoon, ngayo'y gawin.

Mahina man ako at wala nang lakas,
ngunit sa isip mo'y di mo kinakatkat;
O aking Tagatulong, Tagapagligtas;
Panginoong Diyos, h'wag ka nang magluwat!

R/. Ang pagtulong mo sa amin, Panginoon, ngayo'y gawin.

IKALAWANG PAGBASA
Heb 12, 1-4

Pagbasa mula sa Sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, yamang naliligid tayo ng makapal na saksi, iwaksi natin ang kasalanan, at ang anumang balakid na pumipigil sa atin, at tayo'y buong tiyagang magpatuloy sa takbuhing nasa ating harapan. Ituon natin ang ating paningin kay Hesus na siyang pinagmulan ng ating pananampalataya, at siya ring nagpapasakdal nito. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaluklok sa kanan ng trono ng Diyos. Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang paglaban ng mga makasalanan upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. Hindi pa humahantong sa pagdanak ng iyong dugo ang pakikitunggali ninyo sa kasalanan.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 10, 27

R/. Aleluya. Aleluya.
Ang tinig ko'y pakikinggan
ng kabilang sa 'king kawan
ako'y kanilang susundan.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 12, 49-53

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, "Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa -- at sana'y napagningas na ito! May isang binyag pa na dapat kong tanggapin, at nababagabag ako hangga't hindi natutupad ito! Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi. Mula ngayon, ang limang katao sa isang sambahayan ay mababahagi: tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. Maglalaban-laban ang ama at ang anak na lalaki, Ang ina at ang anak na babae, At gayun din ang biyenang babae, at manugang na babae."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, tanggapin mo ang mga alay upang maganap ang pagpapalitan ng iyong kaloob at ng aming handog sa aming paghahain na iyo na ring ibinigay para kami'y maging marapat na iyong paunlakan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Awit 130, 7
Ang pag-ibig na s'yang dulot ng Panginoong ating D'yos ay matatag lagi't lubos. Siya ay handang tumubos nang may kagandahang-loob.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, sa banal na pakikinabang si Kristo ay aming pinagsaluhan. Hinihiling naming kami'y maging katulad niya sa langit pakundangan sa kanyang pagiging aming kaparis bilang Tagapamagitan kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.