IKALABING-APAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 48, 9-10
Sa iyong templo, Poong D'yos, aming isinasaloob ang 'yong pag-ibig na lubos. Papuri ng sansinukob sa malasakit mong taos.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, pakundangan sa pagpapakumbaba ng Anak mong masunurin ibinangon mo sa pagkadapa ang sangkatauhang masuwayin. Ipagkaloob mo sa amin ang banal na kagalakan upang kaming sinagip mo sa kaalipinan ay magkamit ng iyong ligayang walang katapusan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 100)
UNANG PAGBASA
Zac 9, 9-10

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Zacarias

Ito ang sinasabi ng Panginoon: "Sion, magalak ka at magdiwang! Umawit ka nang malakas, O Jerusalem! Pagkat ang hari mo ay dumarating na, mapagwagi at mapagtagumpay. Mapagpakumbaba siya at nakasakay sa isang bisirong asno. Ipaaalis niya ang mga karwahe sa Efraim, gayun din ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem. Babaliin niya ang mga panudla ng mandirigma at paiiralin ang pagkakasundo ng lahat ng bansa; ang hangganan ng kaharian niya'y dagat magkabila, mula sa Eufrates hanggang dulo ng daigdig.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 144, 1-2. 8-9. 10-11. 13kd-14

R/. Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.

Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.

R/. Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.

Ang Panginoong D'yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya'y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.

R/. Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.

Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang 'yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.

R/. Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.

Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
yaong inaapi'y inaalis niya sa pagkagupiling.

R/. Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 9. 11-13

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid: Hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Kristo'y wala sa isang tao, hindi siya kay Kristo. Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Hesukristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo. Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa laman ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga gawa ng laman, mabubuhay kayo.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mt 11, 25

R/. Aleluya. Aleluya.
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n'ya
Hari s'ya ng mga aba.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 10, 37-42

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, "Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo. Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.

"Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako'y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 101)
TAON K (Leksiyonaryo: 102)
UNANG PAGBASA
Is 66, 10-14k

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias

Magalak ang lahat, magalak kayo dahil sa Jerusalem, ang lahat sa inyo na may pagmamahal, wagas ang pagtingin; Kayo'y makigalak at makipagsaya, lahat kayong tumangis para sa kanya. Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina. Sabi pa ng Panginoon: "Padadalhan kita ng walang katapusang pag-unlad. Ang kayamanan ng ibang bansa ay dadaloy sa iyong tila agos ng ilog. Ang makakatulad mo'y sanggol na buong pagmamahal na inaaruga ng kanyang ina. Aaliwin kita sa Jerusalem, tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak. Ikaw'y magagalak pag nakita mo ang lahat ng ito, ikaw ay lalakas at lulusog, sa gayun, malalaman mong akong Panginoon ang kumakalinga sa mga tumatalima sa akin."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 65, 1-3a. 4-5. 6-7a. 16 at 20

R/. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw.

Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan;
wagas na pagpuri sa kanya'y ibigay!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
"Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga."

R/. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw.

Ang lahat sa lupa ika’y sinasamba
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala'y pinupuri nila.
Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan.
Ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.

R/. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw.

Naging tuyong lupa kahit yaong tubig,
at ang nuno natin ay doon tumawid;
kaya naman tayo'y nagalak nang labis.
Siya'y naghaharing may lakas ang bisig.

R/. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw.

Lapit at makinig, ang nagpaparangal
sa Diyos, at sa inyo'y aking isasaysay
ang kanyang ginawang mga kabutihan.
Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
yamang ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
at ang pag-ibig n'ya ay aking kinamtan.

R/. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw.

IKALAWANG PAGBASA
Gal 6, 14-18

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Galacia

Mga kapatid, ang krus lamang ng ating Panginoong Hesukristo ang siya kong ipinagmamapuri. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang krus, ang sanlibuta'y patay na para sa akin at ako'y patay na para sa sanlibutan. Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga'y ang pagiging bagong nilalang. Sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa mga nananatiling tapat na bayan ng Diyos, nawa'y sumakanila ang kapayapaan at pagpapala ng Diyos!

Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking tiisin. Sapat na ang mga pilat ko, para makilalang ako'y alipin ni Hesus.

Mga kapatid, sumainyo nawa ang lahat ng pagpapala ng ating Panginoong Hesukristo. Amen.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Col 3, 15a. 16a

R/. Aleluya. Aleluya.
Kapayapaan ni Kristo
at Salita n'yang totoo
nawa'y manahan sa inyo.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 10, 1-12. 17-20

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu't dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, "Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, 'Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!' Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo -- sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, 'Nalalapit na ang paghahari ng diyos sa inyo.' Ngunit sa alinmang bayang hindi tumanggap sa inyo, lumabas kayo sa mga lansangan nito at sabihin ninyo, 'Pati ang alikabok dito na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaaan ninyo nalapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos!' Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!"

Bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu't dalawa. "Panginoon," sabi nila. "kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo." Sumagot si Hesus, "Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit -- parang kidlat. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. Gayunman, magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu kundi dahil sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, ang paghahain namin sa iyong ngalan ay siya nawang sa ami'y dumalisay upang ito ay maging pagganap araw-araw ng aming paglipat sa buhay sa kalangitan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Awit 34, 9
Lasapin ninyo at tikman ang sarap ng pagmamahal ng Panginoong Maykapal. Malaki ang kapalaran pag s'ya'y pinagtiwalaan.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, kaming iyong pinapakinabang ay loobin mong laging lumingon sa pinanggalingan ng tinanggap namin ngayon para pagsaluhan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.