IKAAPAT NA LINGGO NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY

Antipona sa Pagpasok
Awit 33, 5-6
Pag-ibig ng D'yos na tapat sa daigdig ay laganap. Sa salita n'ya'y natatag kalangitan sa itaas. Aleluya ay ihayag.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, akayin mo kami upang kami'y mapabilang sa mga maliligayang kapiling mo sa kalangitan upang sa pagsunod namin bilang abang kawan kami'y makarating sa sinapit ng pastol na idinangal na siyang namamagitan kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 49)
UNANG PAGBASA
Gawa 2, 14a. 36-41

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol

Noong araw ng Pentekostes, tumayo si Pedro at ang labing-isang apostol, at nagsalita siya nang malakas, "Dapat malaman ng buong Israel na itong si Hesus na ipinako ninyo sa krus -- siya ang ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo!"

Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, at tinanong nila si Pedro at ang mga apostol, "Mga kapatid, ano ang gagawin namin?" Sumagot si Pedro, "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan at magpabinyag kayo sa pangalan ni Hesukristo upang kayo'y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako'y para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo -- sa bawat tatawagin ng Panginoong Diyos." Marami pa siyang inilahad upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, "Lumayo kayo sa masamang lahing ito upang kayo'y maligtas." Kaya't ang mga naniwala sa kanyang sinabi ay nagpabinyag; at nadagdag sa kanila ang may tatlunlibong tao nang araw na iyon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

R/. Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
o:
R/. Aleluya.

Panginoo'y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako'y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

R/. Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
o:
R/. Aleluya.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi'y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo'y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika'y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

R/. Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
o:
R/. Aleluya.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito'y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

R/. Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
o:
R/. Aleluya.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki't tataglayin habang ako'y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

R/. Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
o:
R/. Aleluya.

IKALAWANG PAGBASA
1 Ped 2, 20b-25

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pedro

Mga pinakamamahal ko: Pagpapalain kayo ng Diyos kung kayo'y maparusahan sa paggawa ng mabuti. Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkahirang sa inyo ng Diyos; sapagkat nang si Kristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng halimbawang dapat tularan. Hindi siya gumagawa ng anumang kasalanan o nagsinungaling kailanman.

Nang siya'y alipustain, hindi siya gumanti. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta. Nanalig siya sa Diyos na makatarungan. Sa kanyang pagkamatay sa krus, dinala niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tuluyan na nating iwan ang pagkakasala at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo'y gumaling sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. Sapagkat nagkawatak-watak kayo gaya ng mga tupang naligaw, ngunit tinipon kayong muli ng Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 10, 14

R/. Aleluya. Aleluya.
Ako'y pastol na butihin kilala ko'ng tupang akin;
ako'y kilala nila rin.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Jn 10, 1-10

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, "Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay-pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa sapagkat nakikilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, bagkus pa nga'y patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila nakikilala ang kanyang tinig." Sinabi ni Hesus ang talinghagang ito, ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

Kaya't muling sinabi ni Hesus, "Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay -- isang buhay na ganap at kasiya-siya."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 50)
TAON K (Leksiyonaryo: 51)
UNANG PAGBASA
Gawa 13, 14. 43-52

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon: Mula sa Perga, nagpatuloy maglakbay sina Pablo at Bernabe at dumating sa Antioquia ng Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo. Pagkatapos ng pulong, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga nahikayat sa Judaismo. Nagsalita sa kanila ang mga apostol at pinangaralan silang magpatuloy sa pamumuhay nang nararapat sa kagandahang-loob ng Diyos.

Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang pakinggan ang salita ng Diyos. Inggit na inggit ang mga Judio nang makita nila ang maraming tao, kaya't nilait nila at sinalungat si Pablo. Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, "Sa inyo muna dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Yamang itinakwil ninyo ito, hinatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya't pupunta kami sa mga Hentil. Sapagkat ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon: 'Inilagay kita na maging ilaw sa mga Hentil upang maibalita mo ang kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.'"

Nagalak ang mga Hentil nang marinig ito, at nagpuri sa Panginoon dahil sa salita niya; at sumampalataya ang mga hinirang para sa buhay na walang hanggan. Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. Ngunit sinulsulan ng mga Judio ang mga babaing sumasamba sa Diyos at kilala sa lipunan, gayon din ang mga lalaking pinuno ng lungsod: ipinausig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lupaing iyon. Kaya't ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila'y nagtungo sa Iconio. Ang mga alagad naman sa Antioquia ay natigib ng galak at napuspos ng Espiritu Santo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 99, 2. 3. 5

R/. Lahat tayo'y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.
o:
R/. Aleluya.

Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo'y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!

R/. Lahat tayo'y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.
o:
R/. Aleluya.

Ang Panginoo'y ating Diyos! Ito'y dapat malaman,
tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

R/. Lahat tayo'y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.
o:
R/. Aleluya.

Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya'y walang hanggan,
Siya'y Diyos na mabuti't laging tapat kailanman.

R/. Lahat tayo'y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.
o:
R/. Aleluya.

IKALAWANG PAGBASA
Pah 7, 9. 14b-17

Pagbasa mula sa Aklat ng Pahayag

Akong si Juan ay nakakita ng napakaraming taong di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lahi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono ng Kordero nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas.

At sinabi ng isa mga matatanda sa akin, "Sila ang mga nagtagumpay sa kabila ng mahigpit na pag-uusig. Nilinis nila at pinaputi sa dugo ng Kordero ang kanilang damit.

"Iyan ang dahilan kung bakit sila nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw-araw sa templo niya. At ang nakaluklok sa trono ang kukupkop sa kanila. Hindi na sila magugutom o mauuhaw; hindi na sila mabibilad sa araw o mapapaso ng anumang matinding init. Sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Sila'y dadalhin niya sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay; at papahirin ng Diyos ang luha sa kanilang mga mata."

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Jn 10, 14

R/. Aleluya. Aleluya.
Ako'y pastol na butihin kilala ko'ng tupang akin;
ako'y kilala nila rin.
R/. Aleluya. Aleluya.

EBANGHELYO
Jn 10, 27-30

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan

Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus: "Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma'y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama, na nagbigay sa kanila sa akin, ay lalong dakila sa lahat, ay hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, ipagkaloob mong kami ay magalak sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ng iyong Anak upang ang ginagawang patuloy na pagsagip sa amin ay maging sanhi ng aming ligayang walang maliw sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Aleluya, nabuhay din ang Pastol nating butihing namatay para sa atin. Sarili n'ya'y inihain upang tayo ay buhayin.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, ikaw ang butihing Pastol na nagtataguyod sa amin kaya't kaming kawan mo ay iyong tangkilikin. Pakundangan sa dugo ng Anak mong dumanak upang kaming lahat ay iyong mailigtas marapatin mong kami'y makarating sa pastulan na inilalaan mo sa amin ngayon at kailanman sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.