Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias
Ang ulilang lupaing malaon nang tigang ay muling sasaya, mananariwa at mamumulaklak ang ilang. Ang dating ilang ay aawit sa tuwa, ito'y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Libano at mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron, mamamasdan ng lahat ang kaningningan at kapangyarihan ng Panginoon. Inyong palakasin ang mahinang kamay, at patatagin ang mga tuhod na lupaypay, ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob: "Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob, darating na ang Panginoong Diyos, at ililigtas ka sa mga kaaway." Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi. Ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik sa Jerusalem, masiglang umaawit ng pagpupuri. Paghaharian sila ng kaligayahan. Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Halina, Panginoong D'yos, upang kami ay matubos.
Ang maaasahang lagi'y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
R/. Halina, Panginoong D'yos, upang kami ay matubos.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapo ay itinataas,
ang mga hinirang niya'y nililingap.
R/. Halina, Panginoong D'yos, upang kami ay matubos.
Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila'y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo't ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.
R/. Halina, Panginoong D'yos, upang kami ay matubos.
Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!
R/. Halina, Panginoong D'yos, upang kami ay matubos.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni Santiago
Kaya nga't magtiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating nga Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang bunga ng kanyang bukirin, at ang pagpatak ng una at huling ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob, sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon. Huwag kayong maghinanakitan, mga kapatid, upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa ngalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Espiritu ng Maykapal
nasa akin upang hat'dan
ang mga dukha ng aral.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nabalitaan ni Juan Bautista, na noo'y nasa bilangguan, ang mga ginagawa ni Kristo. Kaya't nagsugo si Juan ng kanyang mga alagad at ipinatanong sa kanya, "Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kami ng iba?" Sumagot si Hesus, "Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang inyong narinig at nakita: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!"
Pag-alis ng mga alagad ni Juan, nagsalita si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan: "Bakit kayo lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isa bang tambo na inuugoy ng hangin? Ano nga ang inig ninyong makita? Isang taong may maringal na kasuutan? Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, higit pa sa propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan: 'Narito ang sugo ko na aking ipinadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.' Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, wala pang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos at dakila kaysa kanya."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias
Pinuspos ako ng Panginoon ng kanyang Espiritu. Hinirang niya ako upang ang magandang balita'y dalhin sa mahihirap, pagalingin ang sugat ng puso, palayain ang mga bihag at bilanggo. Sinugo n'ya ako, upang ibalitang ngayo'y panahon nang iligtas ng Panginoon ang mga tao na hinirang niya.
At ang Jerusalem sa ginawang ito'y pawang malulugod, anaki'y dalagang gayak ay pangkasal, siya'y parang dinamtan ng kaligtasan at pagtatagumpay. Kung paanong ang binhi ay tiyak na tutubo at sisibol, gayun ang pagliligtas ng Panginoon sa bayang kanyang hinirang. Dahil dito, lahat ng bansa ay magpupuri sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Sa Poong D'yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.
Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako'y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi.
R/. Sa Poong D'yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.
Dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan --
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali't saling lahi.
R/. Sa Poong D'yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.
Binusog niya ang mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang.
R/. Sa Poong D'yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid: Magalak kayong lagi; maging matiyaga sa pananalangin. Ipagpasalamat ninyo sa pangalan ni Kristo Hesus ang lahat ng pangyayari, sapagkat yaon ang ibig ng Diyos. Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. Huwag ninyong hamakin ang anumang pahayag mula sa Diyos. Suriin ninyo ang lahat ng bagay at pulutin ang mabuti. Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.
Nawa'y lubusan kayong pabanalin ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan -- ang espiritu, kaluluwa, at katawan -- hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ang mga bagay na ito.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Espiritu ng Maykapal
nasa akin upang hat'dan
ang mga dukha ng aral.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan
Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong kung sino siya, sinabi ni Juan ang katotohanan. Sinabi niyang hindi siya ang Mesias. "Kung gayo'y sino ka?" tanong nila. "Ikaw ba si Elias?" "Hindi po," tugon niya. "Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?" Sumagot siya, "Hindi po." "Sino ka kung gayun?" Tanong nila uli. "Sabihin mo sa amin para masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?" Sumagot si Juan, "Ako 'Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!'" Ang Propeta Isaias ang maysabi nito. Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, "Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesias, ni si Elias, ni ang Propeta?" Sumagot siya, "Ako'y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak." Ito'y nangyari sa Betania, sa ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.