Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Ezekiel
Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos: "Magpahayag ka. Sabihin mong ipinasasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako ang Panginoon. Hihingahan ko kayo upang kayo'y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayun, malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito at aking gagawin."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Sa piling Poong Diyos may pag-ibig at pagtubos.
Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko'y Panginoon,
Panginoon, ako'y dinggin pagkat ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
R/. Sa piling Poong Diyos may pag-ibig at pagtubos.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa 'yo ay matakot.
R/. Sa piling Poong Diyos may pag-ibig at pagtubos.
Sabik akong naghihintay sa tulong mo, Panginoon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon ay higit pa,
sa serenong naghihintay ng pagsapit ng umaga.
R/. Sa piling Poong Diyos may pag-ibig at pagtubos.
Magtiwala ka, Israel, magtiwala sa iyong Diyos,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nahahandang sa sinuman ay tumubos.
Ililigtas ang Israel, yaong kanyang mga hirang,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
R/. Sa piling Poong Diyos may pag-ibig at pagtubos.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid: Ang mga nabubuhay ayon sa laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Kristo'y wala sa isang tao, hindi siya kay Kristo. Ngunit kung nasa inyo si Kristo, bagamat patay na ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil sa pinawalang-sala na kayo. Kung nananahan a inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang mulang bumuay kay Hesukristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.
Ang Salita ng Diyos.
BERSIKULOPagkabuhay ako't buhay,
nabubuhay na sinumang
ako'y pinananaligan
ay di magpapanaigan
ng kamatayan kailanman.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, nagpasabi kay Hesus ang mga kapatid na babae ni Lazaro, "Panginoon, ang kaibigan mong minamahal ay may sakit." Ngunit nang marinig ito ni Hesus ay sinabi niya, "Hindi magwawakas sa kamatayan ang sakit na ito. Nangyari ito upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos." Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunma'y pinaraan pa niya ang dalawang araw matapos mabalitaang may sakit si Lazaro bago sinabi sa kanyang mga alagad, "Magbalik tayo sa Judea."
Pagdating ni Hesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria'y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, "Panginoon, kung kayo po'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo'y ibibigay sa iyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya." "Muling mabubuhay ang iyong kapatid," wika ni Hesus. Sumagot si Marta, "Nalalaman ko pong siya'y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay." Sinabi naman ni Hesus, "Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, kahit mamatay ay mabubuhay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?" "Opo, Panginoon!" sagot niya. "Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan."
Si Hesus ay napahimutok. "Saan ninyo siya inilibing?" tanong niya. Sumagot sila, "Panginoon, halikayo at tingnan ninyo." Tumangis si Hesus; kaya't sinabi ng mga Judio, "Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!" Ngunit sinabi ng ilan, "Nakapagpadilat ng bulag ang taong ito. Bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?"
Muling napahimutok si Hesus pagdating sa libingan. Ito'y yungib na natatakpan ng isang bato. "Alisin ninyo ang bato," sabi ni Hesus. Sumagot si Marta, "Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay." Sinabi ni Hesus, "Hindi ba sinabi ko sa inyo na kung mananalig ka sa akin ay makikita mo kung gaano kadakila ang Diyos?" At inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus at ang wika, "Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, sapagkat dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinabi ko ito dahil sa mga taong nasa paligid ko, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin." Pagkasabi nito, sumigaw siya, "Lazaro, lumabas ka!" Lumabas nga si Lazaro; napupuluputan ng kayong panlibing ang kanyang mga kamay at paa, at nababalot ng panyo ang kanyang mukha. Sinabi ni Hesus sa kanila, "Kalagan ninyo siya, at nang makalaya."
Marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus at nanalig sa kanya.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoon, na s'yang gumawa ng landas, upang may maraanan sa gitna ng dagat. Sa kapangyarihan n'ya ay kanyang nilupig ang malaking hukbo. Nilipol niya ang kanilang mga kabayo. At ang mga karwahe'y winasak, sila'y nangabuwal at di na nakabangon. Parang isang ilaw, na namatay ang ningas. Ito ang sabi niya: "Ang mga nangyari no'ng unang panahon, ilibing sa limot, limutin na ngayon. Narito, at masdan ang nagawa ko'y isang bagong bagay na hanggang sa ngayo'y di mo namamasdan. Ako'y magbubukas ng isang landasin sa gitna ng ilang, maging ang disyerto ay patutubigan. Ako'y igagalang niyong mga hayop na pawang mailap, gaya ng avestrus at ng asong-gubat; ang dahilan nito, sa disyerto ako'y nagpabukal ng saganang tubig para may mainom ang aking hinirang sila'y nilalang ko at aking hinirang, upang ako'y kanilang papurihan!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa.
Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik,
ang nangyayaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit.
R/. Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa.
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
"Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong rikit!"
Dakila ngang masasasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, kagalaka'y di kawasa!
R/. Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa.
Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, kami, Poon, ay ibalik.
Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha,
bayaan mo na mag-aning masasaya't natutuwa.
R/. Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa.
Yaong mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!
R/. Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Kristo Hesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan makamtan ko lamang si Kristo, at lubos na makiisa kanya. Hindi ko na hangad na maging matuwid sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pananalig kay Kristo. Ang pagiging matuwid ko ngayon ay kaloob ng Diyos batay sa pananampalataya. Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Kristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, makihati sa kanyang mga hirap, at matulad sa kanya – pati sa kanyang kamatayan – sa pag-asang ako ma’y muling bubuhayin.
Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na, ngunit sinisikap kong maisakatuparan ang layunin ni Kristo Hesus nang tawagin niya ako. Mga kapatid, hindi ko ipinalalagay na natupad ko na ang mga bagay na ito. Ang ginagawa ko ngayo'y nililimot ang nakaraan at sinisikap na makamtan ang nasa hinaharap. Nagpapatuloy nga ako tungo sa hangganan upang kamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang buhay na hahantong sa langit.
Ang Salita ng Diyos.
BERSIKULOMagsisi tayong mataos
halinang magbalik-loob
sa mapagpatawad na D'yos
sa kanya tayo'y dumulog
at manumbalik na lubos.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, si Hesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinaumagaha'y nagbalik siya sa templo. Lumapit sa kanya ang lahat, kaya't umupo siya at sila'y tinuruan. Noo'y dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Pariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid. Pinatayo ito sa harapan nila, at sinabi kay Hesus, "Guro, ang babaing ito'y nahuli sa pakikiapid. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga gaya niya. Ano ang masasabi mo?" Itinanong nila ito upang subukin siya, nang may maisumbong sila laban sa kanya. Ngunit yumuko si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. Ayaw nilang tigilan nang katatanong si Hesus, kaya't sila'y tiningnan niya at sinabi ang ganito, "Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa. Nang marinig nila ito, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Walang naiwan kundi si Hesus at ang babaing naroon pa rin sa harapan niya. Tiningnan siya ni Hesus at tinanong: "Nasaan sila? Wala bang nagparusa sa iyo?" "Wala po, Ginoo," sagot ng babae. Sinabi ni Hesus: "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.