IKAAPAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 106, 47
Panginoon, 'yong iligtas at tipunin kaming lahat upang aming mailahad ang papuri naming wagas sa ngalan mong sadyang tanyag.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, ipagkaloob mong kami'y makasamba sa iyo nang may loobing taimtim na totoo at kami rin nawa'y magmahal sa aming kapwa tao nang may damdaming ibinubunsod ng iyong Espiritu sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 70)
TAON B (Leksiyonaryo: 71)
UNANG PAGBASA
Dt 18, 15-20

Pagbasa mula sa Aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa mga tao: "Mula sa inyo pipili ang Panginoon ng propetang tulad ko, siya ang inyong pakikinggan. Ito'y katugunan sa hiling ninyo sa Panginoon nang kayo'y nagkatipon sa Horeb. Ang sabi ninyo, 'Huwag mo nang iparinig uli sa amin ang tinig ng Panginoon ni ipakita pa ang kakilakilabot na apoy na ito pagkat tiyak na mamamatay kami.' Sinabi naman niya sa akin, 'Tama ang sabi nila, kaya pipili ako ng propetang tulad mo. Sa kanya ko ipasasabi ang ibig kong sabihin sa kanila. Sinumang hindi makinig sa kanya ay mananagot sa akin. Ngunit tiyak na mamamatay ang propetang mangangahas magsalita sa pangalan ko nang hindi ko pinahihintulutan o magsalita sa pangalan ng alinmang diyus-diyusan.'"

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 94, 1-2. 6-7. 8-9

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Tayo ay lumapit sa 'ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan ang batong kublihan nati't kalakasan.
Tayo ay lumapit, sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin, ng mga awiting may tuwa at galak.

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Tayo ay lumapit, sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati'y lumalang.
siya ang ating Diyos, tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
"Iyang inyong puso'y huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita ang aking ginawang sila'ng nakinabang."

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

IKALAWANG PAGBASA
1 Cor 7, 32-35

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid: Ibig ko kayong malayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagsusumakitan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawain ukol sa Panginoon, sapagkat ibig niyang maging kalugud-lugod sa Panginoon. Ngunit ang pinagsusumakitan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito, sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Dahil dito'y hati ang kanyang pagmamalasakit. Gayun din naman, ang pinagsisikapan ng dalaga o babaing walang asawa ay ang mga bagay na ukol sa Panginoonn sapagkat ibig niyang maitalaga nang lubusan ang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Sinasabi ko ito upang tulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang ibig ko'y madala kayo sa maayos na pamumuhay, at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mt 4, 16

R/. Aleluya. Aleluya.
Bayang nasa kadiliman
sa lilim ng kamatayan
ngayo’y naliliwanagan!
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mc 1, 21-28

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus at ang mga alagad at nagpunta sa Capernaum. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba. Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: "Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal na mula sa Diyos!" Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang espiritu, "Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!" Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kaya't sila'y nagtanungan, "Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masasamang espiritu. At sinusunod naman siya!" At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Hesus.

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON K (Leksiyonaryo: 72)
UNANG PAGBASA
Jer 1, 4-5. 17-19

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Jeremias

Noong paghahari ni Josias, kinausap ako ng Panginoon at sinabi niya, "Bago ka ipinaglihi, kilala na kita. Bago ka ipinanganak, itinalaga kita sa akin upang maging propeta sa lahat ng bansa. Magpakatapang ka: humayo ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng inuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila ngayon. Pag hindi ka sumunod sa akin, lalo kang matatakot kung naroon ka na sa kalagitnaan nila. Pakinggan mong mabuti ito, Jeremias! Ang bawat isa sa lupaing ito -- ang mga hari ng Juda, ang mga pinuno, ang mga saserdote, at ang buong bayan -- ay sasalungat sa iyo. Ngunit gagawin kitang sintibay ng isang lungsod na naliligid ng mga muog, sintatag ng haliging bakal, o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagkat ako ang mag-iingat sa iyo. Akong Panginoon ang nagsasabi nito."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17

R/. Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
h'wag mo akong pabayaang mapahiya at malupig;
tulungan mo ako ngayon yamang ikaw ay matuwid.
Ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.

R/. Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.

R/. Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Poon, pupurihin araw-araw.

R/. Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan:
Sapul pa sa pagkabata ako'y iyong tinuruan,
hanggang ngayo'y sinasambit ang gawa mong hinangaan.

R/. Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

IKALAWANG PAGBASA
1 Cor 12, 31 -- 13, 13

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid: Buong taimtim ninyong nasain ang mga kaloob na lalong dakila. At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang pinakamabuti sa lahat.

Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong batingaw na umaalingawngaw o pompiyang na tumataginting. Kung ako man ay may kakayahang maghayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya anupat napalilipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. Ipamigay ko man ang lahat kong ari-arian, at ialay ko man ang aking katawan upang sunugin, kung wala naman akong pag-ibig, walang kabutihang maidudulot ito sa akin!

Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi nananaghili, nagmamapuri, o nagmamataas, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi nito ikinatutuwa ang gawang masama ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagbatam, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.

Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil ang kakayahang magsalita sa iba't ibang wika, mawawala ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. hindi pa lubos ang ating kaalaman at ang kakayahan sa pagpapahayag ng salita ng Diyos; ngunit pagdating ng ganap, mawawala ang di ganap. Noong ako'y bata pa, nagsasalita ako, nag-iisip at nangangatwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwan ko na ang mga asal-bata. Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin ngunit darating ang araw na makikita natin siya nang mukhaan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon; ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng pagkakilala sa akin ng Diyos. Ang tatlong ito'y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lc 4, 18

R/. Aleluya. Aleluya.
Ikaw, Kristo, ay sinugo
upang sa dukha'y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 4, 21-30

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nagsalita si Hesus sa sinagoga: "Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo." Pinuri siya ng lahat, at namangha sila sa kanyang napakahusay na pananalita. "Hindi ba ito ang anak ni Jose?" tanong nila. kaya sinabi ni Hesus, "Walang pagsalang babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: 'Doktor gamutin mo ang iyong sarili!' Sasabihin din ninyo sa akin, 'Gawin mo naman sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.'" At nagpatuloy ng pagsasalita si Hesus, "Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. Ngunit sinasabi ko sa inyo: maraming babaing balo sa Israel noong kapanahunan ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlong tao't kalahati at magkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Subalit hindi sa kaninuman sa kanila pinapunta si Elias kundi sa isang babaing balo sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling." Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok na burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, ang mga alay na ngayo'y aming inihahanda sa hapag na ito na iyong dambana ay iyong tanggapin at gawaran ng pagpapala upang mapagsaluhan namin ang kaligtasan mong ginawa sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Awit 31, 16-17
Ang mukha mong maawai'y pasinagin mo sa amin. Kami ay iyong kupkupin at huwag mong siphayuin ang hiling nami't dalangin.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, kaming nagsipakinabang sa piging ng aming kinamtang kaligtasan ay humihiling na iyong bigyang-kaunlaran sa pananampalatayang wagas kailanman sa tulong ng panubos na ngayo'y iyong bigay sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.