UNANG LINGGO NG APATNAPUNG ARAW NG PAGHAHANDA

Antipona sa Pagpasok
Awit 91, 15-16
Kapag ako'y tinawagan, kaagad kong pakikinggan upang aking matulungang magkamit ng kaligtasan, dangal, at mahabang buhay.

Panalangin Pagkatipunan
Ama naming makapangyarihan, sa taun-taong pagdiriwang ng paghahandang apatnapung araw para sa Pasko ng Pagkabuhay, kami nawa ay lalong umunlad sa pagtuklas sa hiwaga ng tagumpay ni Kristo upang masundan namin siya sa pamumuhay na marangal bilang aming Tagapamagitan kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
TAON A (Leksiyonaryo: 22)
UNANG PAGBASA
Gn 2, 7-9; 3, 1-7

Pagbasa mula sa Aklat ng Genesis

Nilikha ng Diyos ang tao mula sa alabok, hiningahan sa ilong, at nagkaroon ng buhay.

Naglagay ang Panginoon ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. Pinasibol niya roon ang lahat ng uri ng kahoy na nakalulugod sa paningin at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan, naroon ang punong nagbibigay buhay, at ang punong nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama.

Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoon. Minsa'y tinanong nito ang babae, "Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kang kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?" Tumugon ang babae, "Hindi naman! Ipinakakain sa amin ang anumang bunga sa halamanan, huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Pag kami raw ay kumain ng bunga nito o humipo man lamang sa punong iyon, mamamatay kami." "Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay," wika ng ahas. "Gayun ang sabi ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon, magkakaroon kayo ng pagkaunawa. Kayo'y magiging parang Diyos; malalaman ninyo ang mabuti at masama." Napakaganda sa paningin ng babae ang punongkahoy at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Nabuo sa isipan niya na mabuti ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain. Kumuha rin siya para sa kanyang asawa, kumain din ito. Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtagni-tagni at ginawang panakip sa katawan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 50, 3-4. 5-6a. 12-13. 14 at 17

R/. Poon, iyong kaawaan kaming sa 'yo'y nagsisuway.

Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!

R/. Poon, iyong kaawaan kaming sa 'yo'y nagsisuway.

Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko'y di mo nagustuhan.

R/. Poon, iyong kaawaan kaming sa 'yo'y nagsisuway.

Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa'y h'wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

R/. Poon, iyong kaawaan kaming sa 'yo'y nagsisuway.

Ang galak na dulot ng 'yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.

R/. Poon, iyong kaawaan kaming sa 'yo'y nagsisuway. IKALAWANG PAGBASA
Roma 5, 12-19 o Roma 5, 12. 17-19

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid: Ang kasalana'y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala. Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa ibinigay ang Kautusan, ngunit walang pinananagot sa kasalanan kung walang Kautusan. Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga tao na ang pagkakasala'y di tulad ng pagsuway ni Adan. Si Adan ay anino ng isang darating. Ngunit magkaiba ang dalawang ito, sapagkat ang kagandahang-loob ng Diyos ay higit na di hamak kaysa pagsuway ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa marami ang pagsuway ni Adan, ngunit malaki ang kahigtan ng kagandahang-loob ng Diyos at ng kaloob na dumating sa napakarami sa pamamagitan ng isang tao--si Hesukristo. Ang kaloob ay higit na di hamak kaysa ibinunga ng pagsuway ni Adan. Nagdala ng hatol na kaparusahan ang kanyang pagsuway, ngunit ang kaloob na dumating sa kabila ng maraming pagsuway ay nagdulot ng kapatawaran. Sa pamamagitan ng isang tao--si Adan--naghari ang kamatayan dahil sa kanyang kasalanan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao--si Hesukristo--higit ang kinamtan ng mga kahabagan nang sagana at pinawalang-sala: sila'y maghahari sa buhay. Kay laki ng kahigtan ng pagpapalang ito kaysa kasawiang iyon. Kaya't kung paanong nagbunga ng kaparusahan sa lahat ang kasalanan ng isang tao, ang pagkamatuwid naman ng isang tao ay nagdulot ng kapatawaran at buhay sa lahat. Sapagkat sa pagsuway ng isang tao ay marami ang naging makasalanan, gayun din naman, marami ang pawawalang-sala sa pagsunod ng isang tao.

Ang Salita ng Diyos.

o

Mga kapatid: Ang kasalana'y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala.

Sa pamamagitan ng isang tao--si Adan--naghari ang kamatayan dahil sa kanyang kasalanan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao--si Hesukristo--higit ang kinamtan ng mga kahabagan nang sagana at pinawalang-sala: sila'y maghahari sa buhay. Kay laki ng kahigtan ng pagpapalang ito kaysa kasawiang iyon. Kaya't kung paanong nagbunga ng kaparusahan sa lahat ang kasalanan ng isang tao, ang pagkamatuwid naman ng isang tao ay nagdulot ng kapatawaran at buhay sa lahat. Sapagkat sa pagsuway ng isang tao ay marami ang naging makasalanan, gayun din naman, marami ang pawawalang-sala sa pagsunod ng isang tao.

Ang Salita ng Diyos.

BERSIKULO
Mt 4, 4b

Ang tao ay nabubuhay hindi lamang sa tinapay
kundi sa Salitang mahal mula sa bibig na banal
ng Ama nating Maykapal.

EBANGHELYO
Mt 4, 1-11

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon: Si Hesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Doon, apatnapung araw at apatnapung gabi nag-ayuno si Hesus, at siya'y nagutom. Dumating ang manunukso at sinabi sa kaniya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mong tinapay ang mga batong ito." Ngunit sumagot si Hesus, "Nasusulat, 'Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.'"

Pagkatapos nito'y dinala siya ng diyablo sa taluktok ng templo sa Banal na Lungsod. "Kung ikaw ang Anak ng Diyos," sabi sa kanya, "magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, 'Ipagbibilin niya sa kanyang mga anghel na ingatan ka, aalalayan ka nila upang hindi ka matisod sa bato.'" Sumagot si Hesus, "Nasusulat din naman, 'Huwag mong subuhin ang Panginoon mong Diyos.'" Pagkatapos, dinala din siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok. Mula roo'y ipinatanaw sa kanya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kayamanan ng mga ito. At sinabi ng diyablo, "Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito, kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin." Sumagot si Hesus, "Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, 'Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo; Siya lamang ang iyong paglilingkuran.'"

At iniwan siya ng diyablo. Dumating ang mga anghel at naglingkod sa kanya.

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON B (Leksiyonaryo: 23)
UNANG PAGBASA
Gen 9, 8-15

Pagbasa mula sa Aklat ng Genesis

Ito ang sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, "Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, gayun din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa pagligid ninyo -- mga ibon, maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa daong. Ito ang masasabi ko sa aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig." Sinabi pa ng Diyos, "Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahag-hari at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 24, 4bk-5ab. 6-7bk. 8-9

R/. Poon, iyong minamahal ang tapat sa iyong tipan.

Ang kalooban mo'y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.

R/. Poon, iyong minamahal ang tapat sa iyong tipan.

Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa'y nahayag.
Pagkat pag-ibig mo'y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!

R/. Poon, iyong minamahal ang tapat sa iyong tipan.

Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari'y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.

R/. Poon, iyong minamahal ang tapat sa iyong tipan.

IKALAWANG PAGBASA
1 Ped 3, 18-22

Pagbasa mula sa unang Sulat ni San Pedro

Pinakamamahal kong mga kapatid: Si Kristo'y namatay para sa inyo. Namatay siya dahil sa kasalanan ng lahat -- ang walang kasalanan para sa mga makasalanan -- upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa Espiritu. Sa kalagayang ito, pinuntahan niya at inaralan ang mga espiritung nakabilanggo. Iyan ang mga espiritung ayaw sumunod nang sila'y matiyagang hinihintay ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa nito ang daong. Sa tulong ng daong na ito'y iilang tao -- wawalo -- ang nakaligtas sa baha. Ang tubig ay larawan ng binyag na nagliligtas ngayon sa inyo. Ang binyag ay hindi paglilinis ng dumi ng katawan kundi isang pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng binyag sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesukristo, na umakyat sa langit at ngayo'y nakaluklok sa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan at lakas na panlangit.

Ang Salita ng Diyos.

BERSIKULO
Mt 4, 4b

Ang tao ay nabubuhay
hindi lamang sa tinapay
kundi sa Salitang mahal
mula sa bibig na banal
ng Ama nating Maykapal.

EBANGHELYO
Mc 1, 12-15

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus ay agad pinapunta ng Espiritu sa ilang. Nanatili siya roon ng apatnapung araw, na tinutukso ni Satanas. Maiilap na hayop ang naroon ngunit si Hesus ay pinaglilingkuran ng mga anghel.

Pagkatapos dakpin si Juan, si Hesus ay nagtungo sa Galilea at ipinangaral ang Mabuting Balitang mula sa Diyos: "Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balita ito."

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

TAON K (Leksiyonaryo: 24)
UNANG PAGBASA
Dt 26, 4-10

Pagbasa mula sa Aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa bayan: "Ang mga unang bungang inyong iaalay ay kukunin ng saserdote at ilalagay sa harap ng altar. Pagkatapos ay saysayin ninyo ito sa harapan ng Panginoon: 'Isang pagalanggalang Arameo ang aming ninuno. Maliit ang kanyang sambahayan nang magpunta sila sa Egipto upang doon makipamayan. Ngunit dumating ang panahon na ang angkan niya'y naging malaki at makapangyarihang bansa. Hindi mabuti ang ginawang pakikitungo sa amin ng mga Egipcio. Pinahirapan nila kami at inalipin. Kaya, dumulog kami sa inyo Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno. At dininig ninyo kami. Nakita ninyo ang aming pagdurusa, ang kahirapan at kaapihang dinaranaw. Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, ng mga kakilakilabot na gawa at mga kababalaghan, inalis ninyo kami sa Egipto at dinala sa lupaing itong sagana sa lahat ng bagay. Kaya, narito ngayon, Panginoon, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.' Pagkasabi noon, ang dala ninyo'y ilalapag sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin ang Panginoon."

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Awit 90, 1-2. 10-11. 12-13. 14-15

R/. Poon ko, ako'y samahan sa dusa at kahirapan.

Siyang naghahangad ng pagkupkop ng kataas-taasan,
at nanatili sa kalinga niyong Makapangyarihan;
makapagsasabi sa kanyang Panginoon:
"Muog ka't tahanan, ikaw ang aking Diyos,
ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan."

R/. Poon ko, ako'y samahan sa dusa at kahirapan.

Di mo aabuting ika'y mapahamak, at walang daratal
kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
Susuguin niya ang maraming anghel,
silang susubaybay, kahit saang dako
ikaw maparoon, tiyak iingatan.

R/. Poon ko, ako'y samahan sa dusa at kahirapan.

Sa kanilang palad ay itatayo ka't, silang magtataas
nang hindi masaktan ang mga paa mo sa batong matalas.
Kahit ang tapakan mo ay mga leon, ahas na mabagsik,
di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.

R/. Poon ko, ako'y samahan sa dusa at kahirapan.

Ang sabi ng Diyos, "Aking ililigtas ang tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilalanin.
Pag sila'y tumawag; laging handa ako na sila'y pakinggan,
aking sasamahan at kung may hilahil ay sasaklolohan;
aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan."

R/. Poon ko, ako'y samahan sa dusa at kahirapan.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 10, 8-13

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid: Ito ang sinasabi ng Banal na Kasulatan, "Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso," ibig sabihi'y ang salitang pinangangaral namin tungkol sa pananampalataya, kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo'y napawawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo'y naliligtas. Sinasabi ng Kasulatan, "Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya." Walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Griego. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya ang nagkakaloob ng kanyang kayamanan sa lahat ng tumatawag sa kanya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, "Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon."

Ang Salita ng Diyos.

BERSIKULO
Mt 4, 4b

Ang tao ay nabubuhay hindi lamang sa tinapay
kundi sa Salitang mahal mula sa bibig na banal
ng Ama nating Maykapal.

EBANGHELYO
Lc 4, 1-13

Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: Umalis si Hesus sa Jordan, puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu doon sa ilang, at sa loob ng apat-napung araw ay tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain sa buong panahong iyon, kaya't gutom na gutom siya. Sinabi sa kanya ng diyablo, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, iutos mo na maging tinapay ang mga batong ito." Ngunit sinagot siya ni Hesus, "Nasusulat, 'Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.'" Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan. "Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga kahariang ito," wika ng diyablo. "Ipinagkaloob ito sa akin at maibibigay ko sa kaninumang ibigin ko. Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging iyong lahat ito." Sumagot si Hesus, "Nasusulat, 'Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.'" At dinala siya ng diyablo sa taluktok ng templo ng Jerusalem, at sinabi sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, 'Ipagbibilin niya sa kanyang mga anghel na ingatan ka' at 'Aalalayan ka nila, upang hindi ka matisod sa bato.'" Subalit sinagot siya ni Hesus, "Nasusulat, 'Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!'" Pagkatapos siyang tuksuhin ng diyablo sa lahat ng paraan, ito'y umalis at naghintay ng ibang pagkakataon.

Ang Ebanghelyo ng Panginoon.

Panalangin ukol sa Handog
Ama naming Lumikha, gawin mong kami'y maging marapat maghain sa pagdiriwang namin ngayon ng pagsisimula ng banal na panahon ng apatnapung araw ng paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay sa pamamagitan ni Jesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Antipona sa Komunyon
Mt 4, 4
Ang tao ay nabubuhay hindi lamang sa tinapay kundi sa salitang mahal mula sa bibig na banal ng Ama nating Maykapal.

Panalangin Pagkakomunyon
Ama naming mapagmahal, kaming pinapakinabang mo sa pagkaing iyong bigay ay tumanggap ng pampalakas ng pananampalataya, pampatibay ng pag-asa, at pampaalab ng pag-ibig. Matutuhan nawa naming damahin ang gutom at pananabik sa tunay na pagkaing nagbibigay-buhay upang kami'y makapamuhay sa bawat salita na namumutawi sa iyong bibig sa pamamagitan ni Jesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Pagpapanalangin sa Sambayanan
Ama naming mapagpala, ang mga nakikiusap na makapamalaging tapat sa iyo ay manatili nawang nananalig sa iyong pag-ibig at nagpapalaganap nito sa kapwa-tao sa daigdig sa pamamagitan ni Jesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.