Pagbasa mula sa unang Aklat ng Mga Hari
Noong mga araw na iyon, ang Panginoo'y napakita kay Solomon sa panaginip. "Ano ang ibig mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!" wika sa kanya. Sumagot si Solomon, "Panginoon, aking Diyos, ginawa mo akong hari bilang kahalili ng aking amang si David, bagaman ako'y bata pa't walang karanasan. Pinapamuno mo ako sa iyong bayan, sa bayang ito na hindi na mabilang sa dami. Bigyan mo ako ng isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling. Sapagkat sino ang maaaring maghari sa bayan mong ito na napakalaki?"
Ikinalugod ng Panginoon ang hiling ni Solomon. Kaya't sinabi sa kanya: "Yamang hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo'y pagkaunawa at katalinuhang humatol, ipinagkaloob ko sa iyo ang hiniling mo. Binibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna, maging sa mga susunod pa sa iyo."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong D'yos.
Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay,
kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
R/. Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong D'yos.
Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos,
katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.
Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay,
ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan.
R/. Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong D'yos.
Mahigpit pa kaysa ginto, pag-ibig ko sa 'yong aral,
mahigpit pa kaysa gintong binuli at dinalisay.
Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.
R/. Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong D'yos.
Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo,
iya'y aking iingata't susundin nang buong puso,
ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
R/. Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong D'yos.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid: Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti. Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang sa kanya; ang mga ito'y itinalaga niyang maging tulad ng kanyang Anak, at sa gayun, naging panganay natin siya. At ang mga itinalaga niya noong una pa ay kanyang tinawag. Ang mga tinawag niya ay kanya ring pinawalang-sala, at ang kanyang mga pinawalang-sala ay kanya namang binigyan ng karangalan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n'ya
Hari s'ya ng mga aba.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: "Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laking tuwa, siya'y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon. Gayun din naman, ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya'y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon. Ang paghahari ng Diyos ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ay hinila ito sa pampang. At naupo ang mga tao upang pagbukud-bukirin ang mga isda: tinipon nila sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang mga walang kuwenta. Gayun din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang mga makasalanan sa mga banal, at ihahagis ang mga makasalanan sa maningas na pugon. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.
"Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?" tanong ni Hesus. "Opo," sagot nila. At sinabi niya sa kanila, "Kaya nga, ang bawat eskriba na kumikilala sa paghahari ng Diyos ay tulad ng isang puno ng sambahayan na kumukuha ng mga bagay na bago at luma sa kanyang taguan."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
o kayaNoong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: "Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laking tuwa, siya'y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon. Gayun din naman, ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya'y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon, "Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. Paroroon ako at aalamin ko kung ito'y totoo."
Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit nanatili ang Panginoon sa tabi ni Abraham. Itinanong ni Abraham, "Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, may kasalanan man o wala? Sakaling may limampung matuwid sa lungsod, wawasakin po ba ninyo iyon? Hindi ba ninyo patatawarin ang lungsod dahil sa limampung iyon? Naniniwala akong hindi idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at mabuti. Hindi ito mangyayari! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!" At tumugon ang Panginoon, "Hindi ko ipahahamak ang lungsod dahil sa limampung matuwid." "Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan," wika ni Abraham, "wala po akong karapatang magsalita sa inyo, pagkat alabok lamang ako. Kung wala pong limampu, at apatnapu't lima lamang ang matuwid, wawasakin ba ninyo ang lungsod?" "Hindi ko wawasakin dahil sa apatnapu't limang iyon," tugon ng Panginoon. Nagtanong na muli si Abraham, "Kung apatnapu lamang?" "Hindi ko wawasakin ang lungsod dahil sa apatnapung iyon," tugon sa kanya. "Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa po ako. Kung tatlumpu lamang ang taong matuwid doon, hindi rin ninyo wawasakin?" Sinagot siya, "Hindi ko wawasakin ang lungsod dahil sa tatlumpung iyon." Sinabi pa ni Abraham, "Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu lamang ang matuwid na naroon?" "Hindi ko pa rin wawasakin ang lungsod dahil sa dalawampung iyon," muling tugon sa kanya. Sa katapusa'y sinabi ni Abraham, "Ito na po lamang ng itatanong ko: Kung sampu lamang ang matuwid na naroon?" "Hindi ko pa rin wawasakin ang lungsod dahil sa sampung iyon," tugon ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Noong ako ay tumawag, tugon mo'y aking tinanggap.
Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang 'yong ngalan.
R/. Noong ako ay tumawag, tugon mo'y aking tinanggap.
Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
R/. Noong ako ay tumawag, tugon mo'y aking tinanggap.
Kung ang D'yos mang Panginoon ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang aba at mahihirap:
Kumubli ma'y kita niya yaong hambog at pasikat.
Kahit ako'y nababatbat ng maraming suliranin.
Ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
R/. Noong ako ay tumawag, tugon mo'y aking tinanggap.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa takas na iyong taglay.
Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat,
ang dahilan nito Poon, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
R/. Noong ako ay tumawag, tugon mo'y aking tinanggap.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Colosas
Mga kapatid: Noong kayo'y binyagan, nalibing kayong kasama ni Kristo at muling nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. Kayong mga Hentil na dating patay dahil sa kasalanan ay muling binuhay ng Diyos na kasama ni Kristo. Pinatawad niya tayo sa ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng kasulatan laban sa atin, pati mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Espiritu ng D'yos Anak
ay siyang ating tinanggap
nang D'yos Ama ay matawag.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
Minsan, nanalangin si Hesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, "Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad." Sinabi ni Hesus, "Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo: 'Ama, sambahin nawa ang ngalan mo. Magsimula na sana ang iyong paghahari. Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw. At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, Sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkasala sa amin. At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.'"
Sinabi pa rin niya sa kanila, "Ipalagay natin na ang isa sa inyo'y nagpunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, 'Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isang kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!' At ganito naman ang sagot ng kanyang kaibigan sa loob ng bahay, 'Huwag mo nga akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon pa upang ibgyan kita ng iyong kailangan.' Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan sa pagpupumilit nito.
Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto'y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!"
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.