IKALIMANG LINGGO NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY

Antipona sa Pagpasok
Awit 98, 1-2
Bagong awit ay ialay sa ating Poong Maykapal. Tanang bansa'y nakinabang sa kanyang kapangyarihan. Aleluya, s'ya'y idangal.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, kaming mga tinubos ay tunghayan mo ngayon sa iyong kagandahang-loob upang sa pagsampalataya sa Anak mong si Kristo makamtan ang kalayaan at pamana sa piling mo sa pamamagitan niya kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 52)
UNANG PAGBASA
Gawa 6, 1-7

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon, dumarami na ang mga sumasampalataya at nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Sinabi nilang ang mga babaing balo sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga sumasampalataya at sinabi sa kanila, "Hindi naman dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya, mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking kilala sa pagiging mabuti, matatalino at puspos ng Espiritu Santo, at ilalagay namin sila sa tungkuling ito. At iuukol naman namin ang buong panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng Salita." Nalugod ang buong kapulungan sa panukala ng mga apostol; kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking matibay ang pananalig sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na naakit sa Judaismo. Iniharap sila sa mga apostol; sila'y ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay. Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos; at ang sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. At maging sa mga saserdote, marami ang sumampalataya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 32, 1-2. 4-5. 18-19

R/. Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo'y aming hiling.
o:
R/. Aleluya.

Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
Kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
Ang Diyos na Poon ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa't awit ay saliwan.

R/. Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo'y aming hiling.
o:
R/. Aleluya.

Panginoo'y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.

R/. Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo'y aming hiling.
o:
R/. Aleluya.

Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila'y binubuhay.

R/. Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo'y aming hiling.
o:
R/. Aleluya.

IKALAWANG PAGBASA
1 Ped 2, 4-9

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pedro

Mga pinakamamahal: Lumapit kayo sa Panginoon, sa batong buhay na itinakwil ng mga tao, ngunit hinirang ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Wari’y mga batong buhay, maging sangkap kayo ng isang templong espirituwal. At bilang mga saserdoteng nakatalaga sa Diyos, maghandog kayo sa kanya ng mga haing espirituwal na kalugud-lugod sa Diyos dahil kay Hesurkristo. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, "Masdan ninyo, itinayo ko sa Sion ang isang batong panulukan, hinirang at mahalaga; hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya." Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga may pananalig. Ngunit sa mga walang pananalig, matutupad ang nasa Kasulatan: "Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong panulukan," at "Naging batong katitisuran at ikararapa ng mga tao." Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ito ang itinalaga sa kanila.

Datapwa't kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 14, 6

R/. Aleluya. Aleluya.
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana't Buhay
patungo sa Amang mahal.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Jn 14, 1-12

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyag mga alagad: "Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko." Sinabi sa kanya ni Tomas, "Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?" Sumagot si Hesus, "Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita." Sinabi sa kanya ni Felipe, "Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami." Sumagot si Hesus, "Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata't hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: 'Ipakita mo sa amin ang Ama'? Hindi ka ba naniniwalang ako'y sumasa-Ama at ang Ama'y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako'y sumasa-Ama at ang Ama'y sumasaakin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 53)
UNANG PAGBASA
Gawa 9, 26-31

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon: Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, sinikap niyang mapabilang sa mga alagad doon. Ngunit ang mga ito ay takot sa kanya, at hindi makapaniwalang isa na siyang alagad. Subalit isinama siya ni Bernabe sa mga apostol. Isinalaysay niya sa kanila kung paano napakita ang Panginoon kay Saulo at nakipag-usap dito nang ito'y nasa daan. Sinabi rin niyang si Saulo'y buong tapang na nangaral sa Damasco, sa pangalan ni Hesus. At mula noon, si Saulo'y kasama-sama nila sa Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon. Nakipag-usap din siya at nakipagtalo sa mga Helenista, kaya't itinangka nilang patayin siya. Nang malaman ito ng mga kapatid, dinala nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso.

Kaya't naging matiwasay ang simbahan sa buong Judea, Galilea at Samaria. Ito'y tumatag at lumaganap sa tulong ng Espiritu Santo at namuhay na may pagkatakot sa Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 21, 26b-27. 28 at 30. 31-32

R/. Pupurihin kita, Poon, ngayong kami'y natitipon.
o:
R/. Aleluya.

Sa harap ng masunuring mga lingkod mong hinirang,
ang handog na panata ko ay doon ko iaalay.
Magsasawa sa pagkain yaong mga nagdarahop,
aawit na pagpupuri ang sa Diyos ay dudulog;
buhay nila ay uunlad, sasagana silang lubos.

R/. Pupurihin kita, Poon, ngayong kami'y natitipon.
o:
R/. Aleluya.

