Pagbasa mula sa ikalawang Aklat ng Mga Hari
Minsan, si Eliseo'y nagpunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya'y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na yaon. Sinabi ng babae sa kanyang asawa, "Natitiyak kong lingkod ng Diyos ang taong ito. Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilaw."
Nang magbalik si Eliseo, doon siya nagpahinga sa silid na inihanda sa kanya. Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Giezi, "Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?" Sumagot si Giezi, "Wala po siyang anak at matanda na ang asawa." "Tawagin mo uli," utos ni Eliseo. Nagbalik ang babae at tumayo sa may pintuan. Sinabi sa kanya ni Eliseo, "Isang taon mula ngayon ikaw ay magkakaanak."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Pag-ibig mo, Poon, na di magmamaliw
ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
ang katapatan mo'y laging sasambitin,
yaong pag-ibig mo'y walang katapusan,
sintatag ng langit ang 'yong katapatan.
R/. Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Mapalad ang taong sa 'yo'y sumasamba,
sa pagsamba nila'y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
R/. Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
dahilan sa iyong kagandahang-loob.
Pagkat pinili mo yaong hari namin,
kaloob mo ito, Banal ng Israel.
R/. Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid: Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus ay nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo'y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paanong binuhay na muli si Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama'y mabuhay sa isang bagong pamumuhay.
Ngunit tayo'y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Kristo kung namatay tayong kasama niya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan nang siya'y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ang buhay niya ngayo'y para sa Diyos. Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwa't buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Ikaw, Kristo, ang humirang
upang kami'y maging bayan
ng pari at haring banal.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol: "Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.
"Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa siya'y propeta ay tatanggap ng gantimpala ukol sa propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa siya'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito'y alagad ko-- tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa unang Aklat ng Mga Hari
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Elias: "Pahiran mo ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola, bilang propetang hahalili sa iyo."
Umalis si Elias at natagpuan niya si Eliseo na nag-aararo. Labindalawang pares ng toro ang ginagamit niya, at kaagapay siya ng huling pares. Pagdaan ni Elias sa tapat ni Eliseo, isinuklob niya rito ang kanyang balabal. Pagdaka'y iniwan ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap: "Magpapaalam po muna ako sa aking ama't ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo."
Sumagot si Elias: "Sige, umuwi ka muna." Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya ng isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging katulong nito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. D'yos ko, aking kapalara'y manahin ang iyong buhay.
O Diyos, ako'y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa 'yo dumudulog;
"Ika'y aking Panginoon," ang wika ko sa aking Diyos,
"Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob."
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako'y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
R/. D'yos ko, aking kapalara'y manahin ang iyong buhay.
Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki'y umaakay.
Nababatid ko na siya'y kasama ko oras-oras.
Sa piling n'ya kailanma'y hindi ako matitinag.
R/. D'yos ko, aking kapalara'y manahin ang iyong buhay.
Kaya't ako'y nagdiriwang, ang diwa ko'y nagagalak.
Ang lagi kong nadarama'y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.
R/. D'yos ko, aking kapalara'y manahin ang iyong buhay.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
Ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
R/. D'yos ko, aking kapalara'y manahin ang iyong buhay.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya. Magpakatatag nga kayo, at huwag nang paaalipin uli!
Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang pita ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa dahil sa pag-ibig. Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." Ngunit kung kayu-kayo'y magkakagatan at magsasakmalang parang mga hayop, mauubos kayo.
Ito ang sinasabi ko sa iyo: ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at huwag ninyong susundin ang pita ng laman. Sapagkat ang mga pita ng laman ay laban sa mga ninanasa ng Espiritu, at ang mga ninanasa ng Espiritu ay laban sa mga pita ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang ibig ninyong gawin. Kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Poon ikaw ay mangusap
at susunod ako agad.
Wika mo'y buhay ng lahat.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Hesus sa langit, ipinasya niyang pumunta sa Jerusalem. Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. Ngunit bumaling siya at pinagsabihan sila. "Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang sumasainyo," sabi niya, "sapagkat naparito ang Anak ng Tao hindi upang ipahamak ang mga tao kundi upang iligtas sila." At nagtungo sila sa ibang nayon.
Samantalang naglalakad sila, may taong nagsabi kay Hesus, "Susunod po ako sa inyo kahit saan." Sumagot si Hesus, "May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao'y wala man lamang matuluyan o mapagpahingahan." Sinabi ni Hesus sa isa, "Sumunod ka sa akin." Ngunit sumagot ang tao, "Panginoon, hayaan po muna ninyo akong umuwi upang ipalibing ang aking ama." Sinabi ni Hesus sa kanya, "Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos." Sinabi naman ng isa, "Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit magpapaalam muna ako sa aking mga kasambahay." Sinabi sa kanya ni Hesus, "Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.