Pagbasa mula sa Aklat ni Sirak
Kung gusto mo, masusunod mo ang utos ng Panginoon, ikaw ang magpapasiya kung magiging tapat ka sa kanya o hindi. Naglagay siya sa harapan mo ng tubig at ng apoy, kunin mo ang iyong maibigan. Makapipili ka ng alinman sa dalawa: buhay o kamatayan, ang iyong mapili ang siya mong tutunguhan. Dakila ang Karunungan at kapangyarihan ng Panginoon, nakikita niya ang lahat ng bagay. Nalalaman niya ang lahat ng ginagawa ng bawat tao, at kinakalinga niya ang mga may takot sa kanya. Kailanma'y wala siyang inutusang magpakasama, o pinahintulutang magkasala.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
ayon sa utos ng Poon ang gawain araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang kautusan,
buong puso ang pagsunod sa utos na ibinigay.
R/. Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Ibinigay mo sa amin iyang iyong mga utos,
upang aming talimahin at sundin nang buong lugod,
gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
susundin ang iyong utos, susundin ng buong ingat.
R/. Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Itong iyong abang lingkod, O Diyos, sana'y pagpalain,
upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
yaong buting idudulot sa akin ng iyong aral.
R/. Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Ituro mo, Panginoon, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako’y nabubuhay.
Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingata't susundin nang buong lugod.
R/. Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid: Sa mga may sapat na gulang sa pamumuhay espiritwal, karunungan ang ipinangangaral namin, subalit hindi karunungan ng sanlibutang ito o ng mga tagapamahala sa ngayon na nakatakdang malipol. Ang tinutukoy ko ay ang panukala ng Diyos, na nalihim sa tao; itinalaga niya ito para sa ating ikadarakila, bago likhain ang sanlibutan. Isa man sa mga tagapamahala sa kapanahunang ito'y walang nakaunawa sa panukalang iyon. Sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang dakilang Panginoon. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan, "Hindi pa nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao, ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa kanya."
Subalit ito'y inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Nasasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na panukala ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n'ya
Hari s'ya ng mga aba!
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi nagaganap ang lahat. Kaya't sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos. Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.
"Narinig ninyo na noong una'y inutos sa mga tao, 'Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.' Ngunit ngayo'y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid 'ulol ka!' ay mapapasaapoy ng impiyerno. Kaya't kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos. Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi'y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo ng tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.
"Narinig ninyo na noong una'y iniutos sa mga tao, 'Huwag kang makikiapid.' Ngunit ngayo'y sinasabi ko sa inyo: ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya'y nakiapid na siya sa babaing iyon. Kung ang mata mo ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo at itapon! Sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kamay ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno.
"Sinabi rin naman, 'Kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.' Ngunit ngayo'y sinasabi ko sa inyo: kapag pinahiwalay ng isang lalaki ang kanyang asawa nang hindi naman ito nangangalunya, at ito'y nag-asawang muli, ang lalaking iyo'y nagkasala--itinulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya. At sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya.
"Narinig pa ninyo na noong una'y iniutos sa mga tao, 'Huwag kang sisita sa iyong pinanumpaang pangako bagkus ay tupdin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.' Ngunit ngayo'y sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong sumumpa kung nangangako kayo. Huwag ninyong sabihing, 'Saksi ko ang langit,' sapagkat ito'y trono ng Diyos; o kaya'y 'Saksi ko ang lupa,' sapagkat ito'y tuntungan ng kanyang mga paa. Huwag din ninyong sabihing, 'Saksi ko ang Jerusalem,' sapagkat ito'y lungsod ng dakilang Hari. Ni huwag mong sabihing, 'Mamatay man ako,' sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo'y hindi mo mapapuputi o mapaiitim. Sabihin mo na lang na 'Oo' kung oo at 'Hindi' kung hindi; sapagkat buhat na sa masama ang anumang sumpang idaragdag dito."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ng Levitico
Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, "Kung ang balat ninuman ay magbago ng kulay, mamaga o kaya'y magkaroon ng singaw na parang ketong, dadalhin siya kay Aaron o sa mga anak niyang saserdote. Ituturing siyang marumi at di ito dapat kaligtaang ipahayag ng saserdote.