Sa dakilang Panginoon, ang lahat ay magbabalik,
ang lahat ng mga lahi ay sasambang may pag-ibig.
Mangangayupapang lahat ang palalo't mayayabang,
ang lahat ng mga tao ay yuyuko sa Maykapal,
ang narito sa daigdig na nilikhang mamamatay.

R/. Pupurihin kita, Poon, ngayong kami'y natitipon.
o:
R/. Aleluya.

Maging lahing susunod pa ay sasamba't maglilingkod,
ay mayroong mangangaral sa kanila tungkol sa Diyos.
Sa lahat ng sisilang pa'y ganito ang ihahayag,
"Sa hinirang niyang bansa ay Panginoon ang nagligtas."

R/. Pupurihin kita, Poon, ngayong kami'y natitipon.
o:
R/. Aleluya.

IKALAWANG PAGBASA
1 Jn 3, 18-24

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Juan

Mga anak, huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita o wika lamang. Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa.

Dito natin makikilalang tayo'y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos sakali mang tayo'y usigin niyon. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi at alam niya ang lahat ng bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, panatag ang ating loob na makalalapit sa Diyos. Tinatanggap natin ang anumang ating hingin sa kanya, sapagkat sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. Ito ang kanyang utos: manalig tayo sa kanyang Anak na si Hesukristo, at mag-ibigan, gaya ng iniutos ni Kristo sa atin. Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin ay nalalaman nating nananatili siya sa atin.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 15, 4a. 5b

R/. Aleluya. Aleluya.
Sa Poon ay manatili,
siya'y sa atin lalagi,
mamungang maluwalhati.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Jn 15, 1-8

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan

Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayun din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin. Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan, at ipagkaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo'y namumunga nang sagana at sa gayo'y napatutunayang mga alagad ko kayo."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON K (Leksiyonaryo: 54)
UNANG PAGBASA
Gawa 14, 21b-27

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon: Nagbalik sina Pablo at Bernabe sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia ng Pisidia. Pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya. "Magdaranas muna tayo ng maraming kapighatian bago makapasok sa kaharian ng Diyos," turo nila sa kanila. Sa bawat Simbahan, humirang sila ng matatandang mamamahala, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinananaligan. Tinahak nila ang Pisidia, at nakarating ng Panfilia. Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos, at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antiquia. Dito sila nagsimula ng gawaing ginanap nila matapos silang itagubilin sa pagkakalinga ng Diyos. Pagdating doon, tinipon nila ang mga kaanib ng Simbahan at isinalaysay ang lahat ng Simbahan at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya ang daan upang makapanampalataya ang mga Hentil.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 144, 8-9. 10-11. 12-13ab

R/. Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.
o:
R/. Aleluya.

Ang Panginoong D'yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya'y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingi niya ay mamamalagi.

R/. Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.
o:
R/. Aleluya.

Magpupuring lahat sa iyo, o Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihan ka't pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang 'yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.

R/. Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.
o:
R/. Aleluya.

Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.

R/. Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.
o:
R/. Aleluya.

IKALAWANG PAGBASA
Pah 21, 1-5a

Pagbasa mula sa Aklat ng Pahayag

Akong si Juan ay nakakita ng isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa; wala na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, bumababang galing sa langit buhat sa Diyos, gaya ng babaing ikakasal, gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya. Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, "Ngayon, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Makakapiling nila nang palagian ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang kanilang mga luha. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagkat lumipas na ang dating mga bagay."

Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, "Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!"

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 13, 34

R/. Aleluya. Aleluya.
Bagong utos, ni Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Jn 13, 31-33a. 34-35

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan

Pagkaalis ni Judas mula sa Huling Hapunan, sinabi ni Hesus, "Ngayo’y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao; at mahahayag din ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan niya. At kung mahayag na ang karangalan ng Diyos, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at gagawin niya ito agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo'y mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, sa paghahain ng banal na pagpapalitan ng iyong mga kaloob at ng aming alay kami'y pinapagsasalo mo sa iyong buhay na namumukod-tangi at walang kapantay. Ipagkaloob mong ang aming pakikinabang sa iyong pakikisamang aming maaasahan ay siya ring umiral sa aming pamumuhay araw-araw sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Jn 15, 1. 5
Ako ang puno ng ubas, kayo'y aking sangang lahat. Ang manatilig matapat, magbubunga nang marapat. Aleluya sa Mesiyas!

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, manatili kang kapiling ng iyong sambayanan na ngayo'y pinapakinabang mo sa iyong sariling buhay at gawin mong kami'y pasulong na makahakbang mula sa dati naming pagkamakasalanan patungo sa pagbabagong nagdudulot ng iyong kabutihan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.