Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Noong araw ng Pentekostes, tumayo si Pedro at ang labing-isang apostol, at nagsalita siya nang malakas, "Mga kababayan, at mga naninirahan sa Jerusalem: pakinggan ninyong mabuti ang aking sasabihin. Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Hesus, na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatutunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat lahat ay naganap sa gitna ninyo. Ngunit ang taong ito na ibinigay sa inyo ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga makasalanan. Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya sa kapangyarihan ng kamatayan. Hindi ito maaaring mamayani sa kanya, gaya ng sinabi ni David: 'Nakita ko na laging nasa tabi ko ang Panginoon, Siya'y kasama ko kaya't hindi ako matitigatig. Dahil dito, nagalak ang puso ko at umawit sa tuwa ang aking dila, at ang katawan ko'y nahihimlay na may pag-asa. Sapagkat ang kaluluwa ko'y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay, at hindi mo itutulot na mabulok ang iyong Banal. Itinuro mo sa akin ang mga landasing patungo sa buhay, dahil sa ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuspos ng kagalakan.'
"Mga kapatid, masasabi ko sa inyo nang tiyakan na ang patriyarkang si David ay namatay at inilibing; naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. Siya'y propeta at nalalaman niya ang pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa sa kanyang mga inapo. Ang Muling Pagkabuhay ng Mesiyas ang nakita't hinulaan ni David nang kanyang sabihin: 'Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan!' Itong si Hesus ay muling binuhay ng Diyos, at saksi kaming lahat sa bagay na ito. Nang itaas siya sa kanan ng Diyos, tinanggap niya sa kanyang Ama ang ipinangakong Espiritu Santo at ito'y kanyang ipinagkaloob sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig ngayon."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Ituro mo ang landasin ng buhay kong hahantungin.
o:
R/. Aleluya.
O Diyos, ako'y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas, kaya sa 'yo dumudulog;
"Ika'y aking Panginoon," ang wika ko sa aking Diyos,
"Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob."
Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay,
ako'y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
R/. Ituro mo ang landasin ng buhay kong hahantungin.
o:
R/. Aleluya.
Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki'y umaakay.
Nababatid ko na siya'y kasama ko oras-oras.
Sa piling n'ya kailanma'y hindi ako matitinag.
R/. Ituro mo ang landasin ng buhay kong hahantungin.
o:
R/. Aleluya.
Kaya't ako'y nagdiriwang, ang diwa ko'y nagagalak.
Ang lagi kong nadarama'y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.
R/. Ituro mo ang landasin ng buhay kong hahantungin.
o:
R/. Aleluya.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
R/. Ituro mo ang landasin ng buhay kong hahantungin.
o:
R/. Aleluya.
Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pedro
MGA PINAKAMAMAHAL KO: Walang itinatangi ang Diyos. Pinahahalagahan niya ang bawat isa ayon sa mga ginawa nito. At yamang tinatawag ninyo siyang Ama, igalang ninyo siya habang kayo'y nabubuhay. Alam ninyo kung ano ang itinubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang itinubos sa inyo'y di mga bagay na nasisira o nauubos, paris ng ginto o pilak, kundi ang buhay ni Kristong inihain sa krus. Siya ang Korderong walang batik at kapintasan.
Itinalaga na siya ng Diyos sa gawaing ito bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo, ipinahayag siya bago sumapit ang katapusan ng mga panahon. Dahil sa kanya, nanalig kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, anupa't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Poong Hesus, aming hiling Kasulata'y liwanagin
kami ngayo'y pag-alabin.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
NANG Linggo ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya'y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, "Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?" At tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala'y Cleopas, "Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang nangyari roon." "Anong mga bagay?" tanong niya. At sumagot sila, "Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya ay ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito; nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain -- mga anghel na nagsabing buhay si Hesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus." Sinabi sa kanila ni Hesus, "Kay hahangal ninyo! Ano't hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba't ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?" At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta. Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya'y pinakapigil-pigil nila, "Tumuloy na po kayo rito sa amin," anila, "sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na." Kaya't sumama nga siya sa kanila. Nang siya'y kasalo na nila sa hapag, kinuha niya ang tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit ito'y biglang nawala. At nawika nila, "Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo'y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!" Noon di'y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, "Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!" At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano nila siyang nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon: Sinabi ni Pedro sa mga tao: "Ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, ang Diyos ng ating mga ninuno, ang nagbigay ng pinakamataas na karangalan sa kanyang lingkod na si Hesus. Ngunit siya'y ibinigay ninyo sa maykapangyarihan at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong ipinasiya na nitong palayain siya. Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at isang mamamatay-tao ang hiniling ninyong palayain. Pinatay ninyo ang pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa bagay na ito. At ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayun din ang inyong mga pinuno. Ngunit sa ginawa ninyo'y natupad ang malaon nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Kristo'y kailangang magbata. Kaya't magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang pawiin niya ang inyong mga kasalanan."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Poon, sa 'mi'y pasikatin liwanag sa iyong piling.
