Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nagpunta si Felipe sa isang lungsod ng Samaria at ipinangaral doon ang Mesiyas. Nang mabalitaan ng mga tao at makita ang mga kababalaghang ginagawa niya, pinakinggan nilang mabuti ang sinasabi niya. Sapagkat ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong inaalihan nito at sumisigaw habang lumalabas; maraming lumpo at mga pilay ang napagaling. Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.
Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang Salita ng Diyos, sinugo nila roon sina Pedro at Juan. Pagdating doon, ipinanalangin nila ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabinyagan lamang sa pangalan ng Panginoong Hesus. At ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa kanila at tumanggap sila ng Espiritu Santo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw.
o:
R/. Aleluya.
Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan;
wagas na pagpuri sa kanya'y ibigay!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
"Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga."
R/. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw.
o:
R/. Aleluya.
Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala'y pinupuri nila.
Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan.
Ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
R/. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw.
o:
R/. Aleluya.
Naging tuyong lupa kahit yaong tubig,
at ang nuno natin ay doon tumawid;
kaya naman tayo’y nagalak nang labis.
Siya'y naghaharing may lakas ang bisig.
R/. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw.
o:
R/. Aleluya.
Lapit at makinig, ang nagpaparangal
sa Diyos, at sa inyo'y aking isasaysay
ang kanyang ginawang mga kabutihan.
Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
yamang ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
at ang pag-ibig n'ya ay aking kinamtan.
R/. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw.
o:
R/. Aleluya.
Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pedro
Mga pinakamamahal: Idambana ninyo sa inyong puso si Kristong Panginoon. Humanda kayong lagi na magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa inyong pag-asa. Ngunit maging mahinahon at mapitagan kayo sa inyong pagpapaliwanag. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga umaalipusta at tumutuya sa inyong magandang asal bilang mga lingkod ni Kristo. Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang loobin ito ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama.
Sapagkat si Kristo'y namatay para sa inyo. Namatay siya dahil sa kasalanan ng lahat -- ang walang kasalanan para sa mga makasalanan -- upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa Espiritu.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Ang sa aki'y nagmamahal,
tutupad sa aking aral,
Ama't ako'y mananahan.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyag mga alagad: "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos. Dadalangin ako sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. Ito'y ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat hindi siya nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y sumasainyo at nananahan sa inyo. Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako'y sumasa-Ama, kayo'y sumasaakin, at ako'y sumasainyo. Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya, at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Sinalubong ni Cornelio si Pedro at nagpatirapa sa harapan nito at sumamba. Ngunit sinabi ni Pedro, "Tumindig kayo. Ako'y tao ring tulad ninyo.
Ngayon ko lubusang natanto na walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa."
Nagsasalita pa si Pedro nang bumaba ang Espiritu Santo sa mga nakikinig ng salita. Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro, sapagkat ang mga ito ay pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Narinig nila ang mga Hentil na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, "Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino pa ang makahahadlang na binyagan sila sa tubig?" At iniutos niyang binyagan sila sa pangalan ni Hesukristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili roon ilang araw.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag.
o:
R/. Aleluya.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n'ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
R/. Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag.
o:
R/. Aleluya.
Ang tagumpay niyang ito'y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
R/. Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag.
o:
R/. Aleluya.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
R/. Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag.
o:
R/. Aleluya.
Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Juan
Mga pinakamamahal: Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Ang sa aki'y nagmamahal,
tutupad sa aking aral,
Ama't ako'y mananahan.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.
"Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang inuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon: May ilang taong dumating sa Antioquia, mula sa Judea, at itinuro sa mga kapatid ang ganito: "Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa Kautusan ni Moises, hindi kayo maliligtas." Tinutulan ito nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo tungkol dito. Kaya't napagkaisahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang ilan pang kapatid sa Antioquia, upang makipagkita sa mga apostol at sa matatanda tungkol sa suliraning ito.
Kaya't minabuti ng mga apostol, ng matatanda, at ng buong simbahan na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. At sinugo nila ang mga pangunahin ng mga kapatid: si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas. Ipinadala nila ang sulat na ganito ang nilalaman:
"Kaming mga apostol at matatanda ay bumabati sa mga kapatid na Hentil sa Antioquia, sa Siria at Cilicia. Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahang galing dini, bagamat hindi namin sila inutusan. Di-umano'y binabagabag kayo sa pamamagitan ng kanilang sinasabi. Kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na Bernabe at Pablo, na si nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Hesukristo. Sinusugo nga namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag sa inyo ang nasasaad sa sulat na ito. 'Sa udyok ng Espiritu Santo, ang naging pasiya namin ay huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na talagang kailangan: huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyusan, ng dugo, at ng hayop na binigti. Huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga bagay na ito, at mapapabuti kayo. Paalam.'"
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Nawa'y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
o:
R/. Aleluya.
O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,
kami Panginoo'y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
R/. Nawa'y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
o:
R/. Aleluya.
Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
R/. Nawa'y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
o:
R/. Aleluya.
Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami'y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.
R/. Nawa'y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
o:
R/. Aleluya.
Pagbasa mula sa Aklat ng Pahayag
Nilukuban ako ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. Nagliliwanag ito dahil sa kaningningan ng Diyos; kumikislap na gaya ng hiyas na haspeng sinlinaw ng kristal. Ang pader nito'y makapal at mataas at may labindalawang pinto, bawat isa'y may bantay na anghel. Nakasulat sa mga pinto ang pangalan ng labindalawang lipi ng Israel. Tatlo ang pinto ng bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. Ang pader ng lungsod ay may labindalawang saligang-bato at nakasulat dito ang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
Napansin ko na walang templo sa lungsod sapagkat ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ang pinaka templo roon. Hindi na kailangan ng araw o ang buwan upang liwanagan ang lungsod pagkat ang kaningningan ng Diyos ang nagbibigay-liwanag doon, at ang Kordero ang siyang ilawan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Ang sa aki'y nagmamahal,
tutupad sa aking aral,
Ama't ako'y mananahan.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, "Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y sasakanya at mananahan sa kanya. Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita. Hindi akin ang salitang narinig ninyo, kundi sa Amang nagsugo sa akin.
"Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito samantalang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.
"Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, 'Ako'y aalis, ngunit babalik ako.' Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung mangyari na, kayo’y manalig sa akin. Hindi na ako pakahahaba ng pagsasalita sa inyo, sapagkat dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, subalit dapat makilala ng sanlibutan na iniibig ko ang Ama at ang ginagawa ko'y ang iniutos niya sa akin."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.