Pagbasa mula sa Aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Abram: "Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo.
"Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin kong isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at mababantog ang iyong pangalan at magiging pagpapala sa marami. Ang sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain, ngunit kapag sinumpa ka, sila'y aking susumpain; ang lahat ng mga bansa pihong ako'y hihimukin, na, tulad mong pinagpala, sila ay pagpapalain din."
Sumunod nga si Abram sa utos ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo'y aming hiling.
Panginoo'y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.
R/. Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo'y aming hiling.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
R/. Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo'y aming hiling.
Ang ating pag-asa'y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na ang aming makamit,
O Poon ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa'y sa'yo nasasalig!
R/. Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo'y aming hiling.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa ikalawang Sulat ni San Pablo kay Timoteo
Pinakamamahal kong kapatid: Makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita, sa tulong ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin upang tayo'y maging kanyang bayan.
Ito'y ginawa niya sa pamamagitan ni Kristo Hesus, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob na inilaan sa atin bago pa magsimula ang panahon. Ngunit nahayag lamang ito nang dumating si Kristo Hesus na ating Tagapagligtas. Nilupig niya ang kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Mabuting Balita.
Ang Salita ng Diyos.
BERSIKULOSa ulap na maliwanag ito ang siyang pahayag
ng D'yos Ama na nangusap: "Ito ang mahal kong Anak
lugod kong dinggin ng lahat."
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon: Isinama ni Hesus si Pedro, at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. Samantalang sila'y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus. Kaya't sinabi ni Pedro kay Hesus, "Panginoon, mabuti pa'y dumito na tayo. Kung ibig ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias." Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng isang maningning na ulap. At mula rito'y may tinig na nagsabi, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!" Ang mga alagad ay natakot nang gayun na lamang nang marinig nila ang tinig, at sila'y napasubasob. Ngunit nilapitan sila ni Hesus at hinipo. "Tumindig kayo," sabi niya, "huwag kayong matakot." At nang tumingin sila ay wala silang nakita kundi si Hesus.
At habang bumababa sila sa bundok, iniutos ni Hesus sa kanila, "Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang pangitain hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos at tumugon naman siya. Sinabi sa kanya, "Isama mo ang pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin."
Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac, matapos gapusin. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: "Abraham! Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak." Paglingon niya'y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog kapalit ng kanyang anak.
Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon. Wika nito, "Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo'y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin ng dagat. Lulupigin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat ikaw ay tumalima sa akin."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Sa piling ng Poong mahal ako'y laging namumuhay.
Laging buhay ang pag-asa, patuloy ang pananalig.
bagamat ang aking sabi'y "Ako'y ganap nang nalupig."
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.
R/. Sa piling ng Poong mahal ako'y laging namumuhay.
Panginoon, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
R/. Sa piling ng Poong mahal ako'y laging namumuhay.
Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
R/. Sa piling ng Poong mahal ako'y laging namumuhay.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid: Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak kundi ibinigay para sa ating lahat. Kung naipagkaloob niya sa atin ang kanyang Anak, hindi ba niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng kanyang Anak? Sino ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinirang ng Diyos, gayung ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino nga ang hahatol ng kaparusahan? Si Kristo Hesus bang nasa kanan ng Diyos? Siya pa nga ang namatay at muling binuhay, at ngayo'y namamagitan para sa atin.
Ang Salita ng Diyos.
BERSIKULOSa ulap na maliwanag ito ang siyang pahayag
ng D'yos Ama na nangusap: "Ito ang mahal kong Anak
lugod kong dinggin ng lahat."
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila'y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupa't walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, "Guro, mabuti pa'y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias." Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito'y may tinig na nagsabi, "Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!" Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.
Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: "Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao." Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila'y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, inilabas ng Diyos si Abram at sinabi sa kanya: "Masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging anak mo at apo." Nanalig si Abram, at dahil dito'y kinalugdan siya ng Panginoon.
Sinabi pa ng Panginoon kay Abram, "Ako ang kumuha sa iyo sa Ur ng Caldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito." Itinanong naman ni Abram, "Panginoon, aking Diyos, paano ko malalamang ito'y magiging akin?" Sinabi sa kanya, "Dalhan mo ako ng isang baka, isang kambing, at isang tupa, bawat isa'y tatlong taon ang gulang. Magdala ka rin ng isang kalapati at isang batubato." Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon. Inihanay niyang magkakatapat ang pinaghating hayop. Bumaba ang mga buwitre upang kanin ito, ngunit itinaboy sila ni Abram. Nang kumikiling na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at nagkaroon ng isang nakatatakot na pangitain.
Pagkalubog ng araw at laganap na ang dilim, biglang may lumitaw na palayok na umuusok, at maningas sa sulo na dumaan sa pagitan ng pinatay na mga hayop. At nang araw na yaon, nakipagtipan ang Panginoon kay Abram, wika niya: "Nangangako ako na ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa Ilog-Eufrates."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Panginoo'y aking tanglaw, siya'y aking kaligtasan.
Tanglaw ko'y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako'y walang agam-agam.
R/. Panginoo'y aking tanglaw, siya'y aking kaligtasan.
O Diyos, ako'y dinggin sa aking pagtawag,
lingapin mo ako, sa aki'y mahabag
Ang paanyaya mo'y "Lumapit sa akin."
Huwag kang magkukubli't kita'y hahanapin!
R/. Panginoo'y aking tanglaw, siya'y aking kaligtasan.
H'wag kang magagalit, huwag mong itatakwil
akong katulong mo at iyong alipin;
Tagapagligtas ko, h'wag akong lisanin!
R/. Panginoo'y aking tanglaw, siya'y aking kaligtasan.
Ako'y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang 'yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo'y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
R/. Panginoo'y aking tanglaw, siya'y aking kaligtasan.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Kami ang gawin ninyong huwaran. Masdan ninyo ang lahat ng sumusunod sa mga halimbawang ito. Tulad ng malimit kong sabihin sa inyo -- at ngayo'y luhaang inuulit ko -- marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Kristo. Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya at ang pinag-uukulan lang nila ang pansin ay ang mga bagay na panlupa. Sa kabilang dako, ang langit ang tunay nating may pananabik ang Panginoong Hesukristo, ang ating Tagapagligtas. Pagdating ng araw na yaon, babaguhin niya ang ating katawang-lupa at gagawing maluwalhati, tulad ng kanyang katawan, sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay.
Kaya nga, minamahal kong mga kapatid -- aking kagalakan at karangalan na lagi kong kinasasabikang makita uli -- magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
BERSIKULOSa ulap na maliwanag ito ang siyang pahayag
ng D'yos Ama na nangusap: "Ito ang mahal kong Anak
lugod kong dinggin ng lahat."
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Umakyat si Hesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. Samantalang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha, nagniningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti. Di kaginsaginsa'y lumitaw ang dalawang lalaki -- sina Moises at Elias na napakitang may kaningningan -- at nakipag-usap sa kanya. Pinag-usapan nila ang nalalapit na pagpanaw ni Hesus na magaganap sa Jerusalem. Tulog na tulog si Pedro at ang kanyang mga kasama, ngunit sila'y biglang nagising at nakita nila si Hesus na nagniningning at dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. Nang papaalis na sa tabi ni Hesus ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, "Guro, mabuti pa'y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias." Ang totoo'y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. Nagsasalita pa siya nang matakpan sila ng isang ulap, at sila'y natakot. At may isang tinig mula sa alapaap na nagsabi, "Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang. Siya ang inyong pakinggan." Nang tumigil ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Hesus. At hindi muna sinabi ng mga alagad kaninuman ang kanilang nakita.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.