o:
R/. Aleluya.
Sagutin mo ako sa aking pagtawag,
Panginoong Diyos na aking kalasag;
Ikaw na humango sa dusa ko't hirap,
ngayo'y pakinggan mo, sa aki'y mahabag.
R/. Poon, sa 'mi'y pasikatin liwanag sa iyong piling.
o:
R/. Aleluya.
Dapat mapagkuro ninyo at malaman
na mahal ng Poon akong kanyang hirang,
dinirinig niya sa pananawagan.
R/. Poon, sa 'mi'y pasikatin liwanag sa iyong piling.
o:
R/. Aleluya.
O Diyos, ang ligayang bigay mo sa akin,
higit na di hamak sa galak na angkin,
nilang may maraming imbak na pagkain
at iniingatang alak na inumin.
R/. Poon, sa 'mi'y pasikatin liwanag sa iyong piling.
o:
R/. Aleluya.
Sa aking paghimlay, ako'y mapayapa,
pagkat ikaw, Poon, ang nangangalaga.
R/. Poon, sa 'mi'y pasikatin liwanag sa iyong piling.
o:
R/. Aleluya.
Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Juan
Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo para hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapamagitan tayo sa Ama. At iya'y si Hesukristo, ang walang sala. Sapagkat si Kristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao. Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, "Nakikilala ko siya," ngunit sumusuway naman sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig sa kanya nang wagas. Ganito natin nalalamang tayo'y nasa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Poong Hesus, aming hiling
Kasulata'y liwanagin
kami ngayo'y pag-alabin.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Samantalang pinag-uusapan ng mga alagad ni Hesus kung paanong nakilala si Hesus sa paghahati-hati ng tinapay, si Hesus ay tumayo sa gitna nila. "Sumainyo ang kapayapaan!" sabi niya sa kanila. Ngunit nagulat sila at natakot sapagkat akala nila'y multo ang nasa harapan nila. Kaya't sinabi ni Hesus sa kanila, "Ano't kayo'y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito. Hipuin ninyo ako at pagmasdan. Ang multo'y walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo." At pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Nang hindi pa rin sila makapaniwala dahil sa malaking galak at pagkamangha, tinanong sila ni Hesus "May makakain ba riyan?" Siya'y binigyan nila ng kaputol na isdang inihaw; kinuha niya ito at kinain sa harapan nila.
Pagkatapos sinabi sa mga alagad, "Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasama-sama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga aklat ng mga propeta at sa aklat ng mga Awit." At binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, "Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon, ang mga apostol ay siniyasat ng pinakapunong saserdote. "Mahigpit naming ipinagbawal sa inyo ang pangangaral sa pangalan ng Hesus na iyan," wika niya, "ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong aral, at ibig pa ninyo kaming panagutin sa pagkamatay ng taong iyan!" Ngunit sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, "Ang Diyos ang dapat naming sundin, hindi ang tao. Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Hesus na pinatay ninyo nang inyong ipabitay sa krus. Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataon ang mga Israelita na magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan, at sa gayun, sila'y patawarin. Saksi kami sa mga bagay na ito -- kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga tumatalima sa kanya."
Pagkatapos pagbawalang mangaral sa pangalan ni Hesus ang mga apostol, sila'y pinalaya. Galak na galak na umalis ang mga apostol sa harap ng Sanedrin sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y malagay sa kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Poong sa aki'y nagligtas, ang dangal mo'y aking galak.
o:
R/. Aleluya.