"Ang mga may ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, hindi magsusuklay, tatakpan ang kanyang nguso at laging sisigaw ng, 'Marumi! Marumi!' Hanggang may sugat, siya'y ituturing na marumi at sa labas ng kampamento mamamahay na mag-isa."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Sa 'yong tulong at pagtubos ako'y binigyan mong lugod.
Mapalad ang tao na pinatawad na yaong kasalanan,
at nalimot na rin ang kanyang nagawang mga pagsalansang;
mapalad ang taong sa harap ng Poon ay di naparatangan
dahilan sa siya ay di nagkasala at hindi nalinlang.
R/. Sa 'yong tulong at pagtubos ako'y binigyan mong lugod.
Ako ay lumapit sa iyong harapan at sala'y inamin,
ang aking ginawang mga pagsalansang di ko inilihim;
pinagpasiyahan kong ang lahat ng ito sa iyo’y idaing,
at aking natamo ang iyong patawad sa sala kong angkin.
R/. Sa 'yong tulong at pagtubos ako'y binigyan mong lugod.
Lahat ng matuwid at tapat sa Poon, magalak na lubos,
dahil sa natamo nilang kabutihang kaloob ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng taong sa kanya’y sumunod.
R/. Sa 'yong tulong at pagtubos ako'y binigyan mong lugod.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid: Kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman--ng mga Judio, ng mga Griego, o mga kaanib sa simbahan ng Diyos. Ang sinisikap ko nama'y mabigyang-kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko; hindi ko hinahanap ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng D'yos sa bayan n'ya.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: "Kung ibig po ninyo'y mapagagaling ninyo ako." Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Pinaalis siya agad ni Hesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: "Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na." Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupa't hindi na hayagang makapasok ng bayan si Hesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba't ibang dako.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Jeremias
Ito ang sinasabi ng Panginoon: "Parurusahan ko ang sinumang tumatalikod sa akin, at nagtitiwala sa kanyang kapwa, sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay. Ang katulad niya'y halamang tumubo sa ilang, sa lupang tigang, at sa lupang maalat na walang ibang tumutubo; walang mabuting mangyayari sa kanya. Ngunit maligaya ang taong nananalig sa Panginoon, pagpapalain ang umaasa sa kanya. Ang katulad niya'y halamang nakatanim sa tabi ng batisan, ang mga ugat ay patungo sa tubig; hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init, sapagkat mamamalaging luntian ang mga dahon nito, kahit di umulan ay wala itong aalalahanin; patuloy pa rin itong mamumunga."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo't maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika'y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsasaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.
R/. Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Ang katulad niya'y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho't laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitiyak na magtatagumpay.
R/. Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s'yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
R/. Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kung ipinangangaral naming si Kristo'y muling nabuhay, ano't sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Kristo. At kung hindi muling binuhay si Kristo, kayo'y hindi pa nahahango sa inyong mga kasalanan, at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na nananalig kay Kristo ay napahamak. Kung ang pag-asa natin kay Kristo ay para sa buhay na ito lamang, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao. Ngunit ang totoo, si Kristo'y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Magalak kayo't magdiwang
malaki ang nakalaang
gantimpala ninyong tanan.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, bumaba si Hesus, kasama ang Labindalawa, at tumayo siya sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Tumingin si Hesus sa mga alagad at kanyang sinabi, "Mapalad kayong mga dukha, sapagkat ang Diyos ang maghahari sa inyo! Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo'y bubusigin! Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo'y magagalak! Mapalad kayo kung dahil sa Anak ng Tao kayo'y kinapopootan, ipinagtatabuyan at inaalimura ng mga tao, at pati ang inyong pangalan ay kinasusuklaman. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung ito'y mangyari, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit--gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta. Ngunit sa aba ninyong mayayaman ngayon, sapagkat nagtamasa na kayo ng kaginhawahan! Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo'y magugutom! Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis! Sa aba ninyo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.