IKAWALONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 18, 18-19
Sa aki'y ang nag-iingat ay Panginoong matapat. Ako'y kanyang iniligtas sa panganib na mabihag. Mahal n'ya ako sa lahat.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, ipagkaloob mong maitaguyod ang sanlibutan sa matiwasay na pag-iral ayon sa layunin mo para sa aming kapakanan sa pagsamba sa iyo nang may panatag na kalooban sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 82)
TAON B (Leksiyonaryo: 83)
TAON K (Leksiyonaryo: 84)
UNANG PAGBASA
Sir 27, 5-8

Pagbasa mula sa Aklat ni Sirak

Pag niliglig mo ang bistay, maiiwan ang magaspang; pag ang tao'y nagsalita, kapintasa'y lumilitaw. Ang gawa ng magpapalayok ay sa hurno nasusubok, ang pagkatao ng sinuma'y makikita sa usapan. Sa bunga ng punongkahoy nakikilala ang ginagawang pag-aalaga; sa pangungusap ng isang tao, damdamin niya'y nahahalata. Huwag mo munang pupurihin ang isang tao hanggang hindi nakapagsasalita, sapagkat doon mo pa makikilala ang tunay niyang puso't diwa.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 91, 2-3. 13-14. 15-16

R/. Totoong kalugud-lugod ang magpasalamat sa D'yos.

Ang magpasalamat sa Panginoong Diyos ay mabuting bagay,
Umawit na lagi purihin ang ngalang Kataas-taasan.
Pag-ibig n'yang wagas ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi ang katapatan n'ya'y ihayag din naman.

R/. Totoong kalugud-lugod ang magpasalamat sa D'yos.

Katulad ng palma, ang taong matuwid tatatag ang buhay,
parang mga sedro, kahoy sa Libano, lalagong mainam.
Parang punongkahoy na doon natanim sa tahanan ng Diyos,
sa banal na templo ito ay lalago na nakalulugod.

R/. Totoong kalugud-lugod ang magpasalamat sa D'yos.

Tuloy ang pagbunga kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag, at ang dahon nito ay laging sariwa.
Ito'y patotoo na ang Panginoo'y tunay na matuwid,
Siya kong sanggalang, matatag na batong walang bahid dungis.

R/. Totoong kalugud-lugod ang magpasalamat sa D'yos.

IKALAWANG PAGBASA
1 Cor 15, 54-58

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, kapag napalitan na ng walang pagkabulok ang nabubulok at napalitan na ng walang kamatayan ang namamatay, matutupad ang nasasaad sa Kasulatan: "Nalupig na ang kamatayan; ganap na ang tagumpay! Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?" Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang lakas ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo!

Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at huwag matitinag. Magpakasipag kayo sa gawain para sa Panginoon yamang alam ninyong di nasasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Fil 2, 15d. 16a

R/. Aleluya. Aleluya.
Sa daigdig ay laganap
liwanag na sumisikat,
Salitang buhay ng lahat.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 6, 39-45

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad nang patalinghaga: "Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayun. Walang alagad na higit sa kanyang guro; ngunit kapag lubusang naturuan, siya'y magiging katulad ng kanyang guro. Ang tinitingnan mo'y ang puwing ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid, 'Kapatid, bayaan mong alisin ko ang iyong puwing,' gayong hindi mo nakikita ang tahilang nasa iyong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahila sa iyong mata, at makakikita kang mabuti; sa gayo'y maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.

"Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at walang masamang punongkahoy na namumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat punongkahoy sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakapipitas ng igos sa puno ng aroma, at di rin nakapipitas ng ubas sa puno ng dawag. Ang mabuting tao ay nakapagdudulot ng mabuti sapagkat tigib ng kabutihan ang kanyang puso; ang masamang tao ay nakapagdudulot ng masama, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, ipinagkakaloob mo ang mga dapat ialay upang aming sambahin ang iyong ngalan. Kaawaan mo kami at pagbigyan upang ang iyong kaloob para kami'y makapaghain ay mapakinabangan bilang pagpapala mo sa amin sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Awit 13, 6
Dahil sa 'yong kabutihan na sa aki'y iyong bigay, D'yos ko, aking aawitan ang iyong dakilang ngalan, Poong kataas-taasan.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, kaming iyong pinapakinabang ay iyong kaawaan upang ang aming pinagsaluhan ay magdulot ng aming pakikilahok sa iyong buhay na hindi matatapos. Iniluluhog namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.