IKAPITONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 13, 5-6
D'yos ko, ako'y nananalig sa matapat mong pag-ibig. Ang puso ko'y umaawit dahil ako'y 'yong sinagip, nililingap bawat saglit.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, maisaloob nawa naming palagian ang mga galing sa Espiritu ng kabanalan upang sa salita at gawa ay aming magampanan ang lahat ng iyong mga kinalulugdan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 79)
UNANG PAGBASA
Lev 19. 1-2. 17-18

Pagbasa mula sa Aklat ng Levitico

Sinabi ng Panginoon kay Moises, "Sabihin mo sa buong kapulungan ng Israel, 'Magpakabanal kayo, sapagkat akong Panginoon ay banal.

'Huwag kang magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, pangangaralan mo siya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kasamahan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Ako ang Panginoon.'"

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 102, 1-2. 3-4. 8 at 10. 12-13

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Panginoo'y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama'y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayun ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kanya.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

IKALAWANG PAGBASA
1 Cor 3, 16-23

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, hindi ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? Parurusahan ng Diyos ang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.

Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y marunong ayon sa sanlibutang ito, ibilang niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Ganito ang sinasabi sa Kasulatan, "Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan." Gayun din, "Alam ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan."

Kaya't huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Ang lahat ay inyo: si Pablo, si Apolos, at si Pedro; ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap--lahat ng ito'y sa inyo. At kayo'y kay Kristo, at si Kristo nama'y sa Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
1 Jn 2, 5

R/. Aleluya. Aleluya.
Lubos na magtatamasa
ng pag-ibig ng D'yos Ama
ang sumunod sa Anak n'ya.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 5, 38-48

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Narinig ninyo na sinabi, 'Mata sa mata at ngipin sa ngipin.' Ngunit ngayo'y sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong labanan ang masamang tao. Kung may sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo pa sa kanya ang kabila. Kung ipagsakdal ka ninuman upang makuha ang iyong baro, ibigay mo sa kanya pati ang iyong balabal. Kung sapilitang ipapasan sa iyo ng manlulupig ang kanyang dala nang isang kilometro, pasanin mo ito nang dalawang kilometro. Magbigay ka sa naghihingi sa iyo, at huwag mong pahindian ang nanghihiram sa iyo.

"Narinig na ninyong sinabi, 'Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.' Ngunit ito naman sabi ko: ibigin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo'y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan. Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyo iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba't ginagawa rin ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo'y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iyon ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 80)
TAON K (Leksiyonaryo: 81)
UNANG PAGBASA
1 Sam 26, 2. 7-9. 12-13. 22-23

Pagbasa mula sa unang Aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, lumakad si Saul, kasama ang tatlunlibong piling kawal na Israelita, upang hulihin si David. Kinagabihan, lihim na pinasok nina David at Abisai ang kampo ni Saul. Dinatnan nila itong tulog na tulog at napaliligiran ni Abner at ng buong hukbo. Ang sibat nito ay nakatarak sa gawing ulunan. Sinabi ni Abisai kay David, "Niloob ng Diyos na mahulog ngayon sa mga kamay mo ang iyong kaaway. Kung ibig mo, tatarakan ko na siya ng sibat. Kapag nasaksak kong minsan iyan, hindi na kakailanganing ulitin." Ngunit sinabi ni David, "Huwag mong gagawin iyan. Malaking kasalanan ang magbuhat ng kamay sa hinirang ng Panginoon." Kinuha nga ni David ang sibat sa ulunan ni Saul at ang lalagyan ng inumin nito, at sila'y umalis. Isa man kina Saul ay walang nagising pagkat pinahimbing sila ng Panginoon. Dumating at umalis sina David nang walang nakaalam.

Pagdating ni David sa kabilang gulod, tumayo siya sa isang mataas na lugar. Sinabi ni David, "Narito ang inyong sibat, mahal na hari. Ipakuha ninyo rito sa isa ninyong tauhan. Ang taong tapat at matuwid ay gagantimpalaan ng Panginoon. Sa araw na ito'y niloob niyang mahulog kayo sa aking mga kamay ngunit hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang hinirang ng Panginoon."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 102, 1-2. 3-4. 8 at 10. 12-13

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Panginoo'y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama'y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayun ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kanya.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

IKALAWANG PAGBASA
1 Cor 15, 45-49

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, ganito ang sinasabi sa Kasulatan: "Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay"; ang huling Adan ay Espiritung nagbibigay-buhay. Ngunit hindi nauna ang panlangit; ang panlupa muna bago panlangit. Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha sa alabok; mula sa langit ang pangalawang Adan. Ang mga katawang panlupa ay tulad ng nagmula sa lupa; ang mga katawang panlangit ay tulad ng nagmula sa langit. Kung paanong tayo'y katulad ng taong nagmula sa lupa, darating ang araw na matutulad din tayo sa nanggaling sa langit.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 13, 34

R/. Aleluya. Aleluya.
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 6, 27-38

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Sinasabi ko sa inyo, mga nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo ring ang kabila. Kapag inaagaw ang iyong balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat nanghihingi sa iyo: at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo. Kung ang iibigin lamang ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang pahihiramin lamang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyo makababayad sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan sa pag-asang ang mga ito'y makababayad! Sa halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti. Magpahiram kayo, na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayun, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasan. Sapagkat siya'y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.

"Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin sa inyo."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, sa pagganap namin ng banal na pagdiriwang upang ikaw ngayo'y aming paglingkuran hinihiling naming nawa'y mapakinabangan ang aming inihain sa iyong karangalan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Jn 11, 27
Nananalig ako sa'yo sapagkat ikaw ang Kristo na naparito sa mundo bilang sinugong totoo ng Diyos sa mga tao.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, ipagkaloob mong aming mapakinabangan ang dulot na kaligtasan ng aming pinagsaluhan bilang sangla ng iyong tiyak na pagsagip sa tanan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.