Pagbasa mula sa Aklat ng Mga Bilang
Sinabi ng Panginoon kay Moises, "Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na ito ang ang sasabihin nila sa pagbebendisyon nila sa mga Israelita: Pagpalain ka nawa at ingatan ng Panginoon; nawa'y kahabagan ka niya at subaybayan; lingapin ka nawa niya at bigyan ng kapayapaan. Ganito nila babanggitin ang pangalan ko sa pagbebendisyon sa mga Israelita at pagpapalain ko ang mga ito."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Kami'y iyong kaawaan, pagpalain, Poong mahal.
O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,
kami Panginoo'y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
ang kaharian mo ay mamamalagi."
R/. Kami'y iyong kaawaan, pagpalain, Poong mahal.
Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
R/. Kami'y iyong kaawaan, pagpalain, Poong mahal.
Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami'y iyong pinagpala,
nawa'y igalang ka ng lahat ng bansa.
R/. Kami'y iyong kaawaan, pagpalain, Poong mahal.
Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid: Noong dumating ang takdang panahon, sinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng babae, at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayun, tayo'y mabibilang na mga anak ng Diyos. Upang ipakilalang kayo'y mga anak ng Diyos, pinagkalooban niya tayo ng Espiritu ng kanyang Anak nang tayo'y makatawag sa kanya ng "Ama! Ama ko!" Kaya't hindi ka na alipin kundi anak. Sapagkat anak, ikaw ay tagapagmana ayon sa kalooban ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
N'ong dati'y mga propeta
ngayon nama'y Anak niya
ang sugo ng D'yos na Ama.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Nagmamadali ang mga pastol na lumakad patungong Betlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Kaya't isinaysay nila ang mga sinabi ng anghel tungkol sa sanggol na ito; at nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Natanim sa isip ni Maria ang mga bagay na ito at kanyang pinagbulay-bulay. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita na ayon sa ibinalita sa kanila ng anghel. Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang bata at pinangalanang Hesus -- ang pangalang ibinigay ng anghel bago pa siya ipinaglihi.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.