IKATLONG LINGGO NG APATNAPUNG ARAW NG PAGHAHANDA

Antipona sa Pagpasok
Awit 25, 15-16
Tangi kong inaasahan ang Diyos na kaligtasan. Paa ko'y pinakawalan sa bitag na nakaumang 'pagka't ako'y kanyang mahal.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, ikaw ay maibigin at butihin sa tanan. Itinuturo mo na ang lunas sa kasalanan ay nasa kusang pagpapakasakit, pagdalangin, at pagmamalasakit. Tunghayan mo ang aming pag-amin sa nagawang pagsuway upang sa pagpapatirapa ng aming budhi sa iyong harap kami'y lagi mong maibangon dahil sa iyong pag-ibig na tapat sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 28)
UNANG PAGBASA
Ex 17, 3-7

Pagbasa mula sa Aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, talagang uhaw na uhaw na ang mga Israelita, kaya sinumbatan nila si Moises, "Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga hayop?" Kaya, taimtim na nanalangin si Moises sa Panginoon, "Ano ang gagawin ko sa mga taong ito? Ibig na nila akong batuhin?" Sumagot ang Panginoon, "Magsama ka ng ilang pinuno ng sambahayan ng Israel at mauna kayo sa mga Israelita. Dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa ilog at lumakad na kayo. Hihintayin ko kayo sa ibabaw ng malaking bato sa Horeb. Hampasin mo ito at bubukal ang tubig na maiinom ng mga tao." Gayun nga ang ginawa ni Moises; at ito ay nasaksihan ng mga kasama niyang lider ng Israel. Ang lugar na yaon ay pinangalanan nilang "Masa" at "Meriba" dahil sa doo'y nagtalu-talo ang mga Israelita at sinubok nila ang Panginoon. Ang pinagtalunan nila ay kung pinapatnubayan sila ng Panginoon o hindi.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 94, 1-2. 6-7. 8-9

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Tayo ay lumapit sa 'ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan ang batong kublihan nati't kalakasan.
Tayo ay lumapit sa kanyang harapan na may pasalamat,
Siya ay purihin ng mga awiting may tuwa at galak.

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Tayo ay lumapit, sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati'y lumalang.
Siya ang ating Diyos, tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
"Iyang inyong puso'y huwag patigasin,
tulad ng ginawa ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita ang aking ginawang sila'ng nakinabang."

R/. Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 5, 1-2. 5-8

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid: Yamang napawalang-sala na tayo dahil sa pananalig sa ating Panginoong Hesukristo, sa pamamagitan niya'y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos. Sa pamamagitan nga niya'y tinatamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at lubos tayong nagagalak sa ating pag-asa na makakasama sa kanyang kaluwalhatian.

Hindi tayo nabigo sa ating pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos at ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob na sa atin. Sapagkat noong tayo'y mahihina pa, namatay si Kristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid -- bagamat maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang mabuting tao. Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Kristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.

Ang Salita ng Diyos.

BERSIKULO
Jn 4, 42. 15

Aming pinananaligang Tagapagligtas ng tanan,
Panginoon, kami'y bigyan ng tubig na bumubuhay
upang kami'y di mauhaw.

EBANGHELYO
Jn 4, 5-15. 19b-26. 39a. 40-42

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon: Dumating si Hesus sa isang bayan sa Samaria, na tinatawag na Sicar, malapit sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Umupo si Hesus sa tabi nito, sapagkat siya'y napagod sa paglalakbay. Halos katanghaliang-tapat na noon.

May isang Samaritanang dumating upang umigib. Sinabi ni Hesus sa kanya, "Maaari bang makiinom?" Wala noon ang kanyang mga alagad sapagkat bumili ng pagkain sa bayan. Sinabi sa kanya ng Samaritana, "Kayo'y Judio at Samaritana ako! Bakit kayo humihingi sa akin ng inumin?" Sapagkat hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano. Sumagot si Hesus, "Kung alam lamang ninyo kung ano ang ipinagkakaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa inyo ng inumin, marahil ay kayo ang hihingi sa kanya, at kayo nama'y bibigyan niya ng tubig na nagbibigay-buhay." "Ginoo," wika ng babae, "malalim ang balong ito at wala man lamang kayong panalok. Saan kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Higit pa ba kayo kaysa aming ninunong si Jacob, na nagbigay sa amin ng balong ito? Uminom siya rito, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop." Sumagot si Hesus, "Ang uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw. Ito'y magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan." Sinabi ng babae, "Ginoo, kung gayun po'y bigyan ninyo ako ng tubig na sinasabi ninyo, nang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok.

"Ginoo, sa wari ko'y propeta kayo. Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga magulang, ngunit sinasabi ninyong mga Judio, nasa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos." Tinugon siya ni Hesus, "Maniwala ka sa akin, Ginang, dumarating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama, hindi lamang sa bundok na ito o sa Jerusalem. Hindi ninyo nakikilala ang inyong sinasamba, ngunit nakikilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay galing sa mga Judio. Ngunit dumarating na ang panahon -- ngayon na nga -- na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ito ang hinahanap ng Ama sa mga sumasamba sa kanya. Ang Diyos na Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan." Sinabi ng babae, "Nalalaman ko pong paririto ang Mesiyas, ang tinatawag na Kristo. Pagparito niya, siya ang magpapahayag sa atin ng lahat ng bagay." "Akong nagsasalita sa iyo ang tinutukoy roon," sabi ni Hesus.

Maraming Samaritano sa bayang yaon ang sumampalataya kay Hesus. Kaya't paglapit ng mga Samaritano kay Hesus, hiniling nila na tumigil muna siya roon; at nanatili siya roon nang dalawang araw. At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. Sinabi nila sa babae, "Nananampalataya kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin sa kanya. Nakilala naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 29)
TAON K (Leksiyonaryo: 30)
UNANG PAGBASA
Ex 3, 1-8a. 13-15

Pagbasa mula sa Aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, si Moises ang nag-aalaga sa kawan ng biyenan niyang si Jetro. Minsan, itinaboy niya ang kawan pabagtas ng disyerto at nakarating siya sa Horeb, sa Bundok ng Diyos. Doon, ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kanya, parang ningas sa gitna ng isang mababang punong-kahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ito ngunit hindi nasusunog. Kaya't nasabi niya sa kanyang sarili, "Kataka-taka ito! Tingnan ko ngang mabuti kung bakit di nasusunog gayung nagliliyab."

Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ng Panginoon buhat sa nagliliyab na punongkahoy, "Moises, Moises." "Ano po iyon?" sagot niya. Sinabi ng Diyos, "Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na dako ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos ng iyong mga magulang -- nina Abraham, Isaac at Jacob." Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha pagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos. Sinabi sa kanya ng Panginoon, "Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap nilang tinitiis at narinig ko ang kanilang daing. Kaya, bumaba ako upang sila'y iligtas, ialis sa Egipto at ihatid sa lupaing mayaman, malawak at sagana sa lahat ng bagay."

Sinabi ni Moises, "Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako'y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?" Sinabi ng Diyos, "Ako'y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga, ng Panginoon, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ng Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. Ito rin ang pag-alala sa akin ng lahat ng salinlahi."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 102, 1-2. 3-4. 6-7. 8 at 11

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Panginoo'y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Panginoo'y humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Ang balangkas niya't utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama'y lubos.
Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.

R/. Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.

IKALAWANG PAGBASA
1 Cor 10, 1-6. 10-12

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, ibig kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno sa sumunod kay Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay, at tumawid sa Dagat na Pula. Sa gayun, nabinyagan silang lahat sa ulap at sa dagat bilang tagasunod ni Moises. Kumain silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal at uminom din ng iisang inuming espirituwal, mula sa Batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang Batong iyon ay si Kristo. Gayunman, hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't nagkalat sa ilang ang kanilang mga buto.

Ang mga nangyaring ito'y babala sa atin upang huwag tayong magnasa ng mga masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol sila ng Anghel na Mamumuksa. Nangyari ito sa kanila bilang babala sa iba, at nasulat upang turuan tayong mga inabot ng huling panahon. Kaya nga, mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, baka siya mabuwal.

Ang Salita ng Diyos.

BERSIKULO
Mt 4, 17

Sinabi ng Poong mahal: "Kasalanan ay talikdan
pagsuway ay pagsisihan; maghahari nang lubusan
ang Poong D'yos na Maykapal"

EBANGHELYO
Lc 13, 1-9

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Dumating noon sa ilang ang mga tao at ibinalita kay Hesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang Galileo samantalang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, "Akala ba ninyo, higit na makasalanan ang mga Galileong ito kaysa ibang mga taga-Galilea dahil sa gayun ang sinapit nila? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe -- sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat."

Sinasabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: "May isang tao na may puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ito, ngunit wala siyang nakita. Kaya't sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, 'Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasisikip lang iyan!' Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, 'Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!'"

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, kalugdan mo ang aming paghahain upang ang mga kasalanan naming ihinihingi ng kapatawaran sa iyo ay matutuhan din naming ipatawad sa kapwa tao sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Jn 4, 13-14
Sa pag-inom ng sinuman sa tubig na aking bigay, di na muling mauuhaw 'pagka't ito ay bubukal sa buhay na walang hanggan.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, sa pakikinabang namin sa iyong banal na piging, pinagsalu-saluhan namin ang bigay mong pagkain. Ang ginaganap namin ngayon sa pagdiriwang ay lubos nawang mangyari sa gawain namin araw-araw sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Pagpapanalangin sa Sambayanan