Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias
Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: "Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng kinaroroonan ng mga yumao o sa kaitaasan ng langit." Sumagot si Acaz: "Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon." Sinabi ni Isaias: "Pakinggan mo, sambahayan ni David, kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot? Kaya nga't ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki at ito'y tatawaging Emmanuel."
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Ang Panginoo'y darating, s'ya'y dakilang Hari natin.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari'y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo'y natayo at yaong sandiga'y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
R/. Ang Panginoo'y darating, s'ya'y dakilang Hari natin.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino'ng papayagang pumasok sa templo?
Sino'ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
R/. Ang Panginoo'y darating, s'ya'y dakilang Hari natin.
Ang D'yos na Panginoon, pagpapalain siya,
ililigtas siya't pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
R/. Ang Panginoo'y darating, s'ya'y dakilang Hari natin.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma
Mula kay Pablo na alipin ni Kristo Hesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Mabuting Balita ng Diyos. Sa inyong lahat na minamahal ng Diyos na nangariyan sa Roma, na tinawag upang maging mga banal: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo. Ang Mabuting Balitang ito, na ipinangako niya noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta at nasasaad sa mga banal na kasulatan, ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lipi ni David, at sa likas na kabanalan ng kanyang espiritu, ipinahayag siyang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang gawa -- ang kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol upang ang lahat ng bansa ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. Kabilang din kayo sa mga tinawag na maging tagasunod ni Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Maglilihi ang dalaga
lalaking isisilang n'ya'y
Emmanuel na Poong sinta.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose na nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria'y natagpuang nagdadalang-tao. Ito'y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya'y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito'y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan." Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: "Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki, at tatawagin itong 'Emmanuel,' ang kahuluga'y 'Kasama natin ang Diyos'". Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan niyang Hesus.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa ikalawang Aklat ni Samuel
Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang bahay. Sa tulong ng Panginoon, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. Tinawag niya si Natan at sinabi, "Nakikita mong nakatira ako sa tahanang sedro, ngunit ang Kaban ng Tipan ay sa tolda lamang." Sumagot si Natan, "Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat ang Panginoon ay sumasaiyo." Ngunit nang gabing iyo'y sinabi ng Panginoon kay Natan, "Ganito ang sabihin mo kay David: 'Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan?
Inalis kita sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saanmang dako at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko patitirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon: wala nang aalipin sa kanila tulad noong una, buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong Panginoon ay nagsasabi sa iyo: Patatatagin ko ang iyong sambahayan. Pagkamatay mo, isa sa iyong mga anak ang ipapalit ko sa iyo. Patatatagin ko ang kanyang kaharian. Kikilanlin ko siyang anak at ako nama'y magiging ama niya. Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia'y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.'"
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Pag-ibig mo, Poon, na di magmamaliw
ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
ang katapatan mo'y laging sasambitin,
Yaong pag-ibig mo'y walang katapusan,
sintatag ng langit ang 'yong katapatan.
R/. Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Sabi mo, Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
"Isa sa lahi mo'y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi."
R/. Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Ako'y tatawaging ama niya't Diyos,
tagapagsanggalang niya't Manunubos.
Ang aking pangako sa kanya'y iiral
at mananatili sa kanya ang tipan.
R/. Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid: Purihin ang Diyos na makapagpapatibay sa inyo sa pamamagitan ng Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo na ipinangangaral ko sa inyo. Ang Mabuting Balitang iyan ay isang hiwaga na nalihim sa loob ng mahabang panahon, at sa utos ng walang hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa mga Hentil upang sila'y manalig at tumalima kay Kristo. Ang lahat ng iyan ay ayon sa mga sulat ng mga propeta. Sa iisang Diyos, ang marunong sa lahat -- sa kanya iukol ang papuri magpakailanman sa pamamagitan ni Hesukristo! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Narito ang lingkod ng D'yos
maganap nawa nang lubos
ang salita mong kaloob.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya'y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. "Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos," wika niya. "Sumasaiyo ang Panginoon!" Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya't sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos.
Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya'y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan." "Paanong mangyayari ito, gayong ako'y dalaga?" tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, "Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya'y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao -- sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos." Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi." At nilisan siya ng anghel.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Mikas
Ito ang sinasabi ng Panginoon: Betlehem Efrata, bagamat pinakamaliit ka sa mga angkan ni Juda ay sa iyo magmumula ang isang maghahari sa Israel. Ang pinagmula'y buhat pa nang una, mula pa noong unang panahon. Kaya nga, ang bayan ng Panginoon ay ibibigay niya sa kamay ng mga kaaway hanggang sa isilang ng babae ang sanggol na maghahari. Pagkatapos, babalik sa Israel ang nalabi sa bansang ito. Pagdating ng haring yaon, pamamahalaan niya ang Israel sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon; taglay niya ang kadakilaan ng pangalan ng Panginoon na kanyang Diyos. At ang Israel ay mamumuhay ng ligtas, sapagkat ang haring yaong ay kikilalanin ng buong sanlibutan. Sa kanya magmumula ang kapayapaan natin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami't tanglawan.
Pastol ng Israel, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Sa taglay mong takas, kami ay iligtas, at tubusin sa hirap!
R/. Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami't tanglawan.
Ika'y manumbalik,
O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana,
ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
R/. Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami't tanglawan.
Ang lingkod mong mahal
ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay iyong ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
At kung magkagayon,
magbabalik kami't di na magtataksil sa 'yo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
R/. Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami't tanglawan.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat sa mga Hebreo
Noong si Kristo'y manaog sa sanlibutan, sinabi niya sa Diyos, "Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging hain. Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan. Kaya’t aking sinabi, 'Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban' ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin."
Sinabi muna niya, "Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin ay mga handog dahil sa kasalanan" -- bagamat ito'y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya sinabi, "Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban." Inalis ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Kristo. At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Hesukristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili at iyo'y sapat na.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas
Hindi nagtagal at si Maria'y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Juda. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak na sinabi, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!"
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.