Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias
Sa araw na iyon, sa lahi ni Jesse ay lilitaw ang isang hari, tulad ng supling mula sa isang tuod. Mananahan sa kanya ang Espiritu ng Poon, bibigyan siya ng katalinuhan at pagkaunawa, ng kaalaman at kapangyarihan, ng karunungan at takot sa Panginoon. Kagalakan niya ang tumalima sa Poon. Hindi siya hahatol ayon sa nakikita o batay sa narinig sa iba. Bibigyan niya ng katarungan ang mga dukha, ipagtatanggol ang karapatan ng mga kawawa. Ang salita niya'y parang tungkod na ipapalo sa malulupit, ang hatol niya'y kamatayan sa masasama. Katarungan at katapatan ang paiiralin niya sa kanyang pamamahala. Mahihirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero, matutulog ang leopardo sa tabi ng batang kambing, Magsasama ang guya at ang batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila'y batang paslit. Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain, ang mga anak nila'y magkakatabing matutulog, kakain ng damo ang leon na animo'y toro. Maglalaro ang batang pasusuhin sa tabi ng lungga ng ahas, hindi maaamo ang bata kahit laruin ang ulupong. Walang mananakit o mamiminsala sa nasasaklaw ng banal na bundok; sapagkat kung paanong puno ng tubig ang karagatan, laganap sa buong lupain ang pagkakilala sa Panginoon. Sa araw na iyon, isisilang ang hari mula sa lahi ni Jesse, ang magiging palatandaan para sa mga bansa. Ang mga baya'y tutungo sa banal na lungsod upang parangalan siya. at magiging maningning ang kanyang luklukan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Mabubuhay S'yang marangal at sasagana kailanman.
Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
Upang siya'y maging tapat mamahala sa 'yong bayan;
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
R/. Mabubuhay S'yang marangal at sasagana kailanman.
Yaong buhay na mat'wid sa kanyang kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
R/. Mabubuhay S'yang marangal at sasagana kailanman.
Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao'y siya'y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
R/. Mabubuhay S'yang marangal at sasagana kailanman.
Nawa yaong kanyang ngalan ay h'wag nang malimutan
manatiling laging bantog na katulad nitong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,
at sa Diyos, silang lahat dumadalanging:
"Harinawa pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala."
R/. Mabubuhay S'yang marangal at sasagana kailanman.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid: Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito. Loobin nawa ng Diyos na nagpapatatag at nagpapalakas ng loob, na mamuhay kayong may pagkakaisa kay Kristo Hesus. Sa gayun, sama-sama kayong magpuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo.
Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Kristo, gayun din ang gawin ninyo sa isa't isa upang maparangalan ninyo ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo: si Kristo'y naging lingkod ng mga Judio upang ipakilala na tapat ang Diyos at tinutupad ang mga pangako niya sa mga patriyarka, at ang mga Hentil nama'y magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habang Ayon sa sinasabi ng Kasulatan, "Kaya't papupurihan kita sa harapan ng mga Hentil, at aawitan ko ang iyong pangalan."
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Daan ng Poong nar'yan na t'wiri't ihanda sa kanya.
Pagtubos n'ya'y makikita.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, si Juan Bautista'y dumating sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Sinabi niya, "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos!" Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nito, "Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!" Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan, at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai'y balang at pulot-pukyutan. At pumunta sa kanya ang mga taga-Jerusalem, taga-Judea, at mga naninirahan sa magkabilang panig ng Jordan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan, at sila'y bininyagan ni Juan sa Ilog Jordan.
Ngunit nang makita niyang marami sa mga Pariseo at mga Saduseo ang lumalapit upang pabinyag, sinabi niya sa kanila, "Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa parusang darating? Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo'y nagsisisi. At huwag ninyong ipangahas na kayo'y anak ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makalilikha ng mga tunay na anak ni Abraham mula sa mga batong ito. Ngayon pa'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punungkahoy; ang bawat punungkahoy sa hindi mabuti ang bunga ay puputulin at ihahagis sa apoy. Binibinyagan ko kayo sa tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo't pagtalikod sa inyong mga kasalanan; ngunit ang dumarating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya'y makapangyarihan kaysa akin, hindi ako karapat-dapat kahit tagadala ng kanyang panyapak. Hawak niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo, ngunit ang ipa'y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.
Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias
"Aliwin ninyo ang aking bayan." sabi ng Diyos. "Aliwin ninyo sila." Inyong ibalita sa bayang Jerusalem, na hinango ko na sila sa pagkaalipin 'pagkat nagbayad na sila nang ibayo sa pagkakasalang ginawa sa akin.
May tinig na sumisigaw: "Ipaghanda ang Panginoon ng daan sa ilang; isang patag at matuwid na lansangan para sa ating Diyos. Tambakan ang mga lambak, patagin ang mga burol at bundok at pantayin ang mga baku-bakong daan. Mahahayag ang kaningningan ng Panginoon at makikita ng lahat. Siya mismo ang nagsabi nito."
At ikaw, O Jerusalem, Mabuting Balita ay iyong ihayag, ikaw, Sion, umakyat ka sa tuktok ng bundok. Ikaw ay sumigaw, huwag kang masisindak, sabihin sa Juda, "Narito ang iyong Diyos!" Dumarating ang Panginoon na Makapangyarihan taglay ang gantimpala sa mga hinirang; at tulad ng pastol, yaong kawan niya ay kakalingain, sa sariling bisig. yaong mga tupa'y kanyang titipunin; sa kanyang kandungan ay pagyayamanin, at papatnubayan ang tupang may supling.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNANR/. Pag-ibig mo'y ipakita, iligtas kami sa dusa.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n'ya'y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
Sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
R/. Pag-ibig mo'y ipakita, iligtas kami sa dusa.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga'y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira'y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa'y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama'y maghahari mula sa itaas.
R/. Pag-ibig mo'y ipakita, iligtas kami sa dusa.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari'y pawang katarungan,
magiging payapa't susunod ang madla sa kanyang daan.
R/. Pag-ibig mo'y ipakita, iligtas kami sa dusa.
IKALAWANG PAGBASAPagbasa mula sa ikalawang Sulat ni San Pedro
Huwag ninyong kalilimutan ito, mga pinakamamahal: sa Panginoon, ang isang araw ay sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay isang araw lamang. Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako tulad ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong tulad ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan niya ng pagkakataon ang lahat na makapagsisi at magbalik-loob sa Diyos, sapagkat hindi niya nais na kayo'y mapahamak.
Ngunit ang Araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na yaon, ang kalangitan ay biglang mapaparam na may nakapangingilabot na ugong. Matutupok ang araw, buwan, at mga bituin, at ang lahat sa lupa ay malalantad. Yamang ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, italaga na ninyo sa kanya ang inyong sarili at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban samantalang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madali ang pagdating ng Araw ng iyon -- araw ng pagkatupok ng kalangitan at pagkatunaw sa matinding init ng mga bagong langit at ng bagong lupa na pinaghaharian ng katarungan. Kaya nga, mga minamahal, samantalang kayo'y naghihintay, sikapin ninyong mamuhay na payapa, walang dungis at kapintasan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYAR/. Aleluya. Aleluya.
Daan ng Poong nar'yan na
t'wiri't ihanda sa kanya.
Pagtubos n'ya'y makikita.
R/. Aleluya. Aleluya.
✠ Pagbasa mula sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Marcos
Ito ang Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo na Anak ng Diyos.
Nagsimula ito noong matupad ang hula ni Propeta Isaias: "Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo, ihahanda niya ang iyong daraanan. Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!'" At dumating nga sa ilang si Juan, nagbibinyag at nangangaral. Sinabi niya sa mga tao, "Pagsisihan ninyo't talkdan ang inyong mga kasalanan, at pabinyag kayo upang kayo'y patawarin ng Diyos." Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan upang makinig. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y bininyagan niya sa Ilog Jordan. Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai'y balang at pulut-pukyutan. Lagi niyang sinasabi sa kanyang pangangaral, "Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan kaysa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo."
Ang Ebanghelyo ng Panginoon.