O Panginoon ko, sa iyong ginawa,
kita'y pinupuri't ako'y iniligtas,
kaya kaaway ay di na nakuhang matuwa't magalak.
Mula sa libingang daigdig ng patay,
hinango mo ako at muling binuhay;
ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman.
R/. Poong sa aki'y nagligtas, ang dangal mo'y aking galak.
o:
R/. Aleluya.
Purihin ang Poon,
siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal,
ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
at ang kabutihan niya'y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.
R/. Poong sa aki'y nagligtas, ang dangal mo'y aking galak.
o:
R/. Aleluya.
Kaya't ako'y dinggin,
ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, ako ay pakinggan,
mahabag ka, Poon! Ako ay dinggin mo at iyong tulungan.
Nadama ko'y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.
R/. Poong sa aki'y nagligtas, ang dangal mo'y aking galak.
o:
R/. Aleluya.
Pagbasa mula sa Aklat ng Pahayag
Akong si Juan ay tuminging muli at narinig ko ang tinig ng libu-libo't laksa-laksang anghel. Sila'y nakapaligid sa trono, sa apat na nilalang na buhay, at sa matatanda. Umaawit sila ng ganito: "Ang korderong pinatay ay karapat-dapat na tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan at kalakasan, papuri, paggalang at pagdakila!" At narinig kong nag-aawitan ang mga nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa, at nasa dagat -- lahat ng nilikha sa buong sanlibutan: "Sa kanya na nakaluklok sa trono, at sa kordero, sumasakanila ang kapurihan at karangalan, kadakilaan at kapangyaruhan, magpakailanman!" Tumugon ang apat na nilalang na buhay: "Amen!" At nagpatirapa ang matatanda at nagsisamba.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Si Kristo'y muling nabuhay
kanyang nilikha ang tanan mga tao'y dinamayan.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, muling mapakita si Hesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang pangyayari. Magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang kambal, Natanael na taga-Cana, Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, "Mangingisda ako." "Sasama kami," wika nila. Umalis sila at lumulan sa bagka, subalit walang nahuli nang gabing iyon. Nang magbubukang-liwayway na, tumayo si Hesus sa pampang, subalit hindi siya nakilala ng mga alagad. Sinabi niya, "Mga anak, mayroon ba kayong huli?" "Wala po," tugon nila. "Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makahuhuli kayo," sabi ni Hesus. Inihulog nga nila ang lambat at hindi nila ito mahila sa dami ng huli. Sinabi kay Pedo ng alagad na minamahal ni Hesus, "Ang Panginoon iyon!" Nang marinig ito ni Simon Pedro, siya'y nagsuot ng damit sapagkat hubad siya at tumalon sa tubig. Ang kasama niyang mga alagad ay sumapit sa pampang, sakay ng munting bangka, hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong kalayuan sa pampang -- mga siyamnapung metro lamang. Pag-ahon nila sa pampang ay nakakita sila roon ng mga baga na may isdang nakaihaw, at ilang tinapay. "Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo," sabi ni Hesus. Kaya't sumampa sa bagka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda -- sandaan at limampu't tatlong lahat. Hindi napunit ang lambat, kahit gaano karami ang isda. "Halikayo at mag-almusal tayo," sabi ni Hesus. Isa man sa mga alagad ay walang nangahas magtanong sa kanya kung sino siya, sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Hesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, gayundin ang isda. Ito ang ikatlong pagpapakita ni Hesus sa mga alagad pagkatapos na siya'y muling mabuhay. Pagkakain nila, tinanong ni Hesus si Simon Pedro, "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?" "Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo," tugon niya. Sinabi sa kanya ni Hesus, "Pakanin mo ang aking mga batang tupa." Muli siyang tinanong ni Hesus, "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?" Sumagot si Pedro, "Opo, Panginoon, nalalaman niyong iniibig ko kayo." Ani Hesus, "Pangalagaan mo ang aking mga tupa," Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?" Nalungkot si Pedro, sapagkat makatlo siya tinanong: "Iniibig mo ba ako?" At sumagot siya, "Panginoon, nalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo." Sinabi sa kanya ni Hesus, "Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig." Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo'y mapararangalan niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, "Sumunod ka sa akin!"
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.