IKALABING-WALONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 70, 1. 5
Ngayon ako'y 'yong iligtas di ako mapahamak. Dulutan mo ng paglingap nang buhay ko'y di mabihag, D'yos ko, sa aki'y mahabag.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, manatili kang kapiling ng iyong sambayanan na iyong laging kinahahabagan at pinagbibigyan upang ang itinampok ng iyong pamumuno at pagsubaybay ay muli mong ikalugod at panatilihin mong kinalulugdan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 112)
UNANG PAGBASA
Is 55, 1-3

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias

Ito ang sinasabi ng Panginoon: Narito ang tubig, mga nauuhaw. Ang mga walang salapi ay kumuha rito at bumili ng pagkain, halikayo at bumili ng alak at gatas; Bumili kayo, ngunit walang bayad. Bakit ginugugol ang salapi sa mga bagay na hindi nakabubusog? Bakit inuubos ang pera sa mga bagay na walang halaga? Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko at matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain. Pumarito kayo, kayo ay lumapit at ako'y pakinggan, makinig sa akin nang kayo'y mabuhay; ako'y may gagawing walang hanggang tipan, at ipalalasap sa inyo ang pagpapalang ipinangako ko kay David.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 144, 8-9. 15-16. 17-18

R/. Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal.

Ang Panginoong D'yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya'y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.

R/. Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal.

Tanging Panginoon ang inaasahan ng tanang nabubuhay
Siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkululang;
anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.

R/. Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal.

Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.

R/. Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 35. 37-39

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid: Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang paghihirap ba, ang kapighatian, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, o ang tabak? Hindi! Ang lahat ng ito'y kayang-kaya nating pagtagumpayan sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan, ang kataasan, ang kalaliman, o ang alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos -- pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mt 4, 4b

R/. Aleluya. Aleluya.
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal
na pagkaing kanyang bigay.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 14, 13-21

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang marinig ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, siya'y sumakay sa isang bangka at nag-iisang pumunta sa isang ilang na lugar. Nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y lumabas ng bayan at lakad na sumunod sa kanya. Paglunsad ni Hesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong yaon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila. Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, "Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain." "Hindi na sila kailangang umalis pa," sabi ni Hesus. "Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain." Sumagot sila, "Lilima po ang tinapay at dadalawa ang isda natin." "Dalhin ninyo rito," sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao, kinuha ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamigay iyon sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis, at sila'y nakapuno ng labindalawang bakol ng hati-hating tinapay. May limanlibong lalaki ang kumain, bukod pa sa mga babae at mga bata.

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 113)
TAON K (Leksiyonaryo: 114)
UNANG PAGBASA
Mang 1, 2; 2, 21-23

Pagbasa mula sa Aklat ng Mangangaral

Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay, sinabi ng Mangangaral.

Lahat ng ginawa ng tao'y pinamumunuhan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay maiiwan lamang sa susunod sa kanya. Ito ma'y walang kabuluhan. Anuman ang gawin ng tao ay nagdudulot ng kabiguan at sakit ng kalooban. Anumang gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17

R/. Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.

R/. Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak,
kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.

R/. Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

Yamang itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong
hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon?

R/. Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

Kung umaga'y ipadama ang pag-ibig mo't paggiliw
at sa aming buong buhay may galak ang awit namin.
Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin.

R/. Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

IKALAWANG PAGBASA
Col 3, 1-5. 9-11

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid, binuhay kayong muli, kasama ni Kristo, kaya't ang pagsumikatan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos. Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo'y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo. Si Kristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya’y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.

Kaya't dapat nang mawala sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsama sa diyus-diyusan. Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ng mga gawa nito at nagbihis na ng bagong pagkatao. Patuloy itong nababago ayon sa larawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang maging ganap ang inyong kaalaman tungkol sa kanya. Kaya't wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Kay Kristo, walang pagkakaiba ang lahat at siya'y sumasalahat.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mt 5, 3

R/. Aleluya. Aleluya.
Mapalad ang mga dukha
na tanging D'yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 12, 13-21

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, "Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana." Sumagot siya "Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?" At sinabi niya sa kanilang lahat: "Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan."

At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: "Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya't nasabi niya sa sarili, 'Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami naman na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya't mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!' Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, 'Hangal! Sa gabing ito'y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?' Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, para mo nang awa, gawin mong banal ang mga alay naming iyo sanang kalugdan at kami'y gawin mong haing sa iyo'y laging nakalaan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Kar 16, 20
Tinapay ng mga anghel ang binigay mong pagkain upang sarap ay lasapin ng lahat ng makatikim, Poong Diyos na butihin.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, kaming pinapagsalo mo sa banal na pakikinabang ay iyong tuwangan sa ginagawa namin sa araw-araw upang kaming hindi mo pinagkakaitan ng pagsubaybay ay gawin mong maging marapat sa lubos na kaligtasan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.