Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias
Ito ang ipinasasabi ng Panginoon: "Ang mga nagugutom ay inyong pakanin, patuluyin sa inyong tahanan ang walang tirahan. Yaong mga tao na halos hubad na ay inyong paramtan, ang iyong pagtulong sa mga kasama ay huwag tatalikdan. At kung magkagayon, matutulad kayo sa bukang-liwayway. hindi maglalao't gagaling ang inyong sugat sa katawan, ako'y laging sasainyo, ililigtas kayo at iingatan kahit saang lugar. Sa araw na iyon. diringgin ng Panginoon ang dalangin ninyo, pag kayo'y tumawag, ako'y tutugon agad. Kung titigilan ninyo ang pang-aalipin at pagsuway sa akin, at ang masamang salita'y iiwasan, kung ang nagugutom ay pakakanin ninyo at tutulungan, ang kadilimang bumabalot sa inyo ay magiging tila liwanag sa katanghalian."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Sa dilim ay may liwanag sa tao na nahahabag.
Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanang.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
R/. Sa dilim ay may liwanag sa tao na nahahabag.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
Anumang balita'y hindi siya takot,
matatag ang puso't may tiwala sa Diyos.
R/. Sa dilim ay may liwanag sa tao na nahahabag.
Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat'wid ay di nagwawakas,
buong karangalan siyang itataas.
R/. Sa dilim ay may liwanag sa tao na nahahabag.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, nang ako'y pumariyan, ipinahayag ko sa inyo ang lihim na panukala ng Diyos, ngunit hindi sa pamamagitan ng malalalim na pananalita o matataas na karunungan. Ipinasiya kong wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Hesukristo na ipinako sa krus. Kaya mahina, takot, at nanginginig akong humarap sa inyo. Sa pananalita at pangangaral ko'y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos. Kaya't hindi na karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos nababatay ang inyong pananalig kay Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Sinabi ni Hesukristo:
"Ako ay ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko."
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, "Kayo'y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapananauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao. Kayo'y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ni Job
Nagsalita si Job at sinabi niya: "Ang buhay ng tao'y sagana sa hirap, batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas. Siya'y tulad ng alipin, pahinga ang hinahangad, para siyang manggagawa, naghihintay ng kanyang bayad. Maraming buwan na ang lumipas, walang layon ang buhay ko at tuwing sasapit ang gabi ay namimighati ako. Ang gabi ay matagal, wari'y wala nang umaga, di mapanatag sa higaan at palaging balisa. Mga araw ng buhay ko'y mabilis na nalalagas, pag-asa ko'y lumalabo, at matuling tumatakas. O Diyos, iyong alalahaning ang buhay ko'y parang hangin, ang ligaya ng buhay ko'y napalitaan na ng lagim."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling.
Purihin ang Panginoon!
O kay buti ng umawit at magpuri sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
Ang lungsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
R/. Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling.
Yaong mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat, agad-agad tatapalan.
Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga tala,
isa-isang tinatawag, yaong ngalang itinakda.
R/. Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling.
Panginoong ating Diyos ay daila at malakas,
ang taglay n'yang karunugan, ay walang mkasusukat.
Yaong mapagkumbaba'y siya niyang itataas,
ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay ibabagsak.
R/. Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, hindi ngayo't nangangaral ako ng Mabuting Balita ay maaari na akong magmalaki. Iyan ang tungkuling iniatang sa akin. Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita! Kung ginagawa ko ito sa sarili kong kalooban, ako'y may gantimpalang hihintayin; ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkulin sapagkat ito'y ipinagkatiwala sa akin. Ano ngayon ang aking gantimpala? Ang maipangaral ko nang walang bayad ang Mabuting Balita at ang di ko pagkuha ng nauukol sa akin bilang tagapangaral.
Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako na lalong marami. Sa piling ng mahihina, ako'y naging gaya ng mahihina, ako'y naging gaya ng mahihina upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay mailigtas ko, kahit sa anong paraan. Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Mabuting Balita, upang makibahagi ako sa mga pagpapala nito.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n'ya tayo!
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Simon at Andres. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito'y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di'y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.
Madaling-araw pa'y bumangon na si Hesus at nagtungo sa ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at kanyang mga kasama. Nang siya ay matagpuan, sinabi nila, "Hinanap po kayo ng lahat." Ngunit sinabi ni Hesus, "Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makaparangal ako roon--ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum." At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias
Nang taong mamatay si Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon. Nakaupo siya sa isang napakataas na luklukan. Ang laylayan ng kanyang damit ay nakalatag sa buong templo. May mga serapin sa kanyang ulunan, at bawat isa'y may anim na pakpak.
Wala silang tigil nang kasasabi sa isa't isa ng ganito: "Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos ng mga hukbo; ang kanyang kaningninga'y laganap sa sanlibutan." Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang pundasyon ng templo at ang loob nito'y napuno ng usok.
Sinabi ko, "Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi. Mapapahamak ako pagkat ako'y isang makasalanang nakakita sa Panginoon, ang Makapangyarihang Hari." Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga sa dambana, at lumipad na patungo sa akin.
Ang baga ay idiniit sa aking mga labi, at sinabi, "Wala ka nang sala. Napawi na ang mga kasalanan mo."
Narinig ko ang tinig ng Panginoon, "Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?" Sumagot ako, "Narito po ako. Ako ang isugo n'yo."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Poon, kita'y pupurihin sa harap ng mga anghel.
Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyulo at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang 'yong ngalan.
R/. Poon, kita'y pupurihin sa harap ng mga anghel.
Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
R/. Poon, kita'y pupurihin sa harap ng mga anghel.
Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi.
Ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
R/. Poon, kita'y pupurihin sa harap ng mga anghel.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa takas na iyong taglay.
Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat,
ang dahilan nito Poon, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
R/. Poon, kita'y pupurihin sa harap ng mga anghel.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto
At ngayo'y ipinaaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang Mabuting Balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang pahayag na inyong tinanggap at naging saligan ng iyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito'y naliligtas kayo, kung matatag kayong nananangan sa salitang ipinangaral ko sa inyo--liban na nga lamang kung kayo'y sumampalataya na di iniisip ang inyong sinampalatayanan. Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Kristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa nasasaad sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya'y napakita kay Pedro, saka sa Labindalawa. Pagkatapos, napakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buhay pa hanggang ngayon, bagamat patay na ang ilan. At napakita rin siya kay Santiago, saka sa mga apostol na sama-sama noon. Sa kahuli-huliha'y napakita rin siya sa akin--bagamat ako'y tulad ng batang ipinanganak nang di-kapanahunan. Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ako'y di karapat-dapat tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang simbahan ng Diyos. Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako'y naging apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila, bagamat hindi ito sa sarili kong kakayanan kundi sa tulong ng Diyos sa akin. Kaya't maging ako o sila--ito ang ipinangangaral namin, at ito ang pinananaligan ninyo.
Ang Salita ng Diyos.
oMga kapatid: Ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Kristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa nasasaad sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya'y napakita kay Pedro, saka sa Labindalawa. Pagkatapos, napakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buhay pa hanggang ngayon, bagamat patay na ang ilan. At napakita rin siya kay Santiago, saka sa mga apostol na sama-sama noon. Sa kahuli-huliha'y napakita rin siya sa akin--bagamat ako'y tulad ng batang ipinanganak nang di-kapanahunan. Kaya't maging ako o sila--ito ang ipinangangaral namin, at ito ang pinananaligan ninyo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Sumunod kayo sa akin
at kayo'y aking gagawing
katambal ko sa tungkulin.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao na ibig makarinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nakalunsad na ang mga mangingisda at naghuhugas ng kanilang mga lambat. Lumulan siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simong may-ari nito, na ilayo nang kaunti sa tabi. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao. Pagkatapos niyang magsalita ay sinabi kay Simon, "Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghulo." Sumagot si Simon, "Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat." Gayon nga ang ginawa nila sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira ang kanilang mga lambat. Kaya't kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa ibang bangka upang patulong, at lumapit naman ang mga ito. Napuno ang dalawang bangka na halos lumubog. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y nagpatirapa sa paanan ni Hesus at nagsabi, "Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y makasalanan." Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli gayon din sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon. At sinabi ni Hesus kay Simon, "Huwag kang matakot. Mula ngayo'y mamamalakaya ka ng mga tao." Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.