IKALABINDALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 28, 8-9
Panginoon ang sanggalang ng hinirang niyang bayan at ng hari n'yang hinirang. Ang kawan n'ya'y iingatan babasbasan habang buhay.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, kami nawa'y magkaroon ng pitagan at pagmamahal para aming magawang sambahin ang ngalan mo sapagkat sa mga pinatatatag sa iyong pag-ibig ikaw ay walang pinababayaang masadlak sa ligalig. Iniluluhog namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 94)
UNANG PAGBASA
Jer 20, 10-13

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Jeremias

Sinabi ni Jeremias: Naririnig kong nagbubulungan ang karamihan. Tinagurian nila akong "Kilabot saanman." Sinasabi nila, "Isuplong natin! Isuplong natin!" Pati matatalik kong kaibiga'y naghahangad ng aking kapahamakan. Wika pa nila, "Marahil ay malilinlang natin siya; Pagkatapos, dakpin natin at paghigantihan." Subalit ikaw'y nasa panig ko, Poon, malakas ka't makapangyarihan; madarapa ang lahat ng umuusig sa akin, hindi sila magtatagumpay kailanman. Mapapahiya sila sapagkat hindi sila magwawagi. Mapapahiya sila habang panahon, at ito'y hindi na makakalimutan. Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Poon, Diyos na Makapangyarihan, Alam mo ang laman ng kanilang mga puso't isip. Kaya't ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko, ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan. Awitan ninyo ang Panginoon, inyong purihin ang Panginoon Sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 68, 8-10. 14 at 17. 33-35

R/. Panginoon, iyong dinggin akong iyong ginigiliw.

Dahilan sa iyo, ako'y inaglahi,
napahiyang lubos sa pagkaunsiyami.
Sa mga kapatid parang ako'y iba,
kasambahay ko na'y di ako kilala.
Ang pagmamahal ko sa banal mong templo,
matinding-matindi sa kalooban ko;
sa akin bumagsak, paghamak sa iyo.

R/. Panginoon, iyong dinggin akong iyong ginigiliw.

At sa ganang akin, ako'y dadalangin
sa iyo, O Poon, sana'y iyong dinggin
sa mga panahon na iyong ibigin;
dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay sundin.
Poon, buti mo't pag-ibig sa akin,
sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.

R/. Panginoon, iyong dinggin akong iyong ginigiliw.

Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata't naroong nilikha!

R/. Panginoon, iyong dinggin akong iyong ginigiliw.

IKALAWANG PAGBASA
Rom 5, 12-15

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid: Ang kasalana'y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala. Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa ibinigay ang Kautusan, ngunit walang pinananagot sa kasalanan kung walang Kautusan. Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga tao na ang pagkakasala�y di tulad ng pagsuway ni Adan.

Si Adan ay anino ng isang darating. Ngunit magkaiba ang dalawang ito, sapagkat ang kagandahang-loob ng Diyos ay higit na di hamak kaysa pagsuway ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa marami ang pagsuway ni Adan, ngunit malaki ang kahigtan ng kagandahang-loob ng Diyos at ng kaloob na dumating sa napakarami sa pamamagitan ng isang tao--si Hesukristo.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 15, 26b. 27a

R/. Aleluya. Aleluya.
Kayo at ang Espiritu
ang s'yang magpapatotoo
tungkol sa aral ni Kristo.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 10, 26-33

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga Apostol: "Huwag kayong matakot sa mga tao. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo'y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan, sa impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo'y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 95)
TAON K (Leksiyonaryo: 96)
Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, tanggapin mo ang aming paghahain ng papuri sa iyong kabutihan sa amin. Sa dulot nawa nitong kadalisayan kami nawa'y makapag-alay ng iyong kinalulugdan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Awit 145, 15
Ang D'yos ay inaasahan ng tanang nangabubuhay 'pagkat s'ya ang nagbigay ng pagkaing kailangan palagi at araw-araw.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, kaming nakinabang sa Katawan at Dugo ng iyong Anak ay sumasamo sa iyong habag upang ang aming taimtim na ginanap ay maging pagtanggap namin sa tiyak mong pagliligtas sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.