IKALABINLIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok

Akong iyong pinatawad sa iyo'y makahaharap nang mukha mo ay mamalas. Sa piling mo'y magagalak pag liwanag mo'y sumikat.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, nililiwanagan ng iyong maaasahang ilaw ang mga naliligaw na iyong pinababalik sa daan para ikaw ay matagpuan. Ang mga kabilang sa nananalig sa iyong Anak ay pagkalooban mong makapagwaksi sa tanang salungat sa ngalang Kristiyanong sa iyo'y tinanggap upang ito ay talagang mapangatawanang ganap sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 103)
UNANG PAGBASA
Is 55, 10-11

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias

Ito ang sinasabi ng Panginoon: "Ang ulan at niyebe paglagpak sa lupa'y di na nagbabalik, aagos na ito sa balat ng lupa't nagiging pandilig, kaya may pagkai't butil na panghasik. Ganyan din ang aking mga salita, magaganap nito ang lahat kong nasa."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 64, 10abkd. 10e-11. 12-13. 14

R/. Nagbunga nang masagana, binhi sa mabuting lupa.

Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
umuunlad ang lupait tumataba yaong lupa;
patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.

R/. Nagbunga nang masagana, binhi sa mabuting lupa.

Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na tag-ulan ay lumambot yaong lupa,
kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.

R/. Nagbunga nang masagana, binhi sa mabuting lupa.

Nag-aani nang marami sa tulong mong gumagawa,
at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,
naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.

R/. Nagbunga nang masagana, binhi sa mabuting lupa.

Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
at hitik na hitik man din ang trigo sa kapatagan;
ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!

R/. Nagbunga nang masagana, binhi sa mabuting lupa.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 18-23

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid: Sa ganang akin, ang mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa ihahayag ng kaluwalhatiang sasaatin. Nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. Nabigo ang sangnilikha, hindi sa kagustuhan nito, kundi dahil sa ito ang niloob ng Diyos. Gayunman, may pag-asa pa, sapagkat ang sangnilikha ay palalayain sa pagkaalipin nito sa kabulukan, at makakahati sa maluwalhating kalagayan ng mga anak ng Diyos. Alam natin na hanggang ngayon ang sangnilikha ay dumaraing sa paghihirap. Hindi lamang sila! Tayo mang tumatanggap ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay napapahimutok samantalang hinihintay natin ang pag-ampon sa atin ng Diyos, ang pagpapalaya sa ating mga katawan.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA

R/. Aleluya. Aleluya.
Salita ng D'yos ang buto
na tanim ni Hesukristo
upang tumubo sa tao.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 13, 1-23 o 13, 1-9

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noon ding araw na iyon, si Hesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Pinagkalimpumpunan siya ng makapal na tao, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Nasa dalampasigan naman ang mga tao. At nagturo siya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. "May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang binhing iyon, ngunit nang mapabilad sa matinding sikat ng araw ay natuyo, palibhasa'y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga iyon. Ngunit nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasadaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawat uhay. Ang may pandinig ay makinig!"

Lumapit ang mga alagad at tinanong si Hesus: "Bakit po ninyo dinadaan sa talinghaga ang inyong pagsasalita sa kanila?" Sumagot siya, "Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Diyos, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakikita, at nakikinig ngunit hindi nakaririnig ni nakauunawa. Natutupad nga sa kanila ang hula ni Isaias na nagsasabi: 'Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makauunawa, at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakikita. Sapagkat naging mapurol ang isip ng mga ito; mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata. Kung di gayun, disin sana'y nakakita ang kanilang mga mata, nakarinig ang kanilang mga tainga, nakaunawa ang kanilang mga isip, at nagbalik-loob sa akin, at pinagaling ko sila, sabi ng Panginoon.'

"Mapalad kayo, sapagkat nakakikita ang inyong mga mata at nakaririnig ang inyong mga tainga! Sinasabi ko sa inyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang nagnasang makakita sa inyong nakikita, ngunit hindi ito nakita at makarinig sa inyong naririnig, ngunit hindi ito napakinggan.

"Pakinggan nga ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig ng Salita tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi nakauunawa nito ay katulad ng mga binhing nahasik sa tabi ng daan. Dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanilang puso. Inilalarawan ng binhing nahasik sa kabatuhan ang nakikinig ng Salita at masayang tumatanggap nito kaagad. Ngunit hindi ito tumitimo sa puso nila kaya't hindi sila nananatili. Pagdating ng mga kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Inilalarawan naman ng naghasik sa dawagan ang nakikinig ng Salita, ngunit naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, at naging maibigin sa mga kayamanan anupat ang Salita'y nawalan na ng puwang sa kanilang puso, kaya't hindi makapamunga. At inilalarawan ng naghasik sa matabang lupa ang mga nakikinig ng Salita at nakauunawa nito. Sila'y namumunga: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatalumpu."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

o kaya

Noon ding araw na iyon, si Hesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Pinagkalimpumpunan siya ng makapal na tao, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Nasa dalampasigan naman ang mga tao. At nagturo siya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. "May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang binhing iyon, ngunit nang mapabilad sa matinding sikat ng araw ay natuyo, palibhasa'y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga iyon. Ngunit nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasadaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawat uhay. Ang may pandinig ay makinig!"

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 104)
TAON K (Leksiyonaryo: 105)
UNANG PAGBASA
Dt 30, 10-14

Pagbasa mula sa Aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa bayan: "Kailangan ninyong dinggin ang tinig ng inyong Panginoong Diyos at buong puso't kaluluwang sundin ang kanyang mga utos.

"Ang Kautusang ibinibigay ko ngayon sa inyo ay madaling sundin at unawain. Ito'y wala sa langit, kaya hindi ninyo masasabing walang aakyat doon at kukuha sa Kautusan upang marinig ninyo at maisakatuparan. Ni wala ito sa ibayong dagat kaya di ninyo masasabing walang tatawid sa dagat para kunin ang Kautusan at nang marinig ninyo at maisagawa. Ang Kautusan ay di malayo sa inyo: nasa inyong bibig, nasa inyong puso, kaya magagawa ninyo."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 68, 14 at 17. 30-31. 33-34. 36ab at 37

R/. Dumulog tayo sa Diyos upang mabuhay nang lubos.

At sa ganang akin, ako'y dadalangin
sa iyo, O Poon, sana'y iyong dinggin
sa mga panahon na iyong ibigin;
dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay sundin.
Poon, sa buti mo't pag-ibig sa akin,
sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.

R/. Dumulog tayo sa Diyos upang mabuhay nang lubos.

Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,
O Diyos, itayo mo, ako ay iligtas.
Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko't pasasalamatan./p>

R/. Dumulog tayo sa Diyos upang mabuhay nang lubos.

Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
Lingkod na bilanggoy' di nalilimutan.

R/. Dumulog tayo sa Diyos upang mabuhay nang lubos.

Ang Lungsod ng Sion, kanyang iniligtas,
Bayang nasa Juda'y muling itatatag;
Magmamana nito'y yaong lahi nila,
May pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira./p>

R/. Dumulog tayo sa Diyos upang mabuhay nang lubos.

IKALAWANG PAGBASA
Col 1, 15-20

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Colosas

Si Kristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita, at siyang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga naghahari at namamahala, mga namumuno at may kapangyarihang espirituwal ay pawang nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya'y una sa lahat, at sa kanya nakasalalay ang kaayusan ng lahat ng bagay. Siya ang ulo ng Simbahan na kanyang katawan. Siya ang Una, ang panganay na Anak -- ang unang nabuhay na muli upang siya ang maging pinakadakila sa lahat ng bagay. Ipinasiya ng Diyos na ang kanyang kalikasan ay manatili rin sa Anak, at inibig niyang ang sandaigdigan ay makipagsundo sa kanya sa pamamagitan ng Anak. Sa pamamagitan ng pagkamatay nito sa krus, nagkasundo nga ang Diyos at ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 6, 63k. 68k

R/. Aleluya. Aleluya.
Espiritung bumubuhay,
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 10, 25-37

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, may isang eskribang lumapit kay Hesus upang siya'y subukin. "Guro," aniya, "ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?" Sumagot si Hesus, "Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?" Tumugon siya, "'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip' at 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.'" "Tama ang sagot mo," wika ni Hesus. "Gawin mo iyan at mabubuhay ka."

Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, "Sino naman ang aking kapwa?" Sumagot si Hesus: "May isang taong naglalakbay buhay sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya'y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya'y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, 'Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.' Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?" tanong ni Hesus. "Ang nagpakita ng habag sa kanya," tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, "Humayo ka't gayun din ang gawin mo."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, tunghayan mo ang mga alay ng iyong sumasamong Sambayanan at tanggapin mo ang mga ito para madagdagan ang iyong kabanalan sa mga nananalig na tunay sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Awit 84, 3-4
Mga mayang nagpupugad sa templo mo'y nagagalak. Panginoon, silang lahat sa piling mo bawat oras ay talagang mapapalad.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, kaming mga pinapagsalo mo sa piging na banal ay makatanggap nawa ng bungang karagdagan ng iyong pagliligtas na aming ipinagdiriwang sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.