LINGGO NG PENTEKOSTES

Antipona sa Pagpasok
Kar 1, 7
Espiritu ng Poong D'yos lumukob sa sansinukob at sa tanang kanyang sakop dunong niya'y pumuspos, Aleluya ay ihandog.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, pinababanal mo ang iyong pandaigdig na Sambayanan sa ipinahahayag mo ngayon sa dakilang kapistahan. Gawin mong ang buong daigdig ay mapuspos nang ganap sa mga kaloob ng Espiritu Santong bigay mo sa lahat para puspusin ang kalooban ng tanan noong ang Mabuting Balita ay simulang ipangaral sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON ABK (Leksiyonaryo: 63)
UNANG PAGBASA
Gawa 2, 1-11

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol

Nang sumapit ang araw ng Pentekostes, nagkatipon silang lahat sa isang lugar. At biglang narinig ang isang ugong mula sa langit, animo'y hagunot ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang wari'y mga dilang apoy na lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. May mga Judiong buhat sa iba't-ibang bansa, na naninirahan noon sa Jerusalem, mga taong palasamba sa Diyos. Nang marinig ang ugong na ito, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat sinasalita ng mga alagad ang mga wika nila. Sa kanilang pagtataka ay kanilang nasabi, "Hindi ba Galileo silang lahat? Bakit ang atin-ating katutubong wika ang naririnig natin sa kanila? Tayo'y mga taga-Partia, mga taga-Media, mga taga-Elam; mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocia sa Ponto, at sa Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Panfilia, Egipto at sa mga saklaw ng Libia na sakop ng Cirene, at mga nakikipanirahan mula sa Roma, maging mga Judio at mga naakit sa Judaismo. May mga taga-Creta at Arabia pa rito. Paano sila nakapagsasalita sa ating-ating wika tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34

R/. Espiritu mo'y suguin, Poon, tana'y 'yong baguhin.
o:
R/. Aleluya.

Pinupuri ka Poong Diyos nitong aking kaluluwa,
O Panginoong Diyos, kay dakila mong talaga!
Sa daigdig ikaw roon, kay raming iyong likha.
Sa daming nilikha mo'y nalaganapan ang lupa.

R/. Espiritu mo'y suguin, Poon, tana'y 'yong baguhin.
o:
R/. Aleluya.

Natatakot mangamatay kung kitlin mo ang hininga;
Mauuwi sa alabok, pagkat doon mula sila.
Taglay mo ang Espiritu upang buhay ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

R/. Espiritu mo'y suguin, Poon, tana'y 'yong baguhin.
o:
R/. Aleluya.

Sana ang 'yong karangala'y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal.

R/. Espiritu mo'y suguin, Poon, tana'y 'yong baguhin.
o:
R/. Aleluya.

IKALAWANG PAGBASA
1 Cor 12, 3b-7. 12-13

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid: Hindi masasabi ninuman, "Panginoon si Hesus," kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo.

Iba't iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba't iba ang mga gawain ngunit iisa lamang ang Diyos na sumasalahat at ng taong gumagawa ng mga iyon. Ang bawat isa'y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu, para sa ikabubuti ng lahat.

Sapagkat si Kristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba't ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

Ang Salita ng Diyos.

SEQUENTIA
Veni, Sancte Spiritus

Halina, Espiritu,
    sa sinag buhat sa 'yo
    kami'y liwanagan mo.
Ama ng maralita,
    dulot mo'y pagpapala
    upang kami'y magkusa.
Kaibiga't patnubay,
    sa amin mananahan
    ang tamis ng 'yong buhay.
Ginhawang ninanais,
    lilim namin sa init,
    kapiling bawat saglit.
Lubhang banal na ilaw,
    kami'y iyong silayan
    ngayon at araw-araw.
Kapag di ka nanahan
    ay walang kaganapan
    ang buhay nami't dangal.
Marumi'y palinisin,
    lanta'y panariwain,
    sakit nami'y gamutin.
Kami'y gawing matapat,
    sa pag-ibig mag-alab,
    lagi sa tamang landas.
Tugunin aming luhog,
    kami'y bigyang malugod
    ng 'yong pitong kaloob.
Gantimpala'y ibigay,
    sa hantungan ng buhay
    ligayang walang hanggan.
    Amen. Aleluya.

ALELUYA

R/. Aleluya. Aleluya.
Espiritung aming Tanglaw,
kami'y iyong liwanagan
sa ningas ng pagmamahal.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Jn 20, 19-23

Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. "Sumainyo ang kapayapaan!" sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, "Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayun din naman, sinusugo ko kayo." Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, "Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, pakundangan sa pangako ng iyong Anak ang lihim ng iyong pag-ibig at paglingap ay isiwalat nawa ng Espiritu Santo ngayong ginaganap ang paghahaing ito na siya rin nawang maglahad ng iyong katapatan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Gawa 2, 4. 11
Noong lumukob sa tanan sugong Espiritung Banal, mga gawa ng Maykapal sama-samang inawitan ng Aleluyang parangal.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, pinapakinabang mo ang iyong Sambayanan sa iyong mga bigay buhat sa kalangitan. Ang iyong pagpapalang kaloob sa amin ay iyong panatilihin upang laging masaganang dumaloy ang Espiritu Santo at ang aming pinagsaluhan sa pagdiriwang na ito ay magdulot ng pag-unlad sa pamamagitan ni Hesukristo magpasawalang hanggan.