Pagbasa mula sa unang Aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Samuel, "Magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Betlehem sapagkat pinili ko nang maging hari ang isa sa kanyang mga anak."
Nang magkaharap-harap na sila, nakita ni Samuel si Eliab, pinagmasdan niya itong mabuti at sinabi sa sarili, "Ito siguro ang hinirang ng Panginoon para maging hari." Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, "Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Hindi siya ang hinirang ko. Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko." Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit walang pinili sa kanila ang Panginoon. Kaya't tinanong ni Samuel si Jesse, "Wala ka na bang anak kundi iyan?" "Mayroon pang isa; 'yong pinakabata, at pastol ng aking mga tupa," sagot ni Jesse. Sinabi ni Samuel, "Ipasundo mo. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga't hindi siya dumarating." At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya'y makisig na binatilyo, malusog at nangungusap ang mga mata. At sinabi ng Panginoon kay Samuel, "Siya ang hinirang ko; pahiran mo siya ng langis." Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at pinahiran si David sa harapan ng kanyang mga kapatid. At mula noon, sumakanya ang Espiritu ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
Panginoo'y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako'y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
R/. Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi'y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo'y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika'y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
R/. Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito'y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
R/. Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki't tataglayin habang ako'y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
R/. Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid: dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo'y nasa liwanag sapagkat kayo'y sa Panginoon. Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga taong naliwanagan sapagkat ang ibinubunga ng pamumuhay sa liwanag ay pawang mabuti, matuwid at totoo. Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibubungang kabutihan -- mga bagay na dulot ng kadiliman. Sa halip ay ilantad ninyo sila at ang kanilang mga gawa. Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim. Ang lahat ng nalalantad ay naliliwanagan, at ang naliwanagan ay nagiging liwanag. Kaya't sinasabi,
"Gumising ka, ikaw na natutulog, magbangon ka mula sa mga patay, at liliwanagan ka ni Kristo."
Ang Salita ng Diyos.
BERSIKULOAng sabi ng Poong mahal,
"Sa daigdig ako'y ilaw.
Kapag ako ay sinundan,
ang dilim ay mapaparam
at sa aki'y mabubuhay."
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sa paglalakad ni Hesus ay may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag. At si Hesus ay lumura sa lupa at gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi sa kanya ni Hesus, "Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe." (Ang kahulugan nito'y Sinugo.) "Maghilamos ka roon." Gayon nga ang ginawa ng bulag at nang magbalik ay nakakita na.
Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya'y namamalimos pa, "Hindi ba iyan ang lalaking dating nagpapalimos?" Sumagot ang ilan, "Iyan nga!" "Hindi! Kamukha lang," wika naman ng iba. At sumagot ang lalaki, "Ako nga po iyon."
Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at padilatin ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila, "Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, naghilamos ako pagkatapos, at ngayo'y nakakita na ako." Ang sabi ng ilan sa mga Pariseo, "Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga." Ngunit sinabi naman ng iba, "Paanong makagagawa ng ganitong kababalaghan ang isang makasalanan?" At hindi sila magkaisa ng palagay. Kaya't tinanong nila uli ang dating bulag, "Ikaw naman, yamang pinadilat ni Hesus ang iyong mga mata, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya?" "Siya'y isang propeta!" sagot niya.
Sumagot sila, "Ipinanganak kang makasalanan at ikaw pa ang magtuturo sa amin?" At siya'y itiniwalag nila.
Nabalitaan ni Hesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalang ng mga Pariseo. Kaya't tinanong niya ang lalaki nang matagpuan niya ito, "Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?" Sumagot ang lalaki, "Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin, upang ako'y manampalataya sa kanya." "Siya'y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo," ani Hesus. "Sumasampalataya po ako, Panginoon!" sabi ng lalaki. At sinamba niya si Hesus.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ni Josue
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Josue: "Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto."
Samantalang nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico ang mga Israelita, ipinagdiwang nila ang Paskuwa noong hapon ng ikalabing-apat ng unang buwan. Kinaumagahan, araw pa rin ng Paskuwa, kumain sila ng mga pagkaing inani nila sa lupaing yaon: sinangag na trigo at tinapay na walang lebadura. Pagkakain nila ng pagkaing inani sa lupaing iyon, tumigil na ang pag-ulan ng manna. Kaya't mula nang taong iyon, pagkaing inaani sa Canaan ang kanilang ikinabubuhay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin.
Panginoo'y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
R/. Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin.
Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
R/. Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
Sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
R/. Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa ikalawang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya'y bago na. Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Kristo, ibinilang niya akong kaibigan -- di na kaaway -- at hinirang niya ako upang panumbalikan sa kanya ang mga tao. Ang ibig kong sabihin, ang tao'y ibinibilang ng Diyos na kanyang kaibigan sa pamamagitan ni Kristo, at nililimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At ipinagkatiwala niya sa akin ang balitang ito. Kaya't ako'y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang mamamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya'y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal; sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.
Ang Salita ng Diyos.
BERSIKULOBabalik ako sa ama,
at aamuin ko siya,
sasabihin ko sa kanya:
"Ako po ay nagkasala
sa D'yos at sa 'yong pagsinta."
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila: "Ang taong ito'y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila." Kaya't sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: "Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, 'Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.'
At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo'y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding tag-gutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya't namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Siya'y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, 'Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain -- at lumalabis pa -- samantalang ako'y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at sasabihin ko, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.", At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama. Malayo pa'y natanawan na siya ng ama at ito'y labis na nahabag sa kanya, kaya't patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinagkan. Sinabi ng anak, 'Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.' Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, 'Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayain; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong ito; ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.' At sila'y nagsaya. Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: 'Bakit? May ano sa atin?' 'Dumating po ang inyong kapatid!' tugon ng alila. 'Ipinapatay ng inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.' Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya't lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi nito, 'Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!' Sumagot ang ama, 'Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko'y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.'"
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.