IKATLONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Antipona sa Pagpasok
Awit 96, 1. 6
Panginoo'y papurihan, bagong awit s'ya'y awitan. Umawit ka, sanlibutan, sa dangal n'ya't kabanalan, at ganda sa dalanginan.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, itaguyod mo ang aming ginagampanan alinsunod sa iyong kalooban upang sa ngalan ng Anak mong mahal kami'y maging marapat magkaroon ng karagdagan sa aming paggawa ng mga kabutihan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 67)
UNANG PAGBASA
Is 8, 23b -- 9, 3

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias

Sa mga nakaraang araw, inilagay niya sa kahihiyan ang lupain ng Zabulon at ang lupain ng Neftali. Ngunit sa panahong darating, dadakilain niya ang lupaing ito, mula sa Dagat Mediteraneo hanggang sa ibayo ng Jordan, ang Galilea ng mga Hentil.

Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman, namanaag na ang liwanag sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim. Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang dinagdagan mo ang kanilang tuwa. Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan, tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan. Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian. Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 26, 1. 4. 13-14

R/. Panginoo'y aking tanglaw, siya'y aking kaligtasan.

Tanglaw ko'y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako'y walang agam-agam.

R/. Panginoo'y aking tanglaw, siya'y aking kaligtasan.

Isang bagay lamang ang aking mithiin,
isang bagay itong sa Poon hinihiling:
ang ako'y lumagi sa banal na templo
upang kagandahan niya'y mamasdan ko
at yaong patnubay niya ay matamo.

R/. Panginoo'y aking tanglaw, siya'y aking kaligtasan.

Ako'y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang 'yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo'y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!

R/. Panginoo'y aking tanglaw, siya'y aking kaligtasan.

IKALAWANG PAGBASA
1 Cor 1, 10-13. 17

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto

Ako'y nananawagan sa inyo sa ngalan ng ating Panginoong Hesukristo: magkaisa kayo sa pananalita, isipa't layunin upang mawala sa inyo ang pagkakabaha-bahagi. Sapagkat ibinalita sa akin ng mga tauhan ni Cloe na kayo raw ay mga alitan. Ito ang tinutukoy ko: sabi ng isa, "Kay Pablo ako"; sabi naman ng isa, "Ako'y kay Apolos." May iba namang nagsasabi, "Kay Pedro ako"; at may nagsasabi pang, "Ako'y kay Kristo." Bakit? nahahati ba si Kristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Bininyagan ba kayo sa ngalan ni Pablo? Sinugo ako ni Kristo, hindi upang magbinyag kundi upang mangaral ng Mabuting Balita. Ipinangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng pananalitang batay sa karunungan ng sanlibutan upang sa gayo'y hindi mawalan ng kabuluhan ang kamatayan ni Kristo sa krus.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mt 4, 23

R/. Aleluya. Aleluya.
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos;
sakit ay kanyang ginamot.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Mt 4, 12-23

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nabalitaan ni Hesus na ibinilanggo si Juan, kaya’t bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan kundi sa Capernaum. Ang bayang ito ay nasa baybayin ng Lawa ng Galilea, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali. Sa gayo'y natupad ang sinabi ni Propeta Isaias: "Ang lupain ng Zabulon at lupain ng Neftali daanan sa gawing dagat sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil! Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw! Liwanag na taglay nito'y siya ngayong tumatanglaw sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan!" Magmula noon ay nangaral na si Hesus. Ang sabi niya, "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos."

Sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila'y naghahagis ng lambat. Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus. Nilibot ni Hesus ang buong Galilea. Nagtuturo sa mga sinagoga at ipinangangaral ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga tao sa kanilang mga sakit at karamdaman.

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 68)
TAON K (Leksiyonaryo: 69)
UNANG PAGBASA
Neh 8, 2-4a. 5-6. 8-10

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Nehemias

Noong mga araw na iyon, kinuha ni Ezra na saserdote ang aklat ng Kautusan. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa. Mula sa umaga hanggang tanghali, binasa niya ang Kautusan sa harapan ng mga taong natitipon sa liwasang bayan. Ang lahat naman ay nakinig na mabuti. Si Ezra'y nakatayo sa isang entabladong kahoy na sadyang itinayo sa pagkakataong iyon. Siya ay nakikita ng lahat, sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. "Purihin ang Panginoon, ang dakilang Diyos!" ang wika niya. Ang lahat ay nagtaas ng kanilang mga kamay at sumagot, "Amen, Amen." Pagkatapos, nagpatirapa sila bilang paggalang sa Panginoon. Binasa ng mga Levita nang maliwanag ang batas na ito ng Diyos at ipinaliwanag na mabuti ang kahulugan. Nang malaman ng mga tao ang mga dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban, anupat sila'y napaiyak. "Ang araw na ito ay dakila sa Panginoon na inyong Diyos," wika nina Nehemias, at Ezra at mga Levita. Nakikinig ang mga tao at umiiyak nga kaya't sinabi nila, "Huwag kayong umiyak." Wika pa nila, "Umuwi na kayo at magdiwang! Ang walang pagkain at inumin ay bahaginan ng mayroon, sapagkat ang araw na ito'y dakila sa Panginoon. Ang kagalakang dulot niya ay magiging kalakasan ninyo."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 18, 8. 9. 10. 15

R/. Espiritung bumubuhay, ang salita ng Maykapal.

Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito'y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.

R/. Espiritung bumubuhay, ang salita ng Maykapal.

Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito'y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.

R/. Espiritung bumubuhay, ang salita ng Maykapal.

Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya'y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay.

R/. Espiritung bumubuhay, ang salita ng Maykapal.

Nawa'y itong salita ko at ang aking kaisipan,
sa iyo ay makalugod, Panginoon ko't kanlungan,
O ikaw na kublihan kong ang dulot ay kaligtasan!

R/. Espiritung bumubuhay, ang salita ng Maykapal.

IKALAWANG PAGBASA
1 Cor 12, 12-30 o 12, 12-14. 27

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid: Si Kristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba't ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng isang bahagi lamang. Kung sabihin ng paa, "Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan," hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung sabihin ng tainga, "Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan," hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung panay mata lamang ang buong katawan, paano ito makaririnig? Kung panay tainga lamang ang buong katawan, paano ito makaaamoy? Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa minabuti niya. Hindi maituturing na katawan, kung ito'y iisang bahagi lamang! Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisang katawan lamang. Kaya't hindi masasabi ng mata sa kamay, "Hindi kita kailangan," ni ng ulo, sa mga paa, "Hindi ko kayo kailangan." Sa katunayan, ang mga bahaging wari'y mahihina ang siya pang kailangang-kailangan. Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pag-aalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ay siya nating pinapaganda; hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Nang isaayos ng Diyos ang ating katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging di gaanong marangal, upang hindi magkaroon ng inggitan; at sa halip, ang lahat ay magmalasakitan. Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinararangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.

Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Kristo at bawat isa'y bahagi nito. Naglagay ang Diyos sa Simbahan, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gagawa ng mga kababalaghan, mga magpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga magsasalita sa iba't ibang wika. Hindi lahat ay apostol, propeta, o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga kababalaghan, magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang wika o magpaliwanag nito.

Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng isang bahagi lamang. Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Kristo at bawat isa'y bahagi nito.

Ang Salita ng Diyos.

o

Mga kapatid: Si Kristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba't ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lc 4, 18

R/. Aleluya. Aleluya.
Ikaw, Kristo, ay sinugo
upang sa dukha'y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Lc 1, 1-4; 4, 14-21

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Kagalang-galang na Teofilo: Marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna namin. Ang kanilang sinulat ay ayon sa sinabi sa amin ng mga nakasaksi nito buhat sa pasimula at nangaral ng Salita. Matapos na ako'y makapagsuri nang buong ingat tungkol sa lahat ng bagay na ito buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat ng isang maayos na salaysay para sa inyo upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga bagay na itinuro sa inyo.

Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Galilea, at sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kumalat sa palibot na lupain ang balita tungkol sa kanya. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga; at dinakila siya ng lahat.

Umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito: "Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakikita; upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil, at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon." Nilulon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: "Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, tanggapin mong malugod ang aming mga handog. Ngayong ang kabanalan ay iyong dulot, kami'y sumasamo sa iyo't lumuluhog upang kaligtasa'y iyong ipagkaloob sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Jn 8, 12
Ang sabi ng Poong mahal, "Sa daigdig, ako'y ilaw. Kapag ako ay sinundan, ang dilim ay mapaparam at sa aki'y mabubuhay."

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, ipagkaloob mong sa aming pakikinabang sa iyong kagandahang-loob na bumubuhay lagi nawa naming maikarangal ang iyong pagpapalang sa ami'y ibinibigay sